Tagalog

Panalangin para sa mga Biktima ng Sunog sa Kagubatan

Pangunahing larawan: Arkidiyosesis ng LA, mula sa x.com
Tampok na larawan: Pampublikong Dominyo, mula sa Wikipedia

O Diyos na Lubhang Maawain,
Maging “aming kanlungan at aming lakas, isang tulong na laging naririyan sa oras ng kagipitan” (Awit 46:1).
Nilikha Mo kami at patuloy na itinataguyod sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihang walang hanggan.
Walang hangganan ang Iyong awa.

Sa panahong ito ng matinding pagdurusa, ipinagkakatiwala namin sa Iyo ang lahat ng biktima ng mga sunog sa kagubatan.
Aliwin Mo sila, puspusin ng Iyong biyaya, at tugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Ipinagkakatiwala namin sa Iyong maawaing Puso ang lahat ng pumanaw.
Linisin Mo sila sa kanilang mga kasalanan at tanggapin sa Iyong makalangit na Kaharian.

Pagkalooban Mo ng karunungan at kahinahunan sa pagpapasya ang mga namamahala sa pagtugon sa sakunang ito.
Pagkalooban Mo ng tapang at katatagan ng loob ang mga nasa unahan ng pagtugon.
Panatilihin Mo silang ligtas at pagtagumpayin ang kanilang mga pagsisikap.
Utusan Mo ang hangin at ang apoy na sumunod sa Iyo, Panginoon, tulad noong pinayapa Mo ang nagngangalit na dagat.
Ibuhos Mo ang tubig ng Iyong biyaya sa mga mapaminsalang apoy na ito.
Sugpuin Mo ang mga ito sa pamamagitan ng Iyong makapangyarihang kamay.

Mga Anghel ng Diyos, saklolohan ninyo ang mga higit na nangangailangan ng awa ng Diyos.
Ingatan ninyo sila, gabayan, at ipahayag sa kanila ang banal na kalooban ng Diyos.
San Floriano, patron ng mga bumbero, ipanalangin mo ang mga buong tapang na lumalaban sa apoy.
San Miguel Arkanghel, ipagtanggol mo sila sa gitna ng panganib.
Mga Santo sa Langit, nagsusumamo kami sa inyong panalangin. Mamagitan kayo para sa mga higit na nangangailangan.

Mula sa trahedya at kaguluhang ito, maghatid Ka ng pag-asa at kapayapaan.
Gawin Mong habag ang dalamhati.
Gawin Mong pananampalataya ang pagkalito.
Gawin Mong banal na pag-asa ang kawalang-pag-asa.

Inilalagak namin ang lahat ng aming pagtitiwala sa Iyo, O Diyos na Lubhang Maawain,
sa kaalamang magmumula sa Iyo ang bagong buhay at paghilom mula sa mga abo ng pagsubok na ito.
Nawa’y luwalhatiin ang Iyong pangalan ngayon at magpakailanman.

Amen.

Higit pang panalangin

Ibahagi ang Pahinang Ito: