Ang mga pangyayari sa iyong buhay ay nagbubunga ng mga tanong
na hindi masagot.
Maniwala kang may mga sagot,
ngunit hindi mo nakikita ang mga ito.
Ang mahalaga ay hindi ang ganap mong pagkaunawa
kundi ang iyong pagtitiwala at pananampalataya lamang.
Ituon mo, kung gayon, ang iyong pansin sa pagtitiwala sa kabutihan.
Bitiwan mo ang iyong mga pag-aalinlangan at pagtatanong,
sapagkat hindi nakatutulong ang mga ito.
Isantabi mo ang iyong mga takot
at buksan ang iyong puso sa Aking mga paraan.
Magtiwala kang naroon ang Aking kabutihan
sa gitna ng kalituhan ng tao.
Magtiwala kang ang Aking kamay ang gumagabay sa mga pangyayari sa buhay.
Sa paniniwalang ito, kung gayon,
ano pa ang dapat ipag-alala?
Sa pananampalatayang ito, kung gayon,
isang masayang puso na lamang ang dapat manatili.
Hindi ka dapat pagharian ng mga pasanin sa buhay.
Hayaang ang mga pasaning ito
ay mapalitan ng lakas ng loob.
Hayaang ang Aking mga salita
ay mag-angat sa iyong puso tungo sa kagalakan at kapayapaan.
Hayaang ang mga gantimpalang ito
ay pumuspos sa iyong puso ng pagkakontento.
