
Sumigaw si Jesus nang malakas, “Ama, sa mga kamay Mo ay ipinagtatagubilin Ko ang Aking espiritu”; at pagkasabi nito, nalagot ang Kanyang hininga. Lucas 23:46
Ang ganap na panalanging ito, na nagmula sa kaibuturan ng Puso ng ating Panginoon, ay tumatagos sa pinakadiwa ng buhay. Nasasabi nito ang lahat. Isa itong panalangin ng lubos na pagsuko ng sarili sa Ama, isang panalangin ng ganap na pagpapaubaya ng sarili at di-natitinag na pagtitiwala.
Habang nakatayo ang ating Mahal na Ina sa paanan ng Krus, walang alinlangang nakiisa siya sa kanyang Anak sa Kanyang panalangin ng ganap na pagsuko ng sarili. Tiyak na hindi lamang niya muling inialay sa Ama ang sarili niyang buhay, kundi inialay rin niya ang kanyang Anak.
Ang pagtatagubilin ng ating sarili sa Ama, nang may lubos na pagpapaubaya, ay dapat maging misyon natin araw-araw. Wala nang higit na mahalaga rito sa buhay. Pinili ni Jesus na ang panalanging ito ng pagsuko ng sarili ang maging huli Niyang mga salita mula sa Krus, gaya ng itinala ni San Lucas. Sa Ebanghelyo ni San Juan, sinabi ni Jesus, “Naganap na.” Nililinaw ng dalawang pahayag na ito ng ating Panginoon na si Jesus ay ganap na kaisa ng Ama sa Kanyang mga huling sandali sa Krus.
Pag-isipan mo ito. Habang nakabayubay si Jesus sa Krus, hinahamak at dumaranas ng napakatinding sakit, binigyan Niya tayo ng isang maluwalhating halimbawa ng pagsuko ng sarili. Palibhasa’y ganap sa lahat ng bagay, hindi Siya nagtuon sa Kanyang sarili at nagpakalunod sa awa sa sarili, galit, o panghihinayang. Hindi Siya napigilan ng kalupitang dinanas Niya sa kamay ng napakarami sa patuloy na pagsuko ng Kanyang buhay sa Ama at sa banal Niyang kalooban. Sa halip, pinili ni Jesus ang abang kalagayang ito ng pag-uusig upang ipahayag ang Kanyang walang hanggang pakikipagkaisa sa Kanyang Ama.
Madalas sa ating sariling buhay, kapag dumarating ang mga krus, nagsisimula tayong mawalan ng tiwala at pag-asa sa Ama. Masusi nating sinusuri ang ating mga sugat at iniisip ang mga kawalang-katarungang dinanas natin. Hinahayaan nating ilayo ng hinanakit at kalungkutan ang ating paningin sa Diyos, at sa halip ay sa ating sarili tayo tumitingin.
Ang panalanging ito, na binigkas ng ating Panginoon at umalingawngaw sa puso ng ating Mahal na Ina, ay binigkas din bilang aral para sa bawat isa sa atin. Una, idinalangin ito sapagkat ito ang ganap na pagpapahayag kung sino si Jesus. Ngunit ikalawa, binigkas ito upang tularan natin.
Gaano kalalim ang iyong pagsuko ng sarili sa Ama sa Langit? Gaano mo kadalas dinarasal ang panalanging ito? At kapag dinarasal mo ito, gaano kalubos na naisasakatuparan ang panalanging ito sa iyong buhay? Ang pagsuko ng sarili ay pagkilos. Higit ito sa isang pasiya; ito ay patuloy na pagkilos ng ating kalooban na nagpapalalim sa ating pagsuko ng sarili hanggang sa ito ay maging ganap at lubos.
Pagnilayan mo ngayon ang ganap na panalanging ito ng ating Panginoon. “Ama, sa mga kamay Mo ay ipinagtatagubilin Ko ang Aking espiritu.” Dasalin mo ito nang paulit-ulit. Kung kaya mo, lumuhod ka o magpatirapa sa harap ng ating Panginoon. Pagnilayan mo rin ang panalanging ito ayon sa kung paano ito binigkas ng ating Mahal na Ina mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Patuloy niyang inialay ang kanyang buhay at nakiisa sa kanyang Anak sa ganap at panghuling paghahandog na ito sa Ama. Ginawa niya ito habang nakatayo at nakatingin sa kanyang Anak nang may pagmamahal ng isang ina.
Pinakamamahal kong Ina, habang nakatayo ka sa harap ng iyong Anak at narinig mo Siyang bumigkas ng mga banal na salitang ito, ginawa mo ring sarili mong panalangin ang mga ito. Malaya at buong-puso mong inialay sa Ama ang iyong banal na Anak. Muli mo ring inialay ang iyong sariling buhay, kaisa ng Sakripisyo ng iyong Anak.
Mapagmahal kong Ina, ipanalangin mo ako upang magawa kong isang ganap na handog sa Ama sa Langit ang aking sariling buhay. Tulungan mo ako, sa pamamagitan ng iyong mga panalangin at halimbawa, na walang ipagkait. Ibinibigay ko ang lahat sa iyo, mahal kong Ina, upang maihandog mo ako sa Ama, kaisa ng paghahandog ng iyong Anak.
Aking Panginoong naghihingalo, ipinagtatagubilin ko ang aking buhay sa Iyong mga kamay. Isinusuko ko sa Iyo ang lahat upang maihandog sa Ama ang aking buhay, kaisa ng Iyong ganap na Sakripisyo. Kunin Mo ako, mahal kong Panginoon, tanggapin Mo ako at gawin Mo sa akin ang anumang naisin Mo.
Inang Maria, ipanalangin mo ako. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Ikatatlumpu’t Pitong Araw – Nayanig ang Lupa
Mayroon Din sa eBook & Paperback!

