Tagalog

Ikatatlumpung Araw – “Ama, Patawarin Mo Sila, Sapagkat Hindi Nila Alam ang Kanilang Ginagawa”


Bersiyong Video

Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, ipinako nila Siya sa krus doon kasama ng mga salarin, ang isa sa Kanyang kanan at ang isa sa Kanyang kaliwa. [Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.”] Lucas 23:33-34a

Habang nakatayo ang ating Mahal na Ina sa harap ng Krus ng kanyang Anak, narinig niya Siyang bigkasin ang mga salitang ito nang may habag, paninindigan at awa: “Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Ano kaya ang naisip ni Inang Maria nang marinig niyang sabihin ng kanyang Anak ang mga salitang ito tungkol sa mga may pananagutan sa malupit na pagpapahirap at pagpatay sa Kanya? Bilang isang ina, ano kaya ang naisip niya tungkol sa panalanging ito ng kanyang Anak?

Ito ang una sa pitong wikang binigkas ng ating banal na Panginoon mula sa Krus. Sa maraming paraan, ang mga ito ay mga aral na nagsisilbing saligan ng buong buhay Kristiyano. Ang mga salitang ito tungkol sa pagpapatawad ay mahalagang bahagi ng saligang iyon.

Nang marinig ng ating Mahal na Ina ang mga salitang ito ng kanyang Anak, tiyak na kaagad niyang nakiisa ang kanyang damdamin sa mga damdaming nagmula sa puso ng kanyang Anak. Habang sumisigaw si Hesus sa Ama, nagsusumamong kahabagan ang mga may pananagutan sa malupit na Pagpapako sa Kanya sa Krus, gayundin ang ating Mahal na Ina ay tiyak na sumigaw na para bang nakikiisa sa iisang awit ng awa at papuri. Nagkaisa ang kanilang mga pusong maawain. Iisang awit ng walang-maliw na pagpapatawad ang inawit ng dalawang tinig: Siya na nagdusa sa katawan at ang ina na nagdusa nang tahimik.

Ang magpatawad nang walang pasubali sa gayong sandali ay halos hindi kayang maunawaan ng tao. Higit ito sa agad na kayang maunawaan ng ating kalikasang nasugatan ng kasalanan. Madalas nating hangarin ang paghihiganti at makamundong katarungan. Nais nating managot at mahatulan ang iba dahil sa kanilang mga pagkakamali. Ngunit hindi ito ang ating tungkulin. Ang Ama sa Langit ang tanging hukom. Ang tanging tungkulin natin ay magpatawad. At dapat natin itong gawin nang paulit-ulit.

Sino ang nanakit sa iyo? Kanino ka may sama ng loob? Sino ang hindi mo pa napapatawad? Ang pagpapatawad sa kapwa ay hindi pagbibigay-katwiran sa kanyang kasalanan. Sa halip, kinikilala ng pagpapatawad ang naunang nagawang kasalanan na nangangailangan ng awa. Nag-aalok ng awa ang pagpapatawad kahit hindi ito hinihingi o kahit hindi ito karapat-dapat tanggapin. Dapat tayong magbigay ng awa nang walang pasubali at sa bawat kalagayan sa buhay dahil sa walang-hanggang awang ibinibigay sa atin ng Diyos. Ang awa ay dumadaloy mula sa itaas pababa.

Pagnilayan ngayon ang Ina ng Diyos habang nasasaksihan niya mismo ang napakalupit na pagtrato sa kanyang Anak. Habang pinagninilayan mo siya sa paanan ng Krus, pakinggan si Hesus na binibigkas ang makapangyarihang mga salitang iyon: “Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Pakinggan ang mga salitang iyon kasama ng ating Mahal na Ina at unawain na binigkas din niya ang mga iyon kasama ng kanyang Anak nang walang pasubali. Makiisa sa kanilang panalangin at ialay ito para sa mga kailangan mong patawarin.

Pinakamamahal kong Ina ng Awa, buong pagmamahal mong pinakinggan ang iyong Anak habang binibigkas Niya ang mga salitang ito na lubhang kamangha-mangha: “Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Ang mga salitang ito ay parang isang palaso ng awa na tumagos sa iyong puso. At tumugon ka sa mga salitang ito sa pamamagitan ng sarili mong panalangin ng awa para sa lahat ng nagkasala laban sa iyong Anak.

Mahal kong Ina, ipanalangin mo akong matularan ko ang panalanging ito ng pagpapatawad sa sarili kong buhay. Ipanalangin mo akong huwag mag-atubiling mag-alok ng awang ito sa lahat ng nagkasala laban sa akin.

Maawain kong Panginoon, hindi Ka nag-atubiling patawarin ang mga nagkasala nang mabigat laban sa Iyo. Pinakitunguhan Ka nila nang may kalupitang hindi kayang maunawaan, ngunit pinatawad Mo sila nang may ganap na awa. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko, mahal na Panginoon, upang mapatawad ang mga nagkasala laban sa akin. Palitan Mo ang galit at poot ng pagmamahal at awa.

Inang Maria, ipanalangin mo ako. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikatatlumpu’t Isang Araw – “Ngayon ay Makakasama Kita sa Paraiso”

Talaan ng mga Nilalaman

Mayroon Din sa eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: