Mga Opsiyonal na Pagninilay
Pagtiyagaan ang sumusunod na tatlong pagninilay kung nadarama mong tinatawag kang gawin ito. Maaaring mahirap harapin ang nilalaman ng mga ito, ngunit ang malalim na pag-unawa rito ay magbibigay ng mahalagang pundasyon para sa mga susunod na pagninilay tungkol sa pagpapatawad, awa at pakikipagkaisa sa Diyos. Ang paglaktaw sa mga pagninilay na ito na nagsisilbing pundasyon ay parang pagtatayo ng bahay na walang pundasyon. Sa kalaunan, guguho ang bahay. Gayon din ang buhay espirituwal. Kung walang malalim na pagkaunawa sa iyong kasalanan, sa kamatayan, sa paghuhukom at sa posibilidad ng Impiyerno, hindi ka makasusulong tungo sa katubusan at bagong buhay.
Balangkas para sa Banal na Oras
Kamatayan
Iilan lamang ang regular na nagninilay sa katotohanang mamamatay sila balang araw. Ngunit habang tumatanda ka, mas nagiging madali itong gawin. Maglaan ng sandali upang pag-isipan ang katotohanang ito na nagtuturo ng pagpapakumbaba. (Tahimik na Pagninilay)
Kung ihahambing mo ang haba ng buhay na ito sa kawalang-hanggan, para mo na ring inihahambing ang isang atomo sa buong nilikhang Sansinukob. Gayunman, madalas ay namumuhay ka na para bang ang buhay na ito (ang “atomo” na ito) lamang ang mayroon ka, samantalang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang isang buong kawalang-hanggan. Maaaring hindi mo nauunawaan na ang buhay na ito ay walang iba kundi paghahanda para sa kawalang-hanggan. Napakaikli nito kung ihahambing sa buhay na walang hanggan na naghihintay sa iyo. Gaano ka kahusay na naghahanda?
Ang iyong kawalang-hanggan ay gugugulin mo sa Langit o sa Impiyerno. Alinman sa dalawa ay tunay na posibilidad, depende sa iyong pinaniniwalaan at sa mga pagpapasiyang ginagawa mo. Ngunit bago mo pagnilayan ang kawalang-hanggan, tingnan mo muna ang pintuan tungo rito: ang Kamatayan. Sa anong araw ka mamamatay? Malapit na ba? Makalipas pa kaya ang maraming taon? Iilan lamang ang nagninilay tungkol sa kamatayan dahil, para sa karamihan, malayo pa ito. Ngunit ang hindi mo pagkaalam kung kailan ka mamamatay ay hindi sapat na dahilan upang hindi ito pagnilayan nang may pag-asang pananabik. Maaaring malapit na, maaaring matagal pa, ngunit darating ang araw na iyon para sa ating lahat. Muling huminto sandali upang isipin ang araw ng iyong kamatayan. Sikaping isipin kung ano ang magiging kalagayan mo noon. (Tahimik na Pagninilay)
Sa iyong pagkamatay, tiyak na ang iyong patutunguhan sa kawalang-hanggan. Isipin ang iyong sarili sa higaan ng kamatayan, binabalikan ang iyong buhay at humaharap sa iyong nalalapit na pagpasok sa kawalang-hanggan. Sa sandaling iyon, may mga pagsisisihan ka ba? Kung mayroon, ano ang mga iyon? O mapayapa ka kaya, puspos ng pasasalamat sa maraming pagpapasiyang ginawa mo at sa biyayang tinanggap mo? (Tahimik na Pagninilay)
Sa iyong pagkamatay, hihilingin mo kayang sana ay mas marami kang kinita, mas naging tanyag ka, mas nakamit mo ang pagkilala ng iba, mas mataas ang iyong pinag-aralan, at iba pa? Sana ay hindi. (Tahimik na Pagninilay)
Sa iyong pagkamatay, pagsisisihan mo kayang hindi ka higit na nagmahal? Na hindi ka naglaan ng mas maraming panahon sa pamilya? Na hindi ka nagpatawad? Na namuhay ka para lamang sa sariling kaluguran? Na nagkimkim ka ng sama ng loob, naging malupit, hindi naging tapat, at iba pa? (Tahimik na Pagninilay)
Sa iyong pagkamatay, mapupuspos ka kaya ng pasasalamat dahil namuhay ka nang naghahanda para sa kawalang-hanggan? Dahil buong-puso mong pinagsikapang maging mabuti at banal? Dahil nanalangin ka nang taimtim, araw-araw, at sa buong buhay mo? Dahil sinikap mong araw-araw na magpatawad, makipagkasundo, magpakita ng habag at awa, pakitunguhan ang kapwa nang may lubos na kabutihan at paggalang, hanapin ang kalooban ng Diyos nang buong lakas, at iba pa? Sana ay lahat ng nabanggit.
Binabago ng kamatayan ang lahat. Ito ang pintuan tungo sa kawalang-hanggan. Ngunit ngayon ka naghahanda para sa iyong kawalang-hanggan. Magpasiyang mamuhay para sa sandali ng iyong kamatayan at paghandaan ito nang buong puso upang, kapag nakatayo ka na sa pintuan ng kamatayan, humarap ka nang may malaking pagtitiwala, pag-asa at pananabik sa mga dakilang bagay na naghihintay sa iyo. Gumawa ngayon ng iyong personal na pagpapasiya. (Tahimik na Pagninilay)
Panimula sa mga Saligang Pagninilay
- Diyos, ang Maylikha ng Lahat ng Umiiral
- Diyos, ang Matalik na Gabay sa Iyong Buhay
- Diyos, ang Mithiin, Layunin at Hantungan ng Iyong Buhay
- Kasalanan ng mga Anghel
- Kasalanan nina Adan at Eba
- Ang Pangkalahatang mga Epekto ng Kasalanan
- Panimula sa Ikapito–Ikasiyam na mga Pagninilay
- Personal na Kasalanan: Sa Liwanag ng Banal na Araw
- Mga Personal na Kasalanan sa Aking Buhay
- Pagkapahiya at Kababaang-loob
- Kamatayan
- Paghuhukom
- Impiyerno
Tampok na Larawan: Pagkamatay ni San Jose ni Simone Barabino
