Tagalog

Ikadalawampu’t Pitong Araw: Katamaran o Kasipagan?

Biyernes ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma

Hindi magiging mabunga ang Kuwaresma kung walang masusing pagsusuri ng budhi. Gagabayan ka namin sa pagsusuring ito sa susunod na pitong araw upang matulungan kang maghanda para sa napakaganda at nakapaglilinis na Sakramento ng Pakikipagkasundo. Isa sa mga dahilan kung bakit marami ang umiiwas sa pagsusuri ng kanilang budhi ay ang unang kasalanang pagninilayan natin—ang katamaran.

Ang katamaran ay kawalan ng sipag na nagiging dahilan upang mapabayaan natin ang ating mga tungkulin sa Diyos at sa kapwa. Mas pinipili ng taong tamad ang ginhawa kaysa disiplina, ang pahinga kaysa paggawa, at ang kawalang-interes kaysa kasipagan. Ang katamaran ay humahantong sa kalungkutang espirituwal, kawalan ng pag-asa, kabagalan sa pagkilos, pagkagalit, kawalang-gawain, pagkabalisa, pag-aaksaya, at di-banal na pagkamausisa. Kapag nakagawian na ang katamaran, ang unang isinasaalang-alang ng isang tao sa bawat araw ay ang gawin kung ano ang pinakamadali at pinakanakapagbibigay ng ginhawa. Halimbawa, ang labis na oras sa social media ay maaaring humantong sa katamaran. Kailangan ang pagsisikap, kasipagan, pananagutan, malasakit sa kapwa, at pagnanais na makagawa ng mabuting pagbabago upang mahikayat ang isang tao na talikuran ang masamang kaugaliang ito.

Ang kasipagan (o kasigasigan) ang kabutihang-asal na kabaligtaran at lunas sa katamaran. Binibigyan tayo nito ng kakayahang panagutan ang ating mga tungkulin sa araw-araw at tuparin ang mga ito ayon sa kalooban ng Diyos. Ang pagiging labis na lulong sa trabaho, na siya namang kabilang kasukdulan, ay hindi lunas sa katamaran. Ang kabutihang-asal ng kasipagan ay tumutulong sa ating matagpuan ang tamang balanse sa lahat ng ating kilos, upang magawa natin nang may katapatan at kasigasigan ang ipinagagawa sa atin ng Diyos, at maiwasan ang labis na pagkahumaling sa mga bagay na nagdudulot ng tensiyon at di-nararapat na mga pasanin.

Tungkol sa ating kapwa, makatutulong ang pag-ibig sa paglunas sa katamaran kapag inilayo natin ang ating pansin sa sarili nating mga kagustuhan at itinuon ito sa mga paraan upang maipakita ang pagmamahal at malasakit sa mga nasa paligid natin. Dahil sa katamaran, sa ating sarili lamang tayo tumitingin. Tinutulungan tayo ng pag-ibig na tumingin sa kapwa at mag-isip ng mga paraan upang mapabuti ang kanilang buhay, kahit mangailangan ito ng malaking sakripisyo. Natatagpuan natin ang kagalakan sa sakripisyong iyon.

Tungkol naman sa Diyos, tinutukso tayo ng katamaran na umiwas sa araw-araw na pananalangin. Maaari nating ikatwiran na walang bisa ang ating mga panalangin, o na naglilingkod tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga gawa, anupat ang ating gawain na ang ating panalangin. Napakahalaga ng matapat na paninindigang manalangin araw-araw, na naglalaan ng oras bawat araw para sa pananalangin lamang. Sa katunayan, kung uupo ka upang manalangin o luluhod sa harap ng ating Panginoon at agad mong mararanasan ang tuksong talikuran ang gawaing iyon, makatutulong sa paglunas sa katamaran ang paglaban sa tuksong iyon.

Nakakapasok sa ating buhay ang espirituwal na katamaran kapag wala tayong natatanggap na kaaliwan mula sa panalangin, pinanghihinaan tayo ng loob, at sumusuko. Sa simula ng ating buhay-panalangin, madalas tayong bigyan ng Diyos ng espirituwal na pampalakas-loob sa anyo ng nadaramang mga kaaliwan na nagmumula sa pagninilay at mga espirituwal na pagkaunawa. Ngunit darating ang panahon na matutuyo ang mga kaaliwang iyon at makadarama tayo ng kahungkagan. Ang karanasang ito ay maaaring magdulot ng pagkalito at mag-udyok sa ating talikuran ang ating buhay-panalangin; iyan ang espirituwal na katamaran. Ang dapat nating layunin ay magtiyaga sa gitna ng pagkatuyong espirituwal at huwag panghinaan ng loob.

Nang naghihingalo si Hesus sa Krus, sumigaw Siya, “Nauuhaw Ako!” Marahil ay may pisikal na bahagi ang Kanyang pagkauhaw dahil sa kakulangan ng tubig sa Kanyang katawan. Ngunit sa mas malalim na antas, ang pagkauhaw ni Hesus ay para sa bawat kaluluwang nangangailangan ng Kanyang pag-ibig. Kung makakabahagi tayo sa pagkauhaw ni Hesus para sa kaligtasan ng mga kaluluwa, kabilang ang ating sarili, ang espirituwal na pagkauhaw na ito ang mag-uudyok sa ating daigin ang lahat ng katamaran.

Aking Panginoong nauuhaw, ang nag-aalab na hangarin ng Iyong kaluluwa ay ang ibuhos ang Iyong awa sa lahat ng tao. Ang kanilang pagtanggap sa Iyong pag-ibig ang pumawi sa pagkauhaw ng Iyong Kamahal-mahalang Puso at nag-udyok sa Iyo na magmahal nang higit pa. Puspusin Mo po ang aking kaluluwa ng Iyong banal na pagkauhaw, una para sa kaligtasan ng aking kaluluwa, at gayundin para sa ikabubuti ng mga tinatawag akong paglingkuran. Gawin Mo akong masigasig sa pananalangin at tapat sa aking mga tungkulin sa buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Tingnan din: Ikadalawampu’t Pitong Araw: 40 Araw sa Paanan ng Krus

Talaan ng mga Nilalaman

Higit Pa para sa Kuwaresma

Ibahagi ang Pahinang Ito: