Tagalog

Pagkapahiya at Kababaang-loob

Balangkas para sa Banal na Oras

Aral: Isang paraan upang lumago sa pagpapakumbaba ay sa pamamagitan ng pagkapahiya. Kapag napahiya ka, kailangan mong pumili. Maaaring tumugon ka nang may pagtatanggol sa sarili, pagmamataas at galit, o tanggapin mo ang pagkapahiya at lumago sa pagpapakumbaba. 

Maaaring manggaling sa iba ang pagkapahiya mo, o maaari mo itong kusang danasin sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay. Para sa huling paraang ito, isipin mong mayroon kang isang kasalanang lubhang nakahihiya. Inilihim mo ito upang hindi ka madaig ng matinding kahihiyan. Ngayon, isipin mong isang araw ay ginawa mo ang kasalanang iyon at palihim itong nakunan ng video, at kalaunan ay ipinalabas sa bawat pangunahing programa ng balita. Nakita ng lahat ng iyong kapamilya at kaibigan ang kasalanang ito at hindi mo ito maikakaila.

Paano ka tutugon? Napakasakit ang mapahiya, ngunit maaaring makatulong ang pagninilay sa kahihiyang madarama mo kung ibubunyag sa buong mundo ang iyong lihim na kasalanan. Bago mo ituon ang iyong pansin sa awa ng Diyos, kailangan mong linangin ang wastong pagtugon sa iyong kasalanan. Isang mahalagang tugon ang makadama ng nararapat na kahihiyan sa iyong ginawa. 

Pagninilay: Pagnilayan ang nakahihiyang karanasan kung malalantad sa lahat ang lahat ng iyong kasalanang hindi mo pa pinagsisisihan. Hayaan mong madama ang mga epekto ng hayagang pagbubunyag ng mga kasalanang iyon sa lahat ng kakilala mo. Pagnilayan ito ngayon at hayaang tumubo sa iyong puso ang pagsisisi at maging ang isang banal na pagkadama ng kahihiyan. (Tahimik na Pagninilay)

Panghuli, habang iniisip mo ang iyong pagkapahiya, isipin mong ito ay isang bagong kasangkapang ibinigay sa iyo ng ating Panginoon upang mapagtagumpayan ang lahat ng iyong kasalanan. Tingnan mo ito bilang isang makapangyarihang udyok upang gumawa ng matatag na pagpapasiyang talikuran ang kasalanan at bumaling sa Diyos. (Tahimik na Pagninilay)

 

Paalaala: Ang huling tatlong pagninilay sa bahaging ito ay dapat ituring na hindi sapilitan. Napakalinaw ng sinabi ni San Ignacio na ang Mga Pagsasanay na Espirituwal ay dapat iangkop sa mga partikular na pangangailangan ng taong gumagamit ng mga ito. Pangunahing tungkulin ito ng tagapaggabay na espirituwal. Gayunman, karamihan ay hindi magkakaroon ng isang tagapaggabay na espirituwal na may sapat na pagsasanay upang gabayan sila sa mga pagsasanay na ito, kaya kailangan nilang maging higit na mapagmatyag sa iba’t ibang panganib habang nagpapatuloy.

Para sa ilan, isang ganitong panganib sa puntong ito ang madaig ng bigat ng kamalayan sa kasalanan. Kaya kung nadaraig ka nito, nahihirapan dahil sa labis na pag-aalinlangan ng budhi, nakararanas ng depresyon o pinanghihinaan ng loob, maaaring mas maingat na pasiya ang pahapyaw lamang na basahin ang susunod na tatlong pagninilay o laktawan na ang mga ito. Malinaw na hindi layunin nito na magdulot ng labis na pagkabalisa tungkol sa sariling mga kasalanan, at talagang posibleng humantong sa hindi malusog na pag-iisip at damdamin ang pagsasagawa ng mga pagsasanay na ito nang walang patnubay ng isang tagapaggabay na espirituwal. Mangyaring kilatisin kung ano ang pinakamabuti para sa iyo. Kung nahihirapan ka dahil sa labis na pagtutuon sa kasalanan, sikapin mong maghanda ngayon para sa iyong kumpisal at simulan ang susunod na bahagi ng mga pagninilay sa halip na magpatuloy sa mga susunod na pagninilay para sa Banal na Oras. Ang payong ito ay naaayon sa isinulat ni San Ignacio sa ika-18 anotasyon.

Panimula sa mga Saligang Pagninilay

  1. Diyos, ang Maylikha ng Lahat ng Umiiral
  2. Diyos, ang Matalik na Gabay sa Iyong Buhay
  3. Diyos, ang Mithiin, Layunin at Hantungan ng Iyong Buhay
  4. Kasalanan ng mga Anghel
  5. Kasalanan nina Adan at Eba
  6. Ang Pangkalahatang mga Epekto ng Kasalanan
  7. Panimula sa Ikapito–Ikasiyam na mga Pagninilay
  8. Personal na Kasalanan: Sa Liwanag ng Banal na Araw
  9. Mga Personal na Kasalanan sa Aking Buhay
  10. Pagkapahiya at Kababaang-loob
  11. Kamatayan
  12. Paghuhukom
  13. Impiyerno

Mga Pagsasanay sa Kuwaderno

Talaan ng mga Nilalaman

Tampok na Larawan: Si Kristo at ang Makasalanan

Ibahagi ang Pahinang Ito: