
Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang Kanyang ina at ang kapatid ng Kanyang ina, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang Kanyang ina at ang alagad na Kanyang minamahal na nakatayo roon, sinabi Niya sa Kanyang ina, “Babae, narito ang iyong anak.” Pagkatapos ay sinabi Niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan. Juan 19:25-27
Kaygandang pagpapahayag ng pag-ibig ang inialay ng Anak ni Maria habang naghahanda Siyang malagutan ng hininga. Hindi ang Kanyang sarili ang Kanyang inaalala. Hindi Siya nilukuban ng awa sa sarili at kawalan ng pag-asa. Sa halip, ang Kanyang mga minamahal ang Kanyang inaalala. Una, kinausap Niya ang magnanakaw na nakapako sa krus at pinangakuan ito ng Paraiso. Pagkatapos ay ipinagkatiwala Niya ang Kanyang mahal na ina sa Kanyang minamahal na alagad na si Juan. “Babae, narito ang iyong anak.” “Narito ang iyong ina.”
Sa mahalagang sandaling ito, inalis ng Ina ng Diyos ang kanyang tingin sa kanyang Anak na si Jesus upang buong pagmamahal na tumingin kay Juan, ang kanyang bagong anak sa biyaya. Si Juan, ang tanging alagad na nanatiling malapit kay Jesus sa buong panahon ng Kanyang pagdurusa at kamatayan, at nanatiling kasama ng ating Mahal na Ina habang nakatayo siya sa harap ng Krus, ay bumaling at buong pagmamahal na tumingin sa kanyang bagong ina sa biyaya.
Ang pagbibigay at pagtanggap na ito ay hindi lamang para sa ating Mahal na Ina at kay Juan. Nilayon itong maging utos para sa ating lahat. Inaanyayahan tayong lahat na manatili sa paanan ng Krus sa katauhan ng minamahal na alagad na ito. Mula sa Krus, tinitingnan tayong lahat ni Jesus at sinasabi, “Narito ang iyong ina.” At inaatasan Niya ang Kanyang mahal na ina na bumaling sa bawat isa sa atin nang may pagmamahal at pagkalinga, na nakikita sa bawat isa sa atin ang kanyang sariling minamahal na anak.
Ang ating Mahal na Ina ang bagong Eva, ang bagong Ina ng Lahat ng Nabubuhay sa banal na kaayusan ng biyaya. Siya ang Ina at Reyna ng bagong Kaharian at ng bagong Pamilya ng Diyos. Kung nais nating maging mga kasapi ng bagong Kahariang iyon ng Biyaya, dapat nating tanggapin nang buong pagmamahal ang ating bagong ina.
Tinanggap ni Juan ang ating Mahal na Ina sa kanyang sariling tahanan, minahal niya ito at minahal din siya nito. Ang maka-inang pagkalinga ni Inang Maria kay Juan ang nagbigay sa kanya ng kakayahang yakapin ang kalooban ng Diyos hanggang sa katapusan ng kanyang buhay. Tayo rin ay dapat tumanggap sa ating Mahal na Ina sa tahanan ng ating mga puso at yumakap sa kanya bilang sarili nating ina. Bilang tugon, yayakapin niya tayo at aakayin patungo sa kanyang banal na Anak.
Pagnilayan mo ngayon ang magagandang salitang ito ni Jesus. Pakinggan mo ang mga ito na para bang sa iyo mismo sinasabi. Pakinggan mong sabihin sa iyo ni Jesus, “Narito ang iyong ina.” Masdan mo ang Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Diyos at Reyna ng Langit at Lupa. Lumapit ka sa kanya, mahalin mo siya at tanggapin ang kanyang maka-inang paggabay at pagkalinga. Hayaan mong yakapin ka niya at tanggapin sa kanyang puso.
Pinakamamahal kong Ina at Reyna, habang nakatayo ka sa harap ng Krus ng iyong Anak, ang tanging nag-alis ng iyong tingin sa iyong Anak ay ang paanyaya ni Jesus na masdan ang iyong bagong anak sa biyaya. Ako ang anak na iyon, mahal kong ina, at nagpapasalamat ako sa iyo sa mapagmahal na tinging ipinagkakaloob mo sa akin.
Mahal kong Ina, tinatanggap kita sa tahanan ng aking puso upang maging aking espirituwal na ina sa kaayusan ng biyaya. Tinatanggap kita bilang aking reyna at hinihiling ko ang iyong maka-inang pagkalinga at paggabay. Ilapit mo ako sa iyong banal na Anak, mahal kong Ina, at ipanalangin mo akong hanapin ko Siya nang higit sa lahat ng bagay sa buhay.
Mapagmahal kong Panginoong Jesus, habang nakabayubay Ka sa Krus, ang pinakamalalim Mong hangarin ay ang kaligtasan ng mga kaluluwa. Mula sa Iyong Krus, tinutunghayan Mo ako, isang hamak na makasalanan, at ipinagkakatiwala sa akin ang Iyong sariling ina. Nagpapasalamat ako sa Iyo para sa kaloob na ito na hindi kayang arukin, at tinatanggap ko ang maka-inang pagkalinga ng Reyna ng Sansinukob at Ina ng Lahat.
Inang Maria, ipanalangin mo ako. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Ikatatlumpu’t Tatlong Araw – “Diyos Ko, Diyos Ko, Bakit Mo Ako Pinabayaan?”
Mayroon Din sa eBook & Paperback!

