Tagalog

Ikatatlumpu’t Isang Araw – “Ngayon ay Makakasama Kita sa Paraiso”


Bersiyong Video

Nilait ni Jesus ng isa sa mga salaring nakapako roon, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili at kami.” Ngunit sinaway siya ng isa pa at sumagot, “Wala ka bang takot sa Diyos, gayong pareho tayo ng hatol? At makatarungan ang pagkakahatol sa atin, sapagkat ang parusang tinanggap natin ay nararapat sa ating mga krimen, ngunit ang taong ito ay walang ginawang krimen.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Sumagot Siya sa kanya, “Amen, sinasabi ko sa iyo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.” Lucas 23:39-43

Napakamakapangyarihan ng pag-uusap na ito ni Jesus at ng dalawang salaring ipinako sa krus na kasama Niya, sa Kanyang kanan at kaliwa. Tahimik na nakatayo ang ating Mahal na Ina, nakikinig sa kanilang pag-uusap. Walang alinlangan na nang marinig niya ang mga salita ng kanyang Anak, nag-umapaw sa galak ang kanyang puso.

Makapangyarihan ang tagpong ito. Ang dalawang salarin ay kumakatawan sa ating lahat, nasa kanan man tayo o nasa kaliwa ni Jesus. Bawat isa sa atin ay nagsasalita kay Jesus sa katulad na mga salita. Bawat isa sa atin ay haharap sa katahimikan ng ating Panginoon o maririnig Siyang magsabi, “Ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”

Aling salarin ang higit na kumakatawan sa iyo? Ang isang salarin ay puno ng pagmamarunong na siya ay matuwid, na nagmumula sa kapalaluan. Ang isa naman ay puno ng pagsisising nagmumula sa kababaang-loob. Kapwa sila may sala ngunit isa lamang ang pinatawad. Kapwa nila kinikilala si Jesus bilang Mesiyas ngunit isa lamang ang umaako sa kanyang kasalanan.

Sinabi ng unang salarin, “Iligtas mo ang iyong sarili at kami.” Hindi niya nakikita na iyon mismo ang kasalukuyang ginagawa ni Jesus. Sa pamamagitan ng pagdurusa at pagkamatay, winawasak Niya ang kasalanan at nakakamit ang kaligtasan para sa lahat ng mapagpakumbabang humihingi ng Kanyang awa. Ang Kanyang kamatayan ang daan patungo sa Paraiso. Hindi ito nakikita ng unang salarin. Sa halip, hinahangad niya ang agarang makalupang “kaligtasan” sa pamamagitan ng paghamon kay Jesus na iligtas siya mula sa kamatayan sa krus.

Ngunit nakikilala ng isa pang salarin ang maluwalhating misyon ng ating Panginoon. Kinikilala niya na ang sarili niyang kamatayan ay makatarungang kabayaran para sa kanyang mga kasalanan. “Makatarungan ang pagkakahatol sa atin,” ang ipinahayag niya. Ngunit hindi roon huminto ang “mabuting magnanakaw.” Mapagpakumbaba niyang hiniling kay Jesus na alalahanin siya sa pagpasok Niya sa Kanyang Kaharian. Pumayag si Jesus at ipinagkaloob sa salaring ito ang biyayang nakamit sa pamamagitan ng nalalapit Niyang kamatayan, at ipinangako sa kanya ang Paraiso.

Habang nakamasid ang ating Mahal na Ina, napuno ng galak at dalamhati ang kanyang puso. Nagdalamhati siya dahil sa unang salarin na hindi mapagpakumbabang kumilala sa kanyang pagkakasala. Nagalak siya dahil sa isa pang salarin na nagpakumbaba sa harap ng kanyang Anak at tumanggap ng buhay na walang hanggan. Habang nakapako sa Krus ang kanyang Anak, nakita ni Inang Maria ang paghiling sa pangako ng Paraiso at ang pagkakaloob nito. Ang galak na nadama niya sa pagsaksi sa kaligtasan ng salaring ito ay nagbigay ng aliw sa dalamhating nadama niya dahil sa malupit na pagtrato sa kanyang Anak.

Tayong lahat ay tinatawag na maghatid ng galak sa puso ng ating Mahal na Ina. Ginagawa natin ito kapag mapagpakumbaba nating inaamin na tayo rin ay mga “salarin” sa diwang tayo ay mga makasalanan. Kamatayan ang parusang nararapat sa atin. Ngunit kung mapagpakumbaba nating inaamin ang katotohanang ito, dapat din tayong magkaroon ng lakas ng loob na magsumamo sa ating Panginoon na kaawaan Niya tayo at tanggapin sa Paraiso.

Pagnilayan mo ngayon ang mga salita ng mabuting magnanakaw na ito. “Hesus, alalahanin Mo ako kapag dumating Ka sa Iyong kaharian.” Namatay ang ating Panginoon upang buksan ang mga pintuan ng Paraiso na unang isinara ng kasalanan ni Adan. Pagnilayan mo rin ang kagalakang naidudulot mo sa ating Mahal na Ina sa tuwing nagpapakumbaba ka sa harap ng biyayang nakamit sa pamamagitan ng Krus ng kanyang Anak.

Pinakamamahal na Ina, habang nakatayo ka sa harap ng iyong Anak at narinig mong ipinangako Niya ang kaligtasan sa magnanakaw na nagsisi, nag-umapaw sa dalisay na kagalakan ang iyong puso. Dalangin ko na makapagdulot din ako ng kagalakan sa iyong puso habang nakikita mong ibinubuhos sa akin ang biyaya ng Krus ng iyong Anak.

Mahal kong Ina, ipanalangin mo ako upang magalak din ako sa pagsisisi ng lahat ng makasalanan. Napakadalas kong maging mapanghusga at mabagal magpatawad. Tularan nawa ng aking puso ang iyong dalisay na pag-ibig, at makatagpo nawa ako ng kagalakan sa pagbabalik-loob ng lahat ng bumabaling sa iyong Anak.

Aking mapagpatawad na Tagapagligtas, makatarungan ang hatol sa akin dahil sa aking mga kasalanan at nararapat akong mamatay. Patawarin Mo ako at kaawaan, mahal kong Panginoon. Pinagsisisihan ko ang aking mga kasalanan at hinihiling ko sa Iyo ang biyayang alalahanin Mo ako sa Iyong maluwalhating Kaharian.

Inang Maria, ipanalangin mo ako. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ika-32 Araw – “Babae, Narito ang Iyong Anak…Narito ang Iyong Ina”

Talaan ng mga Nilalaman


Mayroon Din sa eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: