
I. Ang Paglisan
Mga tinik at dawag, sa pawis ng noo,
Ang tanging inani ng lahat ng pagod ko.
Sabihin Mo, Ama: Paano mangyayaring
Ang ganitong kabiguan ay makalugod sa Iyo?
Mas mahusay na mahahasikan ng iba ang Iyong lupa.
Hindi ba higit ang nagugol sa akin kaysa aking halaga?
Mabuti pang ako ngayon ay lumisan
Kaysa biguin Ka at lalo pang saktan.
Handa na ang dala, mula sa Iyong harapan
Ako’y aalis, tangan ang aking mana.
Mga ligaya sa ibang lupain ang papawi sa sakit
Ng lahat ng paggawa kong nauwi sa wala.
Taggutom ang nagpahapis sa aking laman at puso,
Mula pa noong araw na ako’y lumisan.
Mga pangakong walang laman ang aking pinaniwalaan.
Sa buong panahong ito, ako ba’y nalinlang?
II. Ang Pagbabalik
Budhi’y tumatawag: “Umuwi ka na!”
Doon, maaari akong umasang magtrabaho para sa aking tinapay.
Nasaksihan ng Langit ang mga kasalanan kong ito.
Hindi na ako makikisalo sa mga baboy na ito.
“Ama,” sasabihin ko, “sa lahat ng aking ginawa,
Hindi na nararapat na tawagin akong Iyong anak.
Magsisikap pa ako, ipinapangako ko sa Iyo,
Magiging higit na mabuting lingkod ako.”
Nang matanaw Mo ako mula sa malayo,
Nakabalot sa basahan, may pilat na sarili kong likha,
Awa mula sa Iyong pusong makaama
Ang nagdamit sa akin at nagsabing huwag nang lumisan.
Para sa akin na humati sa Iyong yaman,
Kinatay Mo ba ang Pinatabang Guya?
Ama, kinamumuhian ko ang aking kinahinatnan.
Sabihin Mo, paano Ka nakapagdiriwang?
III. Ang Pagdiriwang
Pinakamamahal kong anak, dati kang kapiling ko,
Habang matiyaga akong gumagawang kasama mo,
Naghahasik ng binhi sa bawat lupa,
At sa piling mo’y nakatagpo ako ng ligaya.
Ang bagabag ng puso’y naghatid sa iyo sa takot.
Nang lumisan ka, naghintay ako rito,
Hinahanap ka sa malayo at sa malapit
Upang muli kang makapiling Ko.
Ngayo’y nakauwi ka na, buhay at nasa mabuting kalagayan.
Iwaksi nang tuluyan ang mga dating kasinungalingan!
Wala kang anuman o sinumang dapat katakutan,
Kung mananatili ka ritong kapiling Ko.
Ama, huwag Mong hayaang ako’y maligaw.
Ibigay Mo sa akin ngayon ang aking Kakanin sa Araw-araw.
Mabuti pang matulog sa Iyong tiyak na pagkalinga
Kaysa balisang magbantay sa ibang lugar.
IV. Ang Paanyaya
Ano itong naririnig ko tungkol sa anak na naligaw ng landas?
Sa kanyang pagbabalik, nagsimula ang isang handaan?
Sana’y itinigil ko na ang aking mabigat na paglilingkod,
Upang ako rin ay makasaya sa isang handaan.
Nagpakahirap ako araw at gabi,
Nagpaalipin sa ilalim ng Iyong paninging walang nakaliligtas.
Bawat pagkakamali ko
Ay nagkulong sa akin sa higit pang paggawa.
Ang paghahasik mo para sa Akin nang may luha at pawis,
Minamahal kong anak, huwag mong panghinayangan.
Hindi ang iyong ani ang higit Kong pinahalagahan
Kundi ang iyong pagsisikap at hirap sa paggawa.
Nakabalik na ngayon ang iyong kapatid.
Pumasok ka sa tahanan kung saan pinananabikan Kong
Makaupo ka naming kasalo sa hapag
At malaman mong lahat ng Akin ay iyo.
-P. Timothy J. Draper
Tampok na Larawan: Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak, ni BARTOLOMÉ ESTEBAN MURILLO
