Gamitin mo ang iyong kinikita upang maghatid ng kagalakan
sa mga sinusuportahan mo.
Huwag kang mag-alala kung gaano karami ang mayroon ka.
Ako ang maglalaan!
Maging matulungin ka sa kapwa,
ngunit huwag mong ilagay ang iyong sarili
sa kalagayang hindi makatutulong sa Aking gawain.
Laging magkakaroon ng mga dukha.
Hindi Ko sinusukat ang kabanalan sa kayamanan.
Gamitin mo nang matalino ang ibinibigay Ko sa iyo;
minamahal at pinagkakatiwalaan kita.
Ang ilan ay binibigyan ng marami;
ang ilan ay binibigyan ng mas kaunti;
ang ilan ay walang natatanggap.
Ako ang nagpapasya sa mga bagay na ito.
Ang ilan ay nangangailangan ng marami;
ang iba naman ay hindi.
Ang ilan ay naghahangad ng marami;
ang iba naman ay hindi.
Ang ilan ay karapat-dapat tumanggap ng marami;
ang iba naman ay hindi.
Ibinibigay Ko sa lahat ang pinakamabuti para sa kanila.
Gamitin mo ang ibinibigay Ko sa iyo
nang may kagandahang-loob ayon sa iyong pagpapasya.
Huwag kang magpadala
sa mga pagnanasa ng mundo.
Alamin mo at magtiwala kang ang ibinibigay Ko sa iyo
ay upang makatulong kang maghatid ng pagpapala sa mga pinakamalapit sa iyo at sa mga inilalapit Ko sa iyo upang humingi ng tulong.
Pakainin mo ang mga nagugutom;
tulungan mo ang mga dukha.
Hinihintay ng mga taong ito ang iyong tulong.
Nagbibigay Ako ng kayamanan sa mga
makapaglilingkod sa kapwa sa ganitong paraan.
Ang ilan ay tumatanggap ng kayamanan
at hindi naglilingkod sa Akin.
Mabibigo ang ganitong uri ng kayamanan.
Pagpapalain kita kapag tumutulong ka sa kapwa.
