Tagalog

Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon

Isang Banal na Bokasyon

Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon A

Pagkatapos ay sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad, โ€œSagana ang aanihin ngunit kakaunti ang mga manggagawa; kaya hilingin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala ng mga manggagawa para sa kanyang ani.โ€ Mateo 9:37-38

Ipinapahayag ng mga salitang ito ang isang mahalagang tungkulin nating lahat para sa ikabubuti ng Simbahan. Ipinapahayag nito ang isang panawagang manalangin para sa mga bokasyon sa pagkapari.

Kapansin-pansin na itinatag ni Jesus ang Simbahan sa pamamagitan ng mga karaniwang lalaki upang kumilos sa Kanyang mismong pangalan.ย  Ang mga pari ay mga makasalanan tulad ng lahat, ngunit gayunman ay tinatawag sila ni Jesus na maglingkod sa napakabanal na tungkulin ng pagiging mga pastol.ย  Mahalagang maunawaan natin ang dalawang puntong ito.

Una, tumatawag si Jesus ng mga makasalanan sa pagkapari.ย  Hindi ito isang malupit o mapanuring pahayag, kundi isang paglalahad lamang ng katotohanan.ย  Kailangan lamang nating tingnan ang mga unang obispo, ang mga Apostol, at agad nating makikita ang kanilang mga kahinaan.ย  Tiyak na may banal na tawag ang mga pari tungo sa kabanalan at dapat silang magsikap na maging mga santo.ย  Ngunit hindi tayo dapat magtaka kung hindi sila kasimbanal ni Jesus.ย  Bahagi ang lahat ng ito ng kaloobang nagpapahintulot ng Diyos; samakatuwid, na ang mga lalaking makasalanan ay kumikilos sa mismong Persona ni Jesus, ang Anak ng Diyos.ย  Kamangha-mangha.

Ikalawa, tinatawag ang mga pari na maging ating mga pastol at dapat natin silang pakitunguhan bilang gayon.ย  Kung mapagpakumbaba nating matatanaw ang higit pa sa kanilang mga kahinaan, mauunawaan natin na tunay tayong pinapastol ng Diyos sa pamamagitan nila.ย  Dahil sa kanilang banal na ordinasyon, naihahatid ng Espiritu Santo ang ating mga kaluluwa sa Langit bilang pastol sa isang napakatuwiran at malalim na paraan sa pamamagitan ng pagkapari.ย  Ngunit kung minsan, kailangan ang isang mapagpakumbabang tupa upang tunay na makita ang pastol sa pari.

Pagnilayan ngayon ang dakilang kaloob ng banal na Pagkapari.ย  Dapat nating mahalin at igalang ang ating mga pari, at lalo na silang ipanalangin at suportahan.ย  Dapat din nating sundin ang utos ng ating Panginoon na manalangin para sa higit pang mga manggagawa sa ubasan.ย  Laging nangangailangan ng mga pastol ang ating mundo at tungkulin ng bawat kasapi ng Simbahan na manalangin upang magbangon ang Diyos ng maraming pari para sa banal na ministeryong ito.

Panginoong Hesus, aming dakilang Kataas-taasang Pari, isugo Mo po ang maraming manggagawa sa Iyong ubasan. Pagkalooban Mo ang mga tinatawag Mong maglingkod sa banal na ministeryong ito ng tapang na kailangan nila upang magsabi ng โ€œOoโ€ sa Iyo at yakapin ang isang buhay ng dakilang kabanalan. Pagpalain Mo po sa natatanging paraan ang aming Santo Papa, ang aming obispo, kura paroko, at lahat ng naglilingkod sa loob ng Iyong Simbahan. Tulungan Mo kaming Iyong sambayanan na laging magpakita ng nararapat na pagmamahal at suporta sa aming mga pastol. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.


Ang mga Kababalaghan ng Kaharian ng Diyos

Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B

Sinabi ni Jesus sa mga tao: โ€œGanito ang kaharian ng Diyos: tulad ito ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa, natutulog at bumabangon gabi at araw, at sa buong panahong iyon ay sumisibol at lumalaki ang binhi, nang hindi niya nalalaman kung paano.โ€ย  Mark 4:26-27

Kaygandang larawan ng pagsibol, paglago, at pamumunga ng Kaharian ng Diyos sa ating piling!

Kalooban ng Diyos na dumating ang Kanyang Kaharian.ย  Ipinapanalangin natin ito sa Ama Namin.ย  Ano ang ibig sabihin kapag ipinapanalangin nating dumating ang Kanyang Kaharian?ย  Una, nangangahulugan ito na nais ng Diyos na dumating at manahan sa atin, na itinatatag ang Kanyang Kaharian sa ating mga puso at kaluluwa.ย  Dapat tayong maging mga buhay na kasapi ng Kanyang Kaharian at Siya ang dapat na maging ating Pinuno at Gabay.

Ikalawa, nauunawaan natin na ito ay ang pagtatatag ng Kanyang mga batas at kalooban sa ating daigdig.ย  Nangangahulugan itong ang kaayusang panlipunan, pampolitika, at pangkultura ay dapat mabago ng biyaya ng Diyos upang makibahagi sa Kanyang Kaharian at magbunga ayon dito.ย  May gawain tayong dapat gampanan!

Ikatlo, nangangahulugan ito na inaasam natin ang pangwakas at maluwalhating pagdating ng Kanyang Kaharian kapag bumalik si Hesus sa karilagan at karingalan. Sa wakas, ang lahat ng bagay ay mababago at isasagawa ng Diyos ang Kanyang huling paghuhukom sa sanlibutan, at gagawing bago ang lahat ng bagay.

Ngunit ang sipi sa itaas ay natatanging naghahayag sa atin kung โ€œpaanoโ€ ito mangyayari.ย  Inihahayag nito na ang Kaharian ng Diyos ay unti-unti, marahan, at mahimalang mag-uugat.ย  Mangyayari ito sa ating buhay, mangyayari ito sa ating mundo habang tayong mga Kristiyano ay nagtatalaga ng ating sarili sa gawaing ito, at mahimala itong mangyayari sa katapusan ng panahon kapag bumalik si Jesus.

Pag-isipan ang larawang ito na ibinibigay sa atin ni Jesus.ย  Nagtatanim ng binhi ang magsasaka at unti-unti itong sumisibol, lumalaki, at namumunga.ย  Habang nangyayari ito, ang magsasaka ay โ€œhindi nalalaman kung paano.โ€ย ย 

Pagnilayan ngayon ang mahiwagang mga paraan ng Diyos sa pagtatatag ng Kanyang Kaharian.ย  Siya ang una sa lahat na namamahala rito.ย  Ngunit dapat mong gampanan ang iyong bahagi.ย  Dapat mong gawing matabang lupa ang iyong puso at ang daigdig sa paligid mo.ย  Dapat mong itanim ang binhi at diligan ito kung kinakailangan, ngunit pagkatapos ay hayaan mong gawin ng Diyos ang Kanyang bahagi.ย  Higit pa kaysa kaninuman sa atin ang pagnanais ng Diyos na umusbong ang Kanyang Kaharian sa iyong buhay at sa daigdig.ย  Ngunit kung gagampanan mo ang iyong bahagi, mamamangha ka rin habang pinagmamasdan mong lumalago ang maluwalhating gawa ng Kanyang biyaya.

Aking banal na Hari, tulungan Mo ang aking puso na maging matabang lupa para sa Iyong Kaharian. Tulungan Mo akong hayaan Kang palaguin ang Iyong Kaharian sa aking puso at tulungan Mo akong maging kasangkapan ng Kahariang iyon sa aming sanlibutan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.


Ang Awa ng Diyos

Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon C

Dala ang isang sisidlang alabastro na may pabango, tumayo siya sa likuran Niya, sa may paanan Niya, na umiiyak, at sinimulang basain ng kanyang mga luha ang Kanyang mga paa. Pagkatapos ay pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinalikan, at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong nag-anyaya sa Kanya, sinabi nito sa sarili, โ€œKung propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humahawak sa kanyaโ€”na isa itong makasalanan.โ€ Lucas 7:37b-39

Kapansin-pansin ang pahayag na ito ng Pariseo. Kapansin-pansin ito sapagkat si Hesus ay tunay ngang isang propeta (Ang Propeta ng lahat ng propeta) at alam nga Niya kung anong uri ng babae ang humahawak sa Kanya. Alam Niya ang lahat ng kasalanan nito at higit na higit Niyang kilala kung anong uri talaga ito ng babae kaysa sa mapanghusgang Pariseo. Sa katunayan, ito mismo ang mga dahilan kung bakit gayon ang pakikitungo ni Hesus sa kanya.

Anong uri ng babae ito? Isa siyang makasalanang taos-pusong nagsisisi. Ang kanyang dalamhati dahil sa kanyang kasalanan ang nagbukas sa Puso ni Hesus upang ibuhos ang Kanyang masaganang awa. Nakalulungkot na hindi makita ng Pariseo ang higit pa sa panlabas, ngunit nakikita ni Hesus ang nasa puso ng babae.

May dalawang aral tayong dapat matutuhan sa tagpong ito. Una, dapat nating maunawaan na nakikita ni Hesus ang ating mga puso. Sinisiyasat Niya ang mga ito at higit Niyang nalalaman ang nilalaman ng mga ito kaysa sa sinumang iba, at maging kaysa sa ating sarili. Alam ni Hesus kung may katigasan ng ulo o dalamhati. Alam Niya kung may pagsisisi o kawalang-malasakit. Alam Niya ang lahat at kikilos Siya nang naaayon dito. Hindi natin malilinlang ang ating Panginoon.

Ikalawa, dapat nating gamitin ang tagpong ito upang suriin ang sarili nating pagkahilig na husgahan ang kapwa. Madaling tumingin sa panlabas at bumuo ng mga konklusyon batay sa ating nakikita. Ngunit kapag humusga tayo sa ganitong paraan, humahatol tayo nang hindi nalalaman ang lahat ng katotohanan. Kapag ginawa natin ito, laging magiging mali ang ating paghatol.

Pagnilayan mo ngayon ang Puso ng ganap na pag-ibig sa Persona ng ating Tagapagligtas. Pagnilayan mo rin ang Kanyang ganap na pagkakilala sa iyong puso. Papasukin mo Siya at hayaang ilantad Niya ang iyong kasalanan at kahinaan. Gagawin Niya ito nang may labis na pagkamagiliw at awa, habang tinatawag ka Niya sa tapat na pagsisisi. Kung tutugon ka, tatanggapin ka Niya kung paanong tinanggap Niya ang makasalanang babaeng ito.

Panginoon ng ganap na awa, alam kong ako ay isang makasalanan at nagsusumamo ako sa Iyong masaganang awa. Pinagsisisihan ko ang aking kasalanan at hinihiling kong patawarin Mo ako. Tulungan Mo rin ako, mahal na Panginoon, na huwag kailanman mahulog sa bitag ng pagiging mapanghusga at mapaghatol sa kapwa. Palayain Mo ako mula sa ganitong uri ng kapalaluan at tulungan Mo akong ipagkaloob sa iba ang awang ipinagkakaloob Mo sa akin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.


Pagharap ng Kabilang Pisngi

Lunes ng Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon

โ€œNgunit sinasabi Ko sa inyo, huwag ninyong labanan ang taong masama. Kapag sinampal ka ng sinuman sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila.โ€ Mateo 5:39

Mahirap tanggapin ang aral na ito!

Talaga bang ito ang ibig sabihin ni Hesus? Kadalasan, kapag ginawan tayo ng masama o sinaktan ng isang tao, maaari tayong agad humanap ng mga pangangatwiran upang isantabi ang talatang ito ng Ebanghelyo at ipagpalagay na hindi ito naaangkop sa atin. Oo, mahirap paniwalaan ang aral na ito, at mas mahirap pa itong isabuhay.

Ano ang ibig sabihin ng โ€œiharap ang kabilang pisngi?โ€ Una, dapat natin itong tingnan sa literal na kahulugan. Talagang ibig sabihin ni Jesus ang Kanyang sinabi. Siya ang ganap na halimbawa nito. Hindi lamang Siya sinampal sa pisngi, kundi malupit ding binugbog at ipinako sa krus. At ang Kanyang tugon ay, โ€œAma, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.โ€ Samakatuwid, hindi tayo tinatawag ni Jesus na gawin ang anumang hindi Niya mismo handang gawin.

Ang pagharap ng kabilang pisngi ay hindi nangangahulugang kailangan nating pagtakpan ang mapang-abusong mga kilos o salita ng iba. Hindi tayo dapat magkunwaring wala silang ginawang mali. Si Jesus mismo, sa Kanyang pagpapatawad at paghiling sa Ama na magpatawad, ay kumilala sa malubhang kawalang-katarungang dinanas Niya sa mga kamay ng mga makasalanan. Ngunit ang mahalaga ay hindi Niya hinayaang madala Siya sa kanilang masamang hangarin.

Kadalasan, kapag pakiramdam natin ay binabato tayo ng putik ng iba, wika nga, natutukso tayong gantihan din sila ng putik. Natutukso tayong lumaban at itulak din ang nang-aapi. Ngunit ang susi sa pagdaig sa masamang hangarin at kalupitan ng iba ay ang pagtangging magpahila pababa sa putikan. Ang pagharap ng kabilang pisngi ay isang paraan ng pagsasabing tumatanggi tayong ibaba ang ating sarili sa walang kabuluhang bangayan o pagtatalo. Tumatanggi tayong makisangkot sa kawalang-katwiran kapag nakaharap natin ito. Sa halip, pinipili nating hayaan ang iba na ilantad ang kanilang masamang hangarin sa kanilang sarili at sa kapwa sa pamamagitan ng mapayapang pagtanggap dito at pagpapatawad.

Hindi nito sinasabing nais ni Hesus na habambuhay tayong manatili sa mga mapang-abusong ugnayang higit sa kaya nating tiisin. Ngunit nangangahulugan ito na tayong lahat ay makararanas ng kawalang-katarungan paminsan-minsan at kailangan natin itong harapin nang may awa at agarang pagpapatawad, at huwag magpadala sa pagganti ng masama sa masama.

Pagnilayan mo ngayon ang anumang ugnayang mahirap para sa iyo. Lalo mong pagnilayan kung gaano ka kahandang magpatawad at iharap ang kabilang pisngi. Ang paggawa nito ay maaaring maghatid sa iyo ng kapayapaan at kalayaang hinahanap mo sa ugnayang iyon.

Aking mapagpatawad na Panginoon, tulungan Mo akong tularan ang Iyong dakilang awa at pagpapatawad. Tulungan Mo akong patawarin ang mga nakasakit sa akin at huwag magpadaig sa anumang kawalang-katarungang nararanasan ko. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.


Ibigin ang Inyong mga Kaaway

Martes ng Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon

โ€œNgunit sinasabi Ko sa inyo, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo ay maging mga anak ng inyong Ama sa langit.โ€ Matthew 5:44-45a

Hindi ito madaling utos mula sa ating Panginoon. Ngunit ito ay utos ng pag-ibig.

Una, tinatawag Niya tayong ibigin ang ating mga kaaway. Sino ang ating mga kaaway? Sana ay wala tayong โ€œmga kaawayโ€ sa diwang may mga tao tayong sadyang piniling kapootan. Ngunit maaaring may mga tao sa ating buhay na natutukso tayong magalit at nahihirapan tayong mahalin. Marahil ay maituturing nating mga kaaway ang sinumang nahihirapan tayong pakitunguhan.

Ang pag-ibig sa kanila ay hindi nangangahulugang kailangan natin silang maging matalik na kaibigan, ngunit nangangahulugan itong dapat nating pagsikapang magkaroon ng tunay na pagmamalasakit, pag-aalala, pag-unawa at pagpapatawad sa kanila. Maaaring mahirap itong madama para sa lahat, ngunit dapat natin itong maging layunin.

Makatutulong ang ikalawang bahagi ng utos na ito. Ang pananalangin para sa mga umuusig sa atin ay tutulong sa ating lumago sa wastong pag-ibig at pagmamalasakit na kailangan nating linangin. Napakalinaw ng aspetong ito ng pag-ibig, bagaman napakahirap din nito.

Isipin mo ang mga taong hirap na hirap kang mahalin. Ang mga taong kinagagalitan mo. Maaaring isa itong kapamilya, katrabaho, kapitbahay, o isang tao mula sa iyong nakaraan na hindi mo pa nakakasundo. Alinsunod sa talatang ito ng Ebanghelyo ang tapat na pag-amin na may kahit isang tao, o marahil ay higit pa, na may alitan kayo, lantaran man o sa iyong kalooban lamang. Ang pag-amin nito ay isang pagpapakatapat lamang.

Kapag natukoy mo na ang taong ito o ang mga taong ito, pag-isipan kung ipinagdarasal mo sila. Regular ka bang naglalaan ng oras upang ihandog sila sa Diyos sa panalangin? Ipinagdarasal mo bang ibuhos ng Diyos ang Kanyang biyaya at awa sa kanila? Maaaring mahirap itong gawin, ngunit isa ito sa mga gawaing pinakamabuti para sa iyong kalooban. Maaaring mahirap magpakita ng pagmamahal at pagkagiliw sa kanila, ngunit hindi mahirap sadyang piliing ipagdasal sila.

Ang pananalangin para sa mga taong nahihirapan tayong pakitunguhan ang susi upang hayaan ang Diyos na magpatubo sa ating mga puso ng tunay na pagmamahal at malasakit para sa kanila. Isa itong paraan ng pagpapahintulot sa Diyos na baguhin ang ating mga damdamin upang hindi na natin kailangang kimkimin ang galit o maging ang poot.

Italaga mo ang iyong sarili ngayong araw sa pagdarasal para sa taong pinakamahirap mong pakitunguhan. Malamang na hindi mababago ng panalanging ito ang iyong pagmamahal sa kanya sa magdamag, ngunit kung tapat mong gagawin ang ganitong panalangin araw-araw, sa paglipas ng panahon ay unti-unting babaguhin ng Diyos ang iyong puso at palalayain ka sa bigat ng galit at sama ng loob na maaaring humadlang sa pagmamahal na nais Niyang taglayin mo para sa lahat ng tao.

Panginoon ng ganap na pag-ibig, ipinapanalangin ko ang taong nais Mong ipanalangin ko. Tulungan Mo akong mahalin ang lahat ng tao at lalo na ang mga mahirap mahalin. Isaayos Mong muli ang aking damdamin para sa kanila at tulungan Mo akong makalaya sa anumang galit. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.


Isang Buhay na Nakakubli para sa Diyos

Miyerkules ng Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon

Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: โ€œMag-ingat kayong huwag gawin ang inyong mabubuting gawa upang makita ng mga tao; kung hindi, wala kayong tatanggaping gantimpala mula sa inyong Ama sa langit.โ€ Matthew 6:1

Madalas, kapag gumagawa tayo ng mabuti, gusto nating makita ito ng iba. Gusto nating malaman nila kung gaano tayo kabuti. Bakit? Dahil masarap sa pakiramdam ang kilalanin at parangalan ng iba. Ngunit sinasabi ni Hesus na gawin natin ang ganap na kabaligtaran.

Sinasabi sa atin ni Hesus na kapag gumagawa tayo ng kawanggawa, nag-aayuno, o nananalangin, dapat natin itong gawin nang lihim. Sa madaling salita, hindi natin ito dapat gawin upang mapansin at purihin ng iba. Hindi naman masama na makita ng iba ang ating kabutihan. Sa halip, tinutukoy ng turo ni Hesus ang pinakaugat ng ating mga motibo sa paggawa ng mabuti. Nais Niyang sabihin sa atin na dapat tayong kumilos nang may kabanalan dahil nais nating mapalapit sa Diyos at sundin ang Kanyang kalooban, hindi upang kilalanin at purihin tayo ng iba.

Nagbibigay ito sa atin ng mahalagang pagkakataong suriin nang malalim at tapat ang ating mga motibo. Bakit mo ginagawa ang mga ginagawa mo? Isipin ang mabubuting bagay na sinisikap mong gawin. Pagkatapos, isipin ang iyong motibo sa paggawa ng mga iyon. Nawa’y ang nag-uudyok sa iyo na gumawa ng mga banal na bagay ay ang hangarin mong maging banal at tuparin ang kalooban ng Diyos. Nasisiyahan ka ba kahit ang Diyos lamang ang nakakakita ng iyong mabubuting gawa? Ayos lang ba sa iyo na walang ibang kumikilala sa iyong pagiging di-makasarili at mga gawa ng pagmamahal? Nawa’y โ€œOoโ€ ang iyong sagot.

Ang kabanalan ay lalo nang matatagpuan sa iyong buhay na nakakubli sa paningin ng iba. Doon, kung saan ang Diyos lamang ang nakakakita sa iyo, dapat kang kumilos sa paraang kalugud-lugod sa Kanya. Dapat kang mamuhay sa kabutihang-asal, panalangin, sakripisyo at pag-aalay ng sarili kahit ang Diyos lamang ang nakakakita. Kung makapamumuhay ka nang ganito sa iyong buhay na nakakubli sa iba, makatitiyak ka rin na ang iyong nakakubling buhay sa biyaya ay makaaapekto sa iba sa paraang ang Diyos lamang ang makapagsasaayos. Kapag nagsisikap kang magpakabanal nang lihim, nakikita iyon ng Diyos at ginagamit Niya iyon para sa kabutihan. Ang nakakubling buhay na ito sa biyaya ang nagiging saligan ng iyong pagkatao at ng iyong pakikitungo sa kapwa. Maaaring hindi nila makita ang lahat ng iyong ginagawa, ngunit maaantig sila ng kabutihang nasa iyong kaluluwa.

Panginoon ng kabanalan, tulungan Mo akong mamuhay sa biyaya nang lingid sa paningin ng iba. Tulungan Mo akong maglingkod sa Iyo kahit walang nakakakita. Mula sa pag-iisa sa mga sandaling iyon, padaluyin Mo ang Iyong biyaya at awa para sa daigdig. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.


Ang Ama Namin

Huwebes ng Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon

โ€œGanito kayo manalangin: Ama namin, sumasalangit Kaโ€ฆโ€ Matthew 6:9

Ang sumusunod ay isang sipi mula sa aklat na My Catholic Worship!, Kabanata Labing-isa, tungkol sa Panalangin ng Panginoon:

Ang Panalangin ng Panginoon ay tunay na buod ng buong Ebanghelyo. Tinatawag itong โ€œPanalangin ng Panginoonโ€ sapagkat si Hesus mismo ang nagbigay nito sa atin upang turuan tayong manalangin. Sa panalanging ito, matatagpuan natin ang pitong kahilingan sa Diyos. Sa loob ng pitong kahilingang iyon ay matatagpuan natin ang bawat mithiin ng tao at bawat pagpapahayag ng pananampalatayang nasa Banal na Kasulatan. Ang lahat ng kailangan nating malaman tungkol sa buhay at panalangin ay nakapaloob sa kahanga-hangang panalanging ito.

Si Hesus mismo ang nagbigay sa atin ng panalanging ito bilang huwaran ng lahat ng panalangin. Mabuting regular nating bigkasin ang mga salita ng Ama Namin sa panalanging binibigkas. Ginagawa rin ito sa ibaโ€™t ibang sakramento at sa liturhikong pagsamba. Gayunman, hindi sapat ang pagbigkas lamang ng panalanging ito. Ang layunin ay isapuso ang bawat aspeto ng panalanging ito upang maging huwaran ito ng ating personal na pagsamo sa Diyos at ng pagtitiwala ng ating buong buhay sa Kanya.

Ang Pundasyon ng Panalangin

Ang Ama Namin ay hindi nagsisimula sa isang kahilingan; sa halip, nagsisimula ito sa pagkilala natin sa ating pagkakakilanlan bilang mga anak ng Ama. Mahalagang saligan ito upang maipanalangin nang wasto ang Ama Namin. Ipinapakita rin nito ang pangunahing saloobing dapat nating taglayin sa lahat ng panalangin at sa buong buhay Kristiyano. Ang pambungad na pahayag bago ang pitong kahilingan ay ito: โ€œAma namin, sumasalangit Ka.โ€ Tingnan natin kung ano ang nakapaloob sa pambungad na pahayag na ito ng Ama Namin.

Lakas ng Loob Bilang mga Anak: Sa Misa, inaanyayahan ng pari ang mga tao na dasalin ang Panalangin ng Panginoon sa pagsasabing, โ€œSa utos ng Tagapagligtas at hinubog ng banal na pagtuturo, naglalakas-loob tayong sabihinโ€ฆโ€ Ang ating โ€œpaglalakas-loobโ€ na ito ay nagmumula sa pangunahing pagkaunawa na ang Diyos ang ating Ama. Dapat makita ng bawat Kristiyano ang Ama bilang sarili niyang Ama. Dapat nating makita ang ating sarili bilang mga anak ng Diyos at lumapit sa Kanya nang may pagtitiwala ng isang anak. Ang isang anak na may mapagmahal na magulang ay hindi natatakot sa magulang na iyon. Sa halip, lubos na nagtitiwala ang mga anak na mahal sila ng kanilang mga magulang anuman ang mangyari. Kahit magkasala sila, alam ng mga anak na minamahal pa rin sila. Ito ang dapat na maging pangunahing panimulang punto ng lahat ng ating panalangin. Dapat tayong magsimula sa pagkaunawang mahal tayo ng Diyos anuman ang mangyari. Sa ganitong pagkaunawa sa Diyos, magkakaroon tayo ng lubos na pagtitiwalang kailangan natin upang tumawag sa Kanya.

Abba: Ang pagtawag sa Diyos na โ€œAmaโ€ o, mas tiyak, na โ€œAbbaโ€ ay nangangahulugang dumaraing tayo sa Diyos sa pinakapersonal at pinakamatalik na paraan. Ang โ€œAbbaโ€ ay isang magiliw na tawag sa Ama. Ipinakikita nito na ang Diyos ay hindi lamang ang Makapangyarihan sa Lahat o ang Maykapal. Higit pa rito ang Diyos. Ang Diyos ang aking mapagmahal na Ama at ako ang minamahal na anak na lalaki o babae ng Ama.

Ama โ€œNaminโ€: Ang pagtawag sa Diyos na Ama โ€œnaminโ€ ay nagpapahayag ng isang ganap na bagong ugnayan bunga ng Bagong Tipan na pinagtibay sa dugo ni Kristo Hesus. Sa bagong ugnayang ito, tayo na ngayon ang bayan ng Diyos at Siya ang ating Diyos. Ito ay pagpapalitan ng mga persona at, samakatuwid, lubhang personal. Ang bagong ugnayang ito ay walang iba kundi isang kaloob ng Diyos na wala tayong karapatang angkinin. Wala tayong karapatang tawaging Ama ang Diyos. Isa itong biyaya at kaloob.

Inihahayag din ng biyayang ito ang ating malalim na pakikiisa kay Hesus bilang Anak ng Diyos. Matatawag lamang natin ang Diyos na โ€œAmaโ€ kung tayo ay kaisa ni Hesus. Ang Kanyang pagkatao ang nagbubuklod sa atin sa Kanya, at ngayon ay kabahagi tayo sa isang malalim na ugnayan sa Kanya.

Ang pagtawag sa Diyos na Ama โ€œnaminโ€ ay naghahayag din ng ating pagkakaisa sa isaโ€™t isa. Lahat ng tumatawag sa Diyos na kanilang Ama sa ganitong matalik na paraan ay magkakapatid kay Kristo. Samakatuwid, hindi lamang tayo malalim na nagkakaugnay; nagagawa rin nating sambahin ang Diyos nang sama-sama. Sa ganitong kalagayan, iniiwan ang indibidwalismo kapalit ng pagkakaisang magkakapatid. Tayo ay mga kasapi ng iisang banal na pamilyang ito bilang isang maluwalhating kaloob ng Diyos.

Ama namin, sumasalangit Ka, sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo. Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. At patawarin Mo kami sa aming mga sala, para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. At huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya Mo kami sa lahat ng masama. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.


Ang Iyong Kayamanan at ang Iyong Puso

Biyernes ng Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon

โ€œHuwag kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan naninira ang tanga at pagkabulok, at pumapasok ang mga magnanakaw upang magnakaw. Sa halip, mag-imbak kayo ng mga kayamanan sa langit, kung saan walang tanga o pagkabulok na naninira, ni mga magnanakaw na pumapasok upang magnakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.โ€ Matthew 6:19-21

Kaya nasaan ang iyong puso? Nasa itaas ang sagot sa tanong na iyan. Kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso. Kaya ang kasunod na tanong ay, โ€œAno ang iyong kayamanan?โ€

Itinuturo ng talatang ito ang panganib ng labis na pagkakapit sa materyal na kayamanan. Ngunit gayon din sa anumang bagay sa buhay na ito na maaari nating labis na kapitan. Ano ang kinakapitan mo? Ano ang iyong kayamanan?

Sa pinakamainam na kalagayan, nakaugnay lamang ang ating puso sa mga bagay na nais ng Diyos na pag-ukulan natin nito. Kung gayon nga, ang mga bagay na minamahal natin ay ang mga kayamanang nais ng Diyos na mahalin natin. At sa pagmamahal sa mga bagay na iyon, minamahal natin ang Diyos na nagkakaloob ng mga ito at tumatawag sa ating mahalin ang mga ito.

Tiyak na dapat kabilang sa ating kayamanan ang ating pamilya at ang iba pang tinatawag tayong mahalin at alagaan nang may natatanging pagmamahal. Dapat ding maging kayamanan natin ang ating buhay ng pananalangin at pagsamba. Iyan ang pinakatuwirang paraan ng pagmamahal natin sa Diyos sa mundong ito. Maaari ding maging kayamanan natin ang mga partikular na gawa ng paglilingkod na nadarama nating inuudyukan tayong gawin, o anumang bahagi ng kalooban ng Diyos.

Minamahal mo ba ang mga bagay na ito? Ang mga ito ba ang iyong kayamanan? Ang suliranin ay napakadalas nating mahalin ang higit pa sa mga bagay na tinatawag tayo ng Diyos na mahalin. Labis tayong napapamahal sa kaisipang yumaman at magkaroon ng maraming ari-arian. Ngunit ang ating di-malusog na mga โ€œpagmamahalโ€ ay maaari pang lumampas sa salapi at materyal na mga bagay.

Pagnilayan mo ngayon ang mga bagay na maaaring labis mong itinuring na โ€œkayamananโ€ sa iyong buhay. Ano ang labis mong kinakapitan sa lumilipas na mundong ito? Pera ba? O iba pang bagay? Hayaang ipakita ito sa iyo ng Diyos at pagkatapos ay hayaan Siyang palayain ka mula rito. Iyan ang unang hakbang tungo sa isang buhay na taglay ang pinakadakilang kayamanan!

Panginoon ng tunay na kayamanan, tulungan Mo akong panatilihing nakatuon sa Iyo ang aking puso. Tulungan Mo akong panatilihin Ikaw at ang Iyong kalooban bilang aking pinakadakilang kayamanan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.


Huwag Kayong Mag-alala

Sabado ng Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon

โ€œSino sa inyo ang makapagdaragdag ng kahit isang sandali sa haba ng kanyang buhay sa pamamagitan ng pag-aalala?โ€ฆhanapin muna ninyo ang Kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran, at ipagkakaloob din sa inyo ang lahat ng bagay na ito. Huwag kayong mag-alala tungkol sa bukas; ang bukas na ang bahala sa sarili nito.โ€ Matthew 6:27 & 33-34

Ito ay payong kailangan nating lahat na marinig. Ngunit gaya ng kasabihan, โ€œMas madaling sabihin kaysa gawin.โ€

Para sa ilang tao, ang pag-aalala ay maaaring maging karaniwang bahagi na lamang ng buhay. Napakaraming bagay ang maaari nating alalahanin sa bawat araw. Ang pananalapi, mga ugnayan, trabaho, pamilya, kalusugan, at marami pang ibang bagay sa buhay ay maaaring magdulot ng matinding pag-aalala, takot, pagkabalisa, at maging depresyon. Ang labis na pag-aalala ay tunay na maaaring maging mabigat na pasanin kung hindi ito haharapin nang wasto.

Kung gayon, ano ang tamang paraan ng pagharap sa mga bagay na ipinag-aalala mo? Magtiwala. Magtiwala sa Diyos, sa Kanyang katapatan, sa Kanyang pag-ibig na lubos na sumasaklaw sa iyo, at sa Kanyang pagkalinga. Minamahal ka Niya at nagmamalasakit Siya sa iyo nang higit pa sa kaya mong maunawaan. At alam Niya ang bawat detalye at suliraning maaari mong harapin.

Kung tunay nating nauunawaan ang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang walang-hanggang karunungan, wala tayong anumang ipag-aalala. Magagawa nating magtiwala at ipaubaya ang lahat sa Kanya araw-araw, at hahayaan natin Siyang pumasok sa ating buhay at gabayan tayo sa pag-asa ayon sa Kanyang ganap na plano para sa ating buhay. Ngunit, gaya ng nabanggit sa itaas, mas madaling sabihin ito kaysa gawin.

Isa pang mahalagang salik sa pagdaig sa mga alalahanin at pagkabalisa sa buhay ay ang paghahanap sa Katotohanan. Ang pagkilala sa katotohanan ay nagpapalaya sa atin at nagbibigay-daan upang makita natin ang kamay ng Diyos na kumikilos kahit sa pinakamahihirap na kalagayan. Hindi tayo kailanman pinababayaan ng Diyos kahit na kung minsan ay ganoon ang ating pakiramdam. Kung hahanapin natin ang Kanyang tinig, ang Kanyang kalooban, ang Kanyang karunungan, at ang Kanyang katotohanan, mas magiging madali ang magtiwala sa Kanya. At kapag nagtiwala tayo sa Kanya, matatagpuan natin ang kapayapaan sa ating kaluluwa at madarama nating nawawala ang mabigat na pasanin ng ating pag-aalala.

Pagnilayan mo ngayon kung ano ang pinakanag-aalala sa iyo. Maaaring ito ay isang takot na napakabigat at napakahirap dalhin. O maaaring isa lamang itong kaisipang patuloy na namamalagi sa iyong isipan. Anuman ang iyong kalagayan, sikapin mong tukuyin kung ano ang tila pinakamabigat mong pasanin at pinakamalaking sanhi ng iyong pag-aalala. Pagkatapos, sikapin mong hanapin ang katotohanan ng Diyos na naaangkop sa iyong kalagayan upang makapagpaubaya ka nang may pagtitiwala sa Kanyang ganap na plano para sa iyong buhay.

Panginoon ng ganap na karunungan, tunay akong nagtitiwala sa Iyo, ngunit nagkukulang din ako sa pagtitiwala. Kapag nabibigatan ako sa mga pasanin at alalahanin ng buhay, tulungan Mo akong ipaubaya sa Iyo ang mga alalahaning iyon. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

ย 

Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon

Talaan ng mga Nilalaman


Makukuha Rin sa Paperback & eBook

ย Amazon.comย –ย Google Playย –ย iTunesย –ย Barnes and Noble

Ibahagi ang Pahinang Ito: