Sumasampalataya ng mga Apostol
Sumasampalataya ako sa Diyos,
Amang makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa,
at kay Hesukristo, iisang Anak Niya, Panginoon natin,
na ipinaglihi sa lalang ng Espiritu Santo,
ipinanganak ni Santa Mariang Birhen,
pinagpakasakit ni Poncio Pilato,
ipinako sa krus, namatay at inilibing;
nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao;
nang may ikatlong araw ay nabuhay na mag-uli;
umakyat sa langit,
naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat;
doon magmumula at pariritong huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.
Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo,
sa banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa pagkabuhay na muli ng katawan,
at sa buhay na walang hanggan. Amen.
Ama Namin
Ama namin, sumasalangit Ka, sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo, sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw at patawarin Mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin; at huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, kundi iadya Mo kami sa lahat ng masama. Amen.
Aba Ginoong Maria
Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya,
ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat,
at pinagpala naman ang iyong Anak na si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos,
ipanalangin mo kaming makasalanan,
ngayon at kung kami’y mamamatay.
Amen.
Luwalhati sa Ama
Luwalhati sa Ama,
at sa Anak,
at sa Espiritu Santo.
Kapara noong una,
ngayon at magpakailanman,
at magpasawalang hanggan.
Amen.
Sumasampalataya ng Nicea
Sumasampalataya ako sa iisang Diyos,
Amang makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa,
ng lahat ng nakikita at di nakikita.
Sumasampalataya ako sa iisang Panginoong Hesukristo,
Bugtong na Anak ng Diyos,
isinilang ng Ama bago pa ang lahat ng panahon.
Diyos mula sa Diyos, Liwanag mula sa Liwanag,ย
Diyos na totoo mula sa Diyos na totoo,
isinilang, hindi nilikha, kaisa ng Ama sa pagka-Diyos;
sa pamamagitan Niya ay nilikha ang lahat.
Dahil sa ating mga tao at sa ating kaligtasan
ay nanaog Siya mula sa langit,
at nagkatawang-tao Siya sa lalang ng Espiritu Santo mula kay Mariang Birhen,
at naging tao.
Dahil sa atin ay ipinako Siya sa krus sa ilalim ni Poncio Pilato,
nagpakasakit, namatay at inilibing,ย
at muling nabuhay sa ikatlong araw
ayon sa Kasulatan.
Umakyat Siya sa langitย
at naluluklok sa kanan ng Ama.
Paririto Siyang muli na may kaluwalhatian
upang hukuman ang mga buhay at mga patay
at ang Kanyang kaharian ay walang hanggan.
Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, Panginoon at nagbibigay-buhay,
na nagmumula sa Ama at sa Anak,
na sinasamba at niluluwalhating kasama ng Ama at ng Anak,
na nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta.
Sumasampalataya ako sa iisa, banal, katolika at apostolikong Simbahan.
Ipinahahayag ko ang iisang Binyag sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan
at hinihintay ko ang muling pagkabuhay ng mga patay
at ang buhay sa daigdig na darating. Amen.
Panalangin Bago Kumain
Basbasan Mo kami, O Panginoon, at ang Iyong mga kaloob na ito
na aming tatanggapin mula sa Iyong kagandahang-loob.
Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen.
Pagsisisi
O Diyos ko, buong-puso kong pinagsisisihan ang pagkakasala ko sa Iyo, at kinamumuhian ko ang lahat ng aking mga kasalanan dahil sa Iyong makatarungang mga parusa, ngunit higit sa lahat dahil ang mga ito ay nakasasakit sa Iyo, Diyos ko, na lubos na mabuti at karapat-dapat sa buong pagmamahal ko. Matatag kong ipinapasiya, sa tulong ng Iyong biyaya, na hindi na muling magkasala at umiwas sa mga malapit na okasyon ng pagkakasala. Amen.

