“Taglay ang Puso ng Isang Ama” (Patris corde)
Liham Apostoliko ni Papa Franciscoย
Pang-araw-araw na Panalangin ng Nobena kay San Jose
Paghahandog sa Umaga kay San Jose
Tatlumpung Araw na Panalangin kay San Jose
Mga Panalangin Bilang Parangal sa Pitong Hapis at Pitong Galak ni San Jose
Panghihikayat Apostoliko Tungkol kay San Jose ni Papa San Juan Pablo II
Iba Pang mga Dokumento, Aral at Homiliya Tungkol kay San Jose
Mga Piling Artikulo sa Buletin Tungkol kay San Jose
Panalangin ni Papa Francisco kay San Jose
Aba, Tagapangalaga ng Manunubos,
Kabiyak ng Mahal na Birheng Maria.
Sa iyo ipinagkatiwala ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak;
sa iyo inilagak ni Maria ang kanyang tiwala;
sa piling mo ay naging tao si Kristo.
Pinagpalang Jose, sa amin din,
ipakita mong ikaw ay isang ama
at gabayan mo kami sa landas ng buhay.
Ipagkamit mo kami ng biyaya, awa at lakas ng loob,
at ipagsanggalang mo kami sa lahat ng kasamaan. Amen.
(Isinulat ni Papa Francisco saย Patris Corde.)
Panalangin ni Papa Leon XIII kay San Jose
Sa inyo, O pinagpalang Jose, kami ay lumalapit sa aming kapighatian, at matapos magsumamo ng tulong sa inyong kabanal-banalang Kabiyak, buong pagtitiwala rin naming hinihingi ang inyong pagkakalinga.
Sa pamamagitan ng pag-ibig na nagbuklod sa inyo sa Birheng Walang Bahid-dungis na Ina ng Diyos at ng pagmamahal ng isang ama na inyong ipinangyakap sa Batang Hesus, buong kababaang-loob kaming nagsusumamo sa inyo na buong kagandahang-loob ninyong lingapin ang pamanang tinubos ni Hesukristo sa pamamagitan ng kanyang Dugo, at sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at lakas ay tulungan kami sa aming mga pangangailangan.
O lubhang mapagbantay na tagapag-alaga ng Banal na Mag-anak, ipagtanggol ninyo ang mga hinirang na anak ni Hesukristo; O mapagmahal na ama, ilayo ninyo sa amin
ang lahat ng paglaganap ng kamalian at impluwensiyang nagpapasama; O aming makapangyarihang tagapagtanggol, kahabagan ninyo kami at mula sa langit ay tulungan kami sa aming pakikibaka laban sa kapangyarihan ng kadiliman.
Kung paanong iniligtas ninyo noon ang Batang Hesus mula sa panganib ng kamatayan, ipagsanggalang din ninyo ngayon ang Banal na Simbahan ng Diyos mula sa mga bitag ng kaaway at sa lahat ng kapighatian; ipagsanggalang din ninyo ang bawat isa sa amin sa pamamagitan ng inyong patuloy na pag-iingat, upang, sa tulong ng inyong halimbawa at pagtangkilik, kami ay mamuhay nang may kabanalan, mamatay sa kabanalan, at magkamit ng walang hanggang kaligayahan sa langit.
Amen.
(Isinulat ni Papa Leon XIII sa kanyang ensiklikangย Quamquam pluries noong 1889.)
Panginoon, maawa Ka sa amin.
Kristo, maawa Ka sa amin.
Panginoon, maawa Ka sa amin. Kristo, pakinggan Mo kami.
Kristo, buong habag Mong pakinggan kami.
Diyos Amang nasa Langit, maawa Ka sa amin.
Diyos Anak, Manunubos ng sanlibutan, maawa Ka sa amin.
Diyos Espiritu Santo, maawa Ka sa amin.
Santรญsima Trinidad, Iisang Diyos, maawa Ka sa amin.
Santa Maria, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
Marangal na anak ni David, ipanalangin mo kami.
Ilaw ng mga patriyarka, ipanalangin mo kami.
Kabiyak ng Ina ng Diyos, ipanalangin mo kami.
Malinis na tagapangalaga ng Birhen, ipanalangin mo kami.
Amang nag-aruga sa Anak ng Diyos, ipanalangin mo kami.
Mapagbantay na tagapagtanggol ni Kristo, ipanalangin mo kami.
Puno ng Banal na Mag-anak, ipanalangin mo kami.
Jose na lubhang makatarungan, ipanalangin mo kami.
Jose na kalinis-linisan, ipanalangin mo kami.
Jose na lubhang maingat, ipanalangin mo kami.
Jose na lubhang magiting, ipanalangin mo kami.
Jose na lubhang masunurin, ipanalangin mo kami.
Jose na lubhang tapat, ipanalangin mo kami.
Salamin ng pagtitiis, ipanalangin mo kami.
Mapagmahal sa karukhaan, ipanalangin mo kami.
Huwaran ng mga manggagawa, ipanalangin mo kami.
Karangalan ng buhay sa tahanan, ipanalangin mo kami.
Tagapangalaga ng mga birhen, ipanalangin mo kami.
Haligi ng mga pamilya, ipanalangin mo kami.
Kaaliwan ng mga nagdurusa, ipanalangin mo kami.
Pag-asa ng mga maysakit, ipanalangin mo kami.
Patron ng mga naghihingalo, ipanalangin mo kami.
Sindak ng mga demonyo, ipanalangin mo kami.
Tagapagtanggol ng Santa Iglesia, ipanalangin mo kami.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Ipagpaumanhin Mo kami, O Panginoon!
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Buong habag Mong pakinggan kami, O Panginoon!
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Maawa Ka sa amin!
V. Ginawa Niya siyang panginoon ng Kanyang sambahayan,
R. At tagapamahala ng lahat ng Kanyang ari-arian.
Manalangin Tayo
O Diyos, na sa Iyong di-maipahayag na Kalinga ay minarapat Mong piliin si Mapalad na Jose upang maging kabiyak ng Iyong kabanal-banalang Ina, ipagkaloob Mo, isinasamo namin sa Iyo, na siya na aming pinararangalan bilang tagapagtanggol namin sa lupa ay maging tagapamagitan namin sa Langit. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.
Pang-araw-araw na Panalangin ng Nobena kay San Jose
(Lalong-lalo nang dinarasal araw-araw mula Marso 10โ18 bilang paghahanda sa Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ni Maria)
O San Jose, na ang pagkakalinga ay lubhang dakila, makapangyarihan, at maagap sa harap ng trono ng Diyos, ipinagkakatiwala ko sa iyo ang lahat ng aking mga hangarin at ninanais.
O San Jose, tulungan mo ako sa pamamagitan ng iyong makapangyarihang pamamagitan at ipagkamit mo ako mula sa iyong Anak na Diyos ng lahat ng pagpapalang espirituwal sa pamamagitan ni Hesukristo, na aming Panginoon, upang matapos kong maranasan dito sa lupa ang iyong makalangit na kapangyarihan, maihandog ko ang aking pasasalamat at pagpupugay sa pinakamapagmahal sa lahat ng mga ama.
O San Jose, hindi ako nagsasawang magnilay sa iyo at kay Hesus na natutulog sa iyong mga bisig. Hindi ako nangangahas na lumapit habang Siya ay namamahinga sa tabi ng iyong puso. Yakapin mo Siya nang mahigpit para sa akin at hagkan ang Kanyang magandang ulo para sa akin, at hilingin mong gantihan Niya ang halik na iyon kapag nalalagutan na ako ng hininga. San Jose, patron ng mga kaluluwang papanaw, ipanalangin mo ako.
Amen.
Panalangin kay San Jose, ang Manggagawa
O Maluwalhating San Jose, huwaran ng lahat ng naglalaan ng sarili sa paggawa, ipagkamit mo ako ng biyayang magtrabaho sa diwa ng penitensiya bilang pagbabayad-puri sa marami kong kasalanan; magtrabaho nang buong katapatan, na inuuna ang tawag ng tungkulin kaysa sa aking mga likas na hilig; magtrabaho nang may pasasalamat at kagalakan, na itinuturing na karangalan ang gamitin at paunlarin sa pamamagitan ng paggawa ang mga kaloob na tinanggap mula sa Diyos; magtrabaho nang may kaayusan, kapayapaan, pagtitimpi, at pagtitiis, na hindi kailanman umuurong sa pagod at mga pagsubok; higit sa lahat, magtrabaho nang may dalisay na layunin at hindi iniisip ang sariling kapakanan, na laging isinasaisip ang kamatayan at ang pagsusulit na dapat kong ibigay tungkol sa oras na nasayang, mga talentong hindi nagamit, kabutihang hindi ginawa, at walang-kabuluhang paghanga sa sarili dahil sa tagumpay, na lubhang nakapipinsala sa gawain ng Diyos.
Lahat para kay Hesus, lahat sa pamamagitan ni Maria, lahat ayon sa iyong halimbawa, O Patriyarka, San Jose. Ito ang magiging gabay ko sa buhay at sa kamatayan. Amen.
(Isinulat ni Papa San Pio X)
Pag-aalay sa Umaga kay San Jose
Tanggapin mo ako, minamahal at hinirang na Ama, at ang alay ng bawat kilos ng aking katawan at kaluluwa, na nais kong ihain sa pamamagitan mo sa aking pinagpalang Panginoon.
Linisin mo ang lahat! Gawin mong ganap na handog na sinusunog ang lahat! Nawa ang bawat tibok ng aking puso ay maging isang Komunyong Espirituwal, ang bawat sulyap at kaisipan ay isang gawa ng pag-ibig, ang bawat kilos ay isang kalugud-lugod na sakripisyo, ang bawat salita ay isang palaso ng Banal na pag-ibig, ang bawat hakbang ay isang paglapit kay Hesus, ang bawat pagdalaw sa Ating Panginoon ay maging kalugud-lugod sa Diyos gaya ng pagtupad ng mga Anghel sa kanilang mga atas, at ang bawat pag-alaala sa iyo, minamahal na Santo, ay isang gawa upang ipaalala sa iyo na ako ay iyong anak.
Ipinagkakatiwala ko sa iyo ang mga pagkakataong karaniwan akong nagkukulang, lalo na . . . [Mention these].
Tanggapin mo ang bawat munting gawa ng debosyon sa maghapon, bagaman puno ng kakulangan, at ialay ito kay Hesus, na sa Kanyang awa ay magpapalampas sa lahat ng iyon, sapagkat higit Niyang pinahahalagahan ang pag-ibig ng nagbibigay kaysa sa kaloob.
Amen.
Memorare kay San Jose
Alalahanin mo, O kalinis-linisang esposo ng Mahal na Birheng Maria, aking dakilang tagapagtanggol, San Jose, na wala pang dumulog sa iyong pagkupkop o nagsumamo ng iyong tulong na hindi nakatanggap ng kaginhawahan. Kaya, sa pagtitiwala sa iyong kabutihan, lumalapit ako sa iyo. Huwag mong tanggihan ang aking mga kahilingan, ama-amahan ng Manunubos, kundi buong kabaitang tanggapin ang mga ito.
Amen.
Pagtatalaga ng Sarili kay San Jose
O pinakamamahal na San Jose, itinatalaga ko ang aking sarili sa iyong karangalan at ibinibigay ang aking sarili sa iyo, upang ikaw ay maging lagi kong ama, tagapagtanggol, at gabay sa landas ng kaligtasan. Ihingi mo ako ng dakilang kadalisayan ng puso at maalab na pag-ibig sa panloob na buhay. Sa pagtulad sa iyong halimbawa, nawa’y gawin ko ang lahat para sa higit na kaluwalhatian ng Diyos, kaisa ng Banal na Puso ni Hesus at ng Kalinis-linisang Puso ni Maria! At ikaw, O pinagpalang San Jose, ipanalangin mo ako upang makabahagi ako sa kapayapaan at kagalakan ng iyong banal na kamatayan.
Amen.
Tatlumpung Araw na Panalangin kay San Jose
Ayon sa isang sinaunang tradisyon, namatay si San Jose bago magsimula si Hesus sa Kanyang hayagang ministeryo. Kaya, bilang paggalang sa 30 taong nakasama ni San Jose sina Hesus at Maria, dinarasal ang sumusunod na panalangin sa loob ng 30 araw.
Jose na laging pinagpala at maluwalhati, mabait at mapagmahal na ama, at matulunging kaibigan ng lahat ng nagdadalamhati! Ikaw ang mabuting ama at tagapagtanggol ng mga ulila, ang tagapagsanggalang ng mga walang kalaban-laban, ang pintakasi ng mga nangangailangan at nagdadalamhati.
Buong kabaitang lingapin mo ang aking kahilingan. Dahil sa aking mga kasalanan, sumapit sa akin ang makatarungang galit ng aking Diyos, kaya nababalot ako ng kalungkutan. Sa iyo, mapagmahal na tagapag-alaga ng Pamilya ng Nazaret, ako dumudulog upang humingi ng tulong at pagkupkop. Kaya, isinasamo ko sa iyo, dinggin mo nang may malasakit ng isang ama ang aking taimtim na mga panalangin, at ihingi mo ako ng mga biyayang aking hinihiling.
Hinihiling ko ito alang-alang sa walang-hanggang awa ng walang-hanggang Anak ng Diyos, na nag-udyok sa Kanya na akuin ang ating kalikasan at isilang sa daigdig na ito ng kapighatian.
Hinihiling ko ito alang-alang sa pagod at pagdurusang tiniis mo nang wala kang matagpuang matutuluyan sa bahay-panuluyan sa Betlehem para sa Banal na Birhen, ni isang bahay kung saan maisisilang ang Anak ng Diyos. Noon, palibhasa’y tinanggihan kayo saanman, kinailangan mong hayaang isilang ng Reyna ng Langit ang Manunubos ng sanlibutan sa isang yungib.
Hinihiling ko ito alang-alang sa kagandahan at kapangyarihan ng banal na Ngalang Hesus, na ibinigay mo sa Sanggol na karapat-dapat sambahin.
Hinihiling ko ito alang-alang sa matinding paghihirap na nadama mo sa hula ng banal na si Simeon, na nagpahayag na ang Batang Hesus at ang Kanyang banal na Ina ay magiging mga biktima ng ating mga kasalanan at ng kanilang dakilang pag-ibig sa atin.
Hinihiling ko ito alang-alang sa iyong dalamhati at sakit ng kalooban nang ipahayag sa iyo ng anghel na pinagtatangkaan ng Kanyang mga kaaway ang buhay ng Batang Hesus. Dahil sa kanilang masamang balak, kinailangan mong tumakas patungong Ehipto kasama Siya at ang Kanyang Mahal na Ina.
Hinihiling ko ito alang-alang sa lahat ng pagdurusa, pagod, at pagpapagal sa mahaba at mapanganib na paglalakbay na iyon.
Hinihiling ko ito alang-alang sa lahat ng iyong pag-iingat upang ipagsanggalang ang Banal na Sanggol at ang Kanyang Kalinis-linisang Ina sa inyong ikalawang paglalakbay, nang ikaw ay inutusang bumalik sa iyong sariling bayan.
Hinihiling ko ito alang-alang sa inyong mapayapang buhay sa Nazaret, kung saan naranasan ninyo ang napakaraming ligaya at dalamhati. Hinihiling ko ito alang-alang sa inyong matinding pagkabalisa nang mawala sa inyo at sa Kanyang ina ang kaibig-ibig na Sanggol sa loob ng tatlong araw.
Hinihiling ko ito alang-alang sa inyong kagalakan nang matagpuan Siya sa templo, at sa kaaliwang natagpuan ninyo sa Nazaret habang namumuhay na kapiling ang Batang Hesus.
Hinihiling ko ito alang-alang sa kahanga-hangang pagpapasakop na ipinakita Niya sa Kanyang pagsunod sa inyo.
Hinihiling ko ito alang-alang sa ganap na pag-ibig at pagtalima na ipinakita ninyo sa pagtanggap sa utos ng Diyos na lisanin ang buhay na ito at ang piling nina Hesus at Maria.
Hinihiling ko ito alang-alang sa kagalakang pumuno sa inyong kaluluwa nang ang Manunubos ng sanlibutan, na nagtagumpay laban sa kamatayan at impiyerno, ay pumasok upang angkinin ang Kanyang kaharian at isinama kayo roon nang may natatanging mga parangal.
Hinihiling ko ito sa pamamagitan ng maluwalhating Pag-aakyat kay Maria sa Langit, at ng walang-hanggang kaligayahang tinatamasa ninyo kasama niya sa harapan ng Diyos. O mabuting ama! Isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa lahat ng inyong pagdurusa, dalamhati, at ligaya, na dinggin ako at ipagkamit para sa akin ang aking hinihiling.
(Banggitin dito ang inyong mga kahilingan o isaisip ang mga ito.)
Ipagkamit ninyo para sa lahat ng humiling ng aking mga panalangin ang lahat ng makabubuti sa kanila ayon sa plano ng Diyos. Sa wakas, mahal kong patron at ama, samahan ninyo ako at ang lahat ng mahal ko sa aming mga huling sandali, upang walang hanggan naming awitin ang mga papuri kina: HESUS, MARIA AT JOSE.
โSan Jose, nawa’y mamuhay kami nang walang kapintasan, at sa inyong mapagkalingang pagtangkilik ay maligtas sa kapahamakan.โ
Mga Panalangin sa Karangalan ng Pitong Dalamhati at Pitong Ligaya ni San Jose
Pinagmulan ng debosyong ito: Dalawang prayleng Pransiskano ang naglalayag sa baybayin ng Flanders nang sumapit ang isang napakalakas na bagyo na nagpalubog sa bangka kasama ang tatlong daang pasahero nito. Gayunman, nakakapit ang dalawang prayle sa isang tablang kahoy sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi habang walang tigil na nananalangin kay San Jose. Nagpakita nga sa kanila si San Jose bilang isang binata at tinulungan silang makarating sa ligtas na lugar. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila na dasalin araw-araw nang pitong ulit ang Ama Namin at Aba Ginoong Maria bilang pag-alaala sa kanyang pitong dalamhati at pitong ligaya. Ang mga panalangin sa ibaba ay isinulat ni Kagalang-galang Januarius Sarnelli, C.S.S.R. (pumanaw noong 1744) at maaaring gamitin sa pagsasagawa ng debosyong ito. Maaari itong dasalin sa loob ng pitong magkakasunod na Linggo, pitong magkakasunod na araw, o nang minsanan. Para sa mga nais magdasal nito araw-araw, narito ang isang maaaring sunding kaayusan:
Unang Dalamhati/Ligaya: Tuwing Linggo
Ikalawang Dalamhati/Ligaya: Tuwing Lunes
Ikatlong Dalamhati/Ligaya: Tuwing Martes
Ikaapat na Dalamhati/Ligaya: Tuwing Miyerkules
Ikalimang Dalamhati/Ligaya: Tuwing Huwebes
Ikaanim na Dalamhati/Ligaya: Biyernes
Ikapitong Dalamhati/Ligaya: Sabado
Unang Dalamhati:ย Ang pag-aalinlangan ni San Jose.
Ngunit si Jose na kanyang asawa, na isang taong matuwid at ayaw siyang ilantad sa kahihiyan, ay nagpasiyang hiwalayan siya nang lihim. (Matthew 1:19)
Unang Ligaya: Ang mensahe ng Anghel.
Ngunit habang pinag-iisipan niya ang mga bagay na ito, narito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon, na nagsasabi, โHuwag kang matakot, Jose, anak ni David, na tanggapin si Maria na iyong asawa, sapagkat ang ipinaglihi niya ay mula sa Espiritu Santo. (Matthew 1:20)
O malinis na Kabiyak ng kabanal-banalang Maria, maluwalhating San Jose, napakatindi ng ligalig at dalamhati ng inyong puso nang balak ninyong hiwalayan nang lihim ang inyong walang-dungis na Kabiyak, subalit di-maipahayag ang inyong kagalakan nang ipabatid sa inyo ng Anghel ang dakilang misteryo ng Pagkakatawang-tao!
Alang-alang sa dalamhating ito at ligayang ito, isinasamo namin sa inyo na aliwin ang aming mga kaluluwa, ngayon at sa mga dalamhati ng aming huling oras, ng kagalakan ng isang mabuting buhay at banal na kamatayan na katulad ng sa inyo, sa mga bisig nina Hesus at Maria.
Ama Namin . . .
Aba Ginoong Maria . . .
Luwalhati . . .ย
Manalangin Tayo.
O Diyos, na sa Iyong di-maipahayag na Kalinga ay minarapat Mong piliin ang pinagpalang Jose upang maging esposo ng Iyong kabanal-banalang Ina, ipagkaloob Mo, isinasamo namin, na siya na aming iginagalang bilang aming tagapagtanggol sa lupa ay maging aming tagapamagitan sa Langit. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.ย
Amen.
Ikalawang Hapis:ย Ang karalitaan sa pagsilang ni Hesus.
At isinilang niya ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot ito ng mga lampin, at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. (Luke 2:7)
Ikalawang Galak:ย Ang pagsilang ng Tagapagligtas.
At sinabi sa kanila ng anghel, โHuwag kayong matakot, sapagkat narito, ibinabalita ko sa inyo ang mabuting balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan; sapagkat ngayon, sa bayan ni David, ay isinilang para sa inyo ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo, ang Panginoon.โ (Luke 2:10-11)
O lubos na pinagpalang Patriyarka, maluwalhating San Jose, na piniling maging ama-amahan ng Salitang nagkatawang-tao, ang inyong hapis nang makita ninyong isinilang ang Sanggol na Hesus sa gayong karalitaan ay biglang napalitan ng makalangit na kagalakan nang marinig ninyo ang himig ng mga anghel at masaksihan ang mga kaluwalhatian ng maningning na gabing iyon.
Alang-alang sa hapis at galak na ito, isinasamo namin sa inyo na ipagkamit kami ng biyayang makatawid mula sa landas ng buhay upang marinig ang mga awit ng papuri ng mga anghel, at magalak sa maningning na karilagan ng kaluwalhatian sa langit.
Ama Namin . . .
Aba Ginoong Maria . . .
Luwalhati . . .ย
Manalangin Tayo.
O Diyos, na sa Iyong di-maipahayag na Kalinga ay minarapat Mong piliin ang pinagpalang Jose upang maging esposo ng Iyong kabanal-banalang Ina, ipagkaloob Mo, isinasamo namin, na siya na aming iginagalang bilang aming tagapagtanggol sa lupa ay maging aming tagapamagitan sa Langit. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.ย
Amen.
Ikatlong Hapis: Ang Pagtutuli.
At nang sumapit ang ikawalong araw para sa kanyang pagtutuli, pinangalanan siyang Hesus, ang pangalang ibinigay sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi sa sinapupunan. (Luke 2:21)
Ikatlong Galak:ย Ang Banal na Ngalan ni Hesus.
At hindi niya nakilala ang kanyang asawa hanggang sa maisilang nito ang kanyang panganay na anak na lalaki. At pinangalanan niya itong Hesus. (Matt. 1:25)
O maluwalhating San Jose, buong katapatan ninyong sinunod ang batas ng Diyos, at natagos ang inyong puso nang makita ninyo ang Mahal na Dugo na ibinuhos ng Sanggol na Tagapagligtas sa Kanyang Pagtutuli, ngunit ang Ngalan ni Hesus ay nagbigay sa inyo ng bagong buhay at pumuspos sa inyo ng tahimik na kagalakan.
Alang-alang sa hapis at galak na ito, ipagkamit ninyo kami ng biyayang maging malaya sa lahat ng kasalanan habang nabubuhay, at mamatay nang nagagalak, taglay ang banal na Ngalan ni Hesus sa aming mga puso at sa aming mga labi.
Ama Namin . . .
Aba Ginoong Maria . . .
Luwalhati . . .ย
Manalangin Tayo.
O Diyos, na sa Iyong di-maipahayag na Kalinga ay minarapat Mong piliin ang pinagpalang Jose upang maging esposo ng Iyong kabanal-banalang Ina, ipagkaloob Mo, isinasamo namin, na siya na aming iginagalang bilang aming tagapagtanggol sa lupa ay maging aming tagapamagitan sa Langit. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.ย
Amen.
Ikaapat na Hapis:ย Ang propesiya ni Simeon.
At binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria na kanyang ina, โNarito, ang batang ito ay itinakda para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel, at bilang isang tandang sasalungatin. At ang sarili mong kaluluwa ay tatagosin ng isang tabak. (Luke 2:34)
Ikaapat na Galak:ย Ang mga bunga ng Pagtubos.
At paglapit niya sa sandaling iyon, nagsimula siyang magpuri sa Panginoon, at nagsalita tungkol sa kanya sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. (Luke 2:38)
O lubhang tapat na Santo na nakibahagi sa mga misteryo ng ating Pagtubos, maluwalhating San Jose, ang propesiya ni Simeon tungkol sa mga pagdurusa nina Hesus at Maria ay nagpanginig sa inyo sa matinding takot, ngunit kasabay nito ay pinuspos kayo ng pinagpalang kagalakan dahil sa kaligtasan at maluwalhating muling pagkabuhay na, ayon sa kanyang hula, ay makakamit ng di-mabilang na mga kaluluwa.
Alang-alang sa hapis at galak na ito, ipagkamit ninyo para sa amin na mapabilang kami sa mga itinalaga sa isang maluwalhating muling pagkabuhay, sa pamamagitan ng mga merito ni Hesus at ng pamamagitan ni Maria, ang Birheng Ina.
Ama Namin . . .
Aba Ginoong Maria . . .
Luwalhati . . .ย
Manalangin Tayo.
O Diyos, na sa Iyong di-maipahayag na Kalinga ay minarapat Mong piliin ang pinagpalang Jose upang maging esposo ng Iyong kabanal-banalang Ina, ipagkaloob Mo, isinasamo namin, na siya na aming iginagalang bilang aming tagapagtanggol sa lupa ay maging aming tagapamagitan sa Langit. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.ย
Amen.
Ikalimang Hapis:ย Ang pagtakas patungong Ehipto.
Kaya bumangon siya, isinama ang bata at ang ina nito nang gabing iyon, at tumakas patungong Ehipto. (Matthew 2:14)
Ikalimang Galak: Ang pagbagsak ng mga diyus-diyosan ng Ehipto.
Ang pahayag laban sa Ehipto. Narito, sasakay ang Panginoon sa isang matuling ulap at papasok sa Ehipto, at ang mga diyus-diyosan ng Ehipto ay manginginig sa kanyang harapan, at ang puso ng Ehipto ay matutunaw sa loob nito. (Isiah 19:1)
O lubhang mapagbantay na Tagapangalaga ng Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, maluwalhating San Jose, kaylaki ng inyong pagpapagal sa pagtataguyod at paglilingkod sa Anak ng Kataas-taasang Diyos, lalo na sa pagtakas patungong Egipto! Gayunman, kasabay nito, kaylaki ng inyong kagalakan na laging kapiling ang Diyos mismo, at makita ang mga diyus-diyosan ng mga Ehipsiyo na bumagsak na nakadapa sa lupa sa harap Niya.
Sa pamamagitan ng dalamhati at kagalakang ito, ipagkamit ninyo kami ng biyayang mapanatiling ligtas ang aming sarili mula sa malupit na pinuno ng impiyerno, lalo na sa pamamagitan ng paglayo sa mga mapanganib na pagkakataon; nawa’y maalis sa aming mga puso ang bawat diyus-diyosan ng makamundong pagmamahal; nawa’y lubos kaming mag-ukol ng aming sarili sa paglilingkod kina Hesus at Maria, at para lamang sa kanila kami mabuhay at maligayang mamatay.
Ama Namin . . .
Aba Ginoong Maria . . .
Luwalhati . . .ย
Manalangin Tayo.
O Diyos, na sa Iyong di-maipahayag na Kalinga ay minarapat Mong piliin ang pinagpalang Jose upang maging esposo ng Iyong kabanal-banalang Ina, ipagkaloob Mo, isinasamo namin, na siya na aming iginagalang bilang aming tagapagtanggol sa lupa ay maging aming tagapamagitan sa Langit. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.ย
Amen.
Ikaanim na Dalamhati: Ang pagbabalik mula sa Egipto.
Ngunit nang mabalitaan niyang si Arquelao ang naghahari sa Judea bilang kahalili ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon; at nang mabigyang-babala sa panaginip, nagtungo siya sa lupain ng Galilea. (Matt. 2:22)
Ikaanim na Kagalakan: Ang pamumuhay kasama sina Hesus at Maria sa Nazaret.
At nang matupad nila ang lahat ng itinatakda ng Kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayan ng Nazaret. (Luke 2:39)
O maluwalhating San Jose, isang anghel sa lupa, namangha kayo nang makitang sumusunod sa inyong mga utos ang Hari ng Langit, ngunit ang inyong kaaliwan sa pagdadala kay Hesus palabas ng lupain ng Egipto ay nabagabag ng inyong takot kay Arquelao; gayunman, nang mapanatag kayo ng Anghel, namuhay kayo nang may kagalakan sa Nazaret kasama sina Hesus at Maria.
Sa pamamagitan ng dalamhati at kagalakang ito, ipagkamit ninyo kami na ang aming mga puso ay mapalaya mula sa mga takot na nakapipinsala, upang magalak kami sa kapayapaan ng budhi at mamuhay nang ligtas kasama sina Hesus at Maria at, tulad ninyo, mamatay sa kanilang piling.
Ama Namin . . .
Aba Ginoong Maria . . .
Luwalhati . . .ย
Manalangin Tayo.
O Diyos, na sa Iyong di-maipahayag na Kalinga ay minarapat Mong piliin ang pinagpalang Jose upang maging esposo ng Iyong kabanal-banalang Ina, ipagkaloob Mo, isinasamo namin, na siya na aming iginagalang bilang aming tagapagtanggol sa lupa ay maging aming tagapamagitan sa Langit. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.ย
Amen.
Ikapitong Dalamhati: Ang pagkawala ng Batang Hesus.
At nang hindi nila Siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin Siya. (Luke 2:45)
Ikapitong Kagalakan: Ang pagkakatagpo sa Batang Hesus sa Templo.
At pagkaraan ng tatlong araw, natagpuan nila Siya sa Templo, nakaupo sa gitna ng mga guro, nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila. (Luke 2:46)
O maluwalhating San Jose, huwaran ng buong kabanalan, nang mawala sa inyo ang Batang Hesus nang wala kayong anumang kasalanan, hinanap ninyo Siya nang may dalamhati sa loob ng tatlong araw, hanggang sa muli ninyo Siyang matagpuan nang may malaking kagalakan sa Templo, nakaupo sa gitna ng mga dalubhasa sa Kautusan.
Sa pamamagitan ng dalamhati at kagalakang ito, buong-puso kaming nagsusumamo sa inyo na ilayo kami sa kasawiang mawala sa amin si Hesus dahil sa kasalanang mortal; ngunit kung sapitin namin ang pinakamalaking kasawiang ito, ipagkaloob ninyong hanapin namin Siya nang may walang tigil na dalamhati hanggang sa muli namin Siyang matagpuan, handang magpakita sa amin ng Kanyang dakilang awa, lalo na sa oras ng kamatayan; upang makatawid kami tungo sa pagtatamasa ng Kanyang presensya sa Langit; at doon, kasama ninyo, ay maawit namin ang mga papuri sa Kanyang Banal na Awa magpakailanman.
Ama Namin . . .
Aba Ginoong Maria . . .
Luwalhati . . .
Manalangin Tayo.
O Diyos, na sa Iyong di-maipahayag na Kalinga ay minarapat Mong piliin ang pinagpalang Jose upang maging esposo ng Iyong kabanal-banalang Ina, ipagkaloob Mo, isinasamo namin, na siya na aming iginagalang bilang aming tagapagtanggol sa lupa ay maging aming tagapamagitan sa Langit. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.ย
Amen.
