Tagalog

Ikapitong Kabanata: Ang Araw-araw na Pangkalahatang Pagsusuri ng Budhi

Ang Pangkalahatang Pagsusuri ng Budhi ay isang simple ngunit lubhang mahalagang paraan upang maisama sa iyong pang-araw-araw na gawain ang iba’t ibang aral at pagsasanay na itinuro ni San Ignacio. Kung pipili ka ng isang bagay mula sa aklat na ito na pinakamahalaga para sa iyong pang-araw-araw na paglalakbay na espirituwal, maaaring ito na iyon. Tutulungan ka ng pang-araw-araw na pagsusuri ng budhi na magkaroon ng nakagawiang pananalangin, at mabuti ang nakagawiang pananalangin. Makakakita ka ng isang praktikal na gabay para sa pang-araw-araw na pagsusuri ng budhi sa Ikatlong Bahagi ng aklat na ito, na pinamagatang “Pang-araw-araw na Pangkalahatang Pagsusuri ng Budhi sa Gabi.” Layunin ng kabanatang ito na ituro sa iyo kung paano wastong gamitin ang pang-araw-araw na pagsusuring iyon ng budhi.

Magsimula tayo sa ilang paghahambing upang mailarawan ang kahalagahan ng pang-araw-araw na pagsusuring ito ng budhi. Halimbawa, ipagpalagay nating ikinabubuhay mo ang komersiyal na pangingisda. Paano mo mapahuhusay ang iyong tagumpay sa bawat araw na pumapalaot ka upang mangisda? Una, tinitingnan mo ang ulat ng panahon, pinag-aaralan ang ulat ng pangingisda noong nakaraang araw, sinusuri ang temperatura ng tubig, isinasaalang-alang ang panahon ng taon, at iba pa. Pagkatapos, habang nangingisda, kailangan mong palaging tingnan ang radar at makinig sa radyo para sa mga balita tungkol sa mga kalapit na lugar kung saan maraming nahuhuling isda. Sa madaling salita, ang pinakamainam na paraan upang maging mahusay at matagumpay na mangingisda ay ang gumawa ng higit pa sa pangingisda. Kailangan mo ring maghanda, makinig, magsuri, mag-aral, sumukat, at iba pa upang makagawa ka ng pinakamainam na plano sa bawat araw at makahuli ng pinakamaraming isdang maaari mong mahuli. Kaya ang pagiging mahusay na komersiyal na mangingisda ay nangangailangan ng higit pa sa basta paghuhulog ng pamingwit sa tubig at paghihintay.

O isipin mong isa kang atleta sa himnastika na nakikipagpaligsahan sa napakataas na antas, halimbawa, bilang paghahanda para sa Olympics. Tiyak na marami kang likas na talento na naghatid sa iyo sa antas na iyon. Ngunit kung aasa ka lamang sa iyong likas na talento, hindi ka makararating nang malayo sa Olympics. Sa halip, nagsasanay ka nang nagsasanay. Kinukunan mo ng video ang iyong mga galaw at pagkatapos ay masusi mo itong pinag-aaralan nang paulit-ulit, sa mabagal na pagpapalabas, at iba pa. Sinusuri at inaayos mo ang paraan ng iyong paglapag, pagtalon, pagpihit, at iba pa. Tinitingnan mo ang pinakamaliliit na detalye ng iyong mga galaw at sinisikap mong ayusin ang mga ito hanggang sa maging ganap. Ang isang atleta sa himnastika na naghahangad na makarating nang malayo sa Olympics ay hindi basta manonood ng video at magsasabing, “Ayos naman sa tingin ko! Wala namang makakapansin sa maliliit kong pagkakamali sa paghakbang.” Hindi, magsisikap siya nang magsisikap upang gawing ganap ang bawat kilos at galaw.

Gayon din dapat sa buhay espirituwal. Hindi mo dapat basta sabihing, “Ayos naman ang lahat.” Humahantong ito sa isang buhay na maligamgam ang mga gawaing espirituwal: maligamgam na pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Ang bunga nito ay isang maligamgam na ugnayan sa Diyos. At ang maligamgam na ugnayan sa Diyos ay isang bukas na pinto para sa diyablo, na sa pamamagitan nito ay inaanyayahan siyang iligaw ka sa maraming paraang natalakay na.

Ang araw-araw na pagsusuri ng budhi ay isang paraan ng “panonood ng video” o “pagkuha ng ulat ng pangingisda” para sa iyong buhay espirituwal. Isa itong paraan ng pangangalap ng lahat ng makukuhang impormasyon para sa espirituwal na paglago sa IYONG buhay, gamit ang mga kaparaanan at pamamaraang natuklasan at itinuro ni San Ignacio.

Ang pagmamahal sa Diyos at paglago sa buhay espirituwal ay nasa mga detalye. Mahalaga ang mga detalye kung nais mong lumago sa pagiging ganap at sa malalim na pakikipagkaisa sa Diyos. Mahalaga ang mga detalye kung nais mong gawing ganap ang iyong mga birtud at, lalo na, ang iyong pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Kaya ang pang-araw-araw na pagsusuri ng budhi ayon kay San Ignacio ay isang napakahusay na paraan upang pagtuunan ng pansin ang mga detalyeng kailangan sa paglago sa kabanalan.

Ang “Pang-araw-araw na Pangkalahatang Pagsusuri ng Budhi” ay isang paraan ng pananalangin na may limang punto, na sumusuri sa pagkilos ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay. Isa rin itong paraan upang tuklasin kung paano ka nagkulang sa bawat araw at kung paano mo hinayaang maimpluwensiyahan ka ng diyablo. Layunin nitong suriin ang iyong mga iniisip, salita at gawa, gamit lalo na ang mga aral ni San Ignacio tungkol sa pagkilatis sa mga espiritu.

Maaaring gawin ang pang-araw-araw na pagsusuri ng budhi sa anumang oras ng araw, ngunit iminumungkahi ng mga panalangin sa Ikatlong Bahagi na gawin ito sa gabi. Ang payak na layunin nito ay maingat na balikan ang iyong maghapon at pagkatapos ay magtapos sa mga pagpapasiya para sa susunod na araw. Nagbibigay si San Ignacio ng limang maiikling hakbang sa kanyang “Paraan ng Pagsasagawa ng Pangkalahatang Pagsusuri ng Budhi”:

Unang Punto. Ang unang Punto ay magpasalamat sa Diyos na ating Panginoon para sa mga biyayang natanggap.

Ikalawang Punto. Ang ikalawa, humingi ng biyaya upang makilala ang ating mga kasalanan at talikuran ang mga ito.

Ikatlong Punto. Ang ikatlo, suriin ang ating kaluluwa mula sa oras ng ating pagbangon hanggang sa kasalukuyang Pagsusuri ng Budhi, oras-oras o yugto-yugto: una, tungkol sa mga iniisip, pagkatapos ay sa mga salita, at pagkatapos ay sa mga gawa, sa gayunding pagkakasunod-sunod na binanggit sa Partikular na Pagsusuri ng Budhi.

Ikaapat na Punto. Ang ikaapat, humingi ng kapatawaran sa Diyos na ating Panginoon para sa mga pagkakasala.

Ikalimang Punto. Ang ikalima, magpasiyang magbago sa tulong ng Kanyang biyaya.

Ang sumusunod ay isang praktikal na buod at mungkahi kung paano gagamitin ang limang puntong nasa itaas:

Pasasalamat: Magsimula sa paggunita sa mga biyayang ibinigay sa iyo ng Diyos sa maghapon. Mahalagang ituon mo muna ang iyong pansin sa kung paano kumikilos ang Diyos sa iyong buhay. Bilang panimula, ang mga biyayang tinatanggap mo ay magiging mahalagang “gabay sa daan,” wika nga, sa paghahanap at pagsunod sa kalooban ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay. Sa pagkilala sa mga biyayang ipinagkaloob sa iyo, mas madali mong maisasabuhay ang mga ito upang yumabong at lumago ang mga ito.

Kaya, sa pagsisimula mo ng iyong pang-araw-araw na pagsusuri ng budhi, tahimik na balikan ang iyong maghapon at sikaping makita ang maraming biyayang natanggap mo. Sa hakbang na ito, hindi kailangang pag-isipan nang detalyado ang mga ito; sa halip, sikaping ilista ang mga ito nang mabilis sa iyong isip upang maihanda ang konteksto para sa nalalabing bahagi ng pagsusuri ng budhi. Ang biyaya ng kalusugan, ng isang pinagpalang pakikipag-ugnayan sa isang tao, ng makabuluhang oras ng pananalangin, ng isang mabuting salita, ng isang ideya o kaisipang nagbibigay ng lakas ng loob, ng isang mapagmahal na ugnayan, ng pagkumpleto ng isang proyekto, at iba pa. Kung bukas ang iyong espirituwal na paningin upang makakita nang malinaw, agad mong mapapansin ang maraming biyaya mula sa Diyos na kadalasan ay hindi nabibigyang-pansin. Muli, ang layunin ng hakbang na ito ay maglatag lamang ng isang uri ng “konteksto” para sa nalalabing bahagi ng pagsusuri ng budhi. Saklaw ng kontekstong ito ang pangkalahatang pasasalamat sa Diyos para sa mga paraan ng Kanyang pagkilos sa iyong buhay.

Pagsusumamo: Mag-alay sa Diyos ng isang simple at personal na panalangin ng “pagsusumamo.” Dapat magkaroon ng dalawang layunin ang pagsusumamong ito. Una, hilingin sa Panginoon na pagkalooban ka ng pag-unawa. Partikular na hilingin sa Panginoon na tulungan kang malaman at maunawaan ang anumang nais Niyang ipabatid sa iyo sa araw na ito. Isa itong pagsusumamong walang itinatakdang hangganan. Alam ng Diyos kung ano ang nais Niyang ipabatid sa iyo, kaya kung lalapit ka sa Kanya nang may kababaang-loob at hihilingin ang biyayang ito, isa itong paraan ng pagbubukas ng iyong puso at isip sa anumang nais Niyang sabihin sa iyo. Partikular na binabanggit ni San Ignacio na dapat mong ipanalangin na makilala mo ang iyong mga kasalanan. Anong kasalanan ang nais ng Diyos na ipakita sa iyo? Anong hadlang ang nasa iyong ugnayan sa Kanya? Ipanalanging ipakita ito sa iyo ng Diyos. 

Ikalawa, humingi ng lakas ng loob upang kumilos ayon sa pagkaunawang ito. Napakaliit ng kabuluhan kung tumanggap ka lamang ng pag-unawa sa kalooban ng Panginoon, ngunit napakalaki ng kabuluhan kung kikilos ka ayon sa pagkaunawang ito. Ang kaalaman sa kalooban ng Diyos ay laging ipinagkakaloob upang mapalaya ka sa lahat ng humahadlang sa iyong ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Bukod dito, ang paggawa nito sa konteksto ng maraming biyayang natanggap mo ay tutulong sa iyong piliin ang mabubuting biyayang iyon sa halip na ang iyong mga kasalanan, at tanggapin ang mga biyaya nang higit pang masagana.

Ang iyong panalangin ng pagsusumamo ay maaaring maging kasingsimple nito: “Panginoon, alam kong marami Kang nais sabihin sa akin sa araw na ito. Buksan Mo po ang aking isip at puso sa anumang nais Mong sabihin. Tulungan Mo akong makita ang lahat ng humahadlang sa akin na mahalin Ka at ang aking kapwa, at tulungan Mo akong makita ang mga paraan ng Iyong pagkilos sa aking buhay. Habang nakikita ko ang mga ito, tulungan Mo akong makinig at tumugon sa kaloob na ito ng Iyong biyaya.”

Iyon lamang! Napakapayak. Ngunit ang payak na pagsusumamong ito ay magbubunga ng mga kamangha-manghang bagay habang nagpapatuloy ka sa mga susunod na hakbang ng araw-araw na pagsusuri ng budhi.

Pagbabalik-tanaw sa Maghapon: Maaaring ito ang pinakamahabang hakbang sa pang-araw-araw na pagsusuri ng budhi. Binubuo ito ng pagtingin sa iyong mga iniisip, salita at kilos sa maghapon. Habang sinusuri mo ang mga ito, bigyang-pansin lalo na ang iba’t ibang panloob na karanasan ng konsolasyon at desolasyon na naranasan mo sa mga ito. Sa iyong mga iniisip, anong daloy ng pag-iisip ang naghatid sa mga konsolasyong tulad ng kagalakan, kapayapaan, panibagong sigla, kasiyahan, at iba pa? Buong kamalayang tanggapin ang mga ito. Gayundin, anong mga kaisipan ang naghatid sa desolasyon; ibig sabihin, anong mga kaisipan ang nag-iwan sa iyo ng pagkabalisa, galit, pagkabagabag, pagkaligalig, pagkalito, pag-aalinlangan, at iba pa? Buong kamalayang tanggihan ang mga kaisipang ito.

Gawin din ang ganitong pagsusuri sa iyong mga salita at kilos sa buong maghapon. Saan kumikilos ang Diyos sa mga ito (konsolasyon) at saan kumikilos ang masama (desolasyon)? Sa paglipas ng panahon, mas magiging madali ang pagkilatis sa pagkilos ng Diyos sa iyong buhay at ang pagkakita sa mga tukso at panlilinlang ng masama. Ang pagtingin sa iyong maghapon nang walang pagkiling at ang paghahanap sa iba’t ibang pagkilos na ito sa loob ng iyong kaluluwa ay magbibigay-daan upang patuloy mong mapino ang iyong buhay espirituwal sa pamamagitan ng pagpili sa nagmumula sa Diyos at pagtanggi sa nagmumula sa masama. At kapag namamalayan mo ang iyong mga kasalanan, huwag mo lamang kilalanin ang mga ito bilang kasalanan; sikapin mo ring unawain kung ano ang naghatid sa iyo sa makasalanang pagpiling iyon.

Kapatawaran: Muling magsumamo sa Diyos, ngunit sa pagkakataong ito, humingi ng kapatawaran. Sa Ikalawang Hakbang, nagsumamo ka sa Diyos na malaman at maunawaan ang lahat ng nais Niyang ipabatid sa iyo. Sa Ikatlong Hakbang, binalikan mo ang iyong maghapon at binigyang-pansin ang mga paraan kung paano ka naudyukan kapwa ng Diyos at ng kasalanan. Sa ikaapat na hakbang na ito, mapagpakumbabang magsumamo sa Diyos na patawarin ka sa iyong mga pagkukulang.

Huwag balewalain ang hakbang na ito. May malaking kapangyarihan sa mapagpakumbabang pagtukoy sa iyong mga tiyak na kasalanan sa maghapon at sa paghingi sa Diyos ng kapatawaran para sa mga kasalanang iyon. May malaking kapangyarihang espirituwal sa pagbigkas ng mga salitang, “Ang kilos na ito ay kasalanan, patawarin Mo po ako, Panginoon.” Bukod dito, may malaking kapangyarihan din ang paggawa ng matibay na pagpapasyang mapagtagumpayan ang mga kasalanang ito.

Pagpapanibago: Isa sa mga biyayang bunga ng naunang apat na hakbang ay ang kahandaang gumawa ng tiyak at kongkretong mga pagpapasya para sa bukas. Ang hakbang na ito ang pinakapuso ng mga pagsasanay ni San Ignacio. Oo, mahalagang maunawaan ang iyong kasalanan, humingi ng kapatawaran at tumanggap ng Kanyang awa. Ngunit gayon din kahalaga ang magpasya pagkatapos nito na lumago at magbago. At mahalagang gawin ito nang may tiyak na mga layuning espirituwal at moral. Kaya, matapos mong isagawa ang naunang apat na hakbang, dapat ay handa ka nang gumawa ng mga tiyak na pasya kung paano ka magbabago, lalago, magwawasto ng sarili, at iba pa. Gawin ito sa hakbang na ito sa pinakapraktikal at pinakasimpleng paraang kaya mo. Huwag magpakalabis, maging makatwiran at mapag-isip, ngunit kumilos at gumawa ng mga kongkretong hakbang. Kung gagawin mo ito araw-araw, unti-unti kang magpapatuloy sa maluwalhating landas na niloloob ng ating Panginoon para sa iyo.

Panghuli, sa hakbang na ito ay mahalaga ring kilalanin ang maraming paraan ng pagkilos ng Diyos sa iyong buhay. Alalahanin ang maraming pagpapala at italaga rin ang iyong sarili sa mas marubdob na pagtahak sa landas ng kabanalang tinatawagan ka ng mga pagpapalang iyon. Ang pagpapanibago ay hindi lamang tungkol sa pagpiling mapagtagumpayan ang kasalanan; tungkol din ito sa pagpapasyang patuloy na lumakad sa landas ng kabanalan at biyaya na nagkaloob sa iyo ng di-mabilang na pagpapala.

Para sa mas praktikal na pag-unawa kung paano gagamitin ang limang puntong ito sa iyong pang-araw-araw na pagsusuri ng budhi, maaari mo nang buklatin ang hulihang bahagi ng Ikatlong Bahagi at basahin ang mga panalanging inirerekomenda para sa “Pang-araw-araw na Pangkalahatang Pagsusuri ng Budhi sa Gabi.”

Pagsisiyasat sa Kalaliman

Ikawalong Kabanata: Mga Tuntunin sa Pamamahagi ng Limos

Ibahagi ang Pahinang Ito: