Miyerkules ng Abo
Bagaman ang Miyerkules ng Abo ay hindi isang araw na may obligasyong magsimba, isa ito sa mga pagdiriwang na liturhiko sa kalendaryo ng ating Simbahan na may pinakamaraming dumadalo. Marahil ay nagpapahiwatig ito ng pagnanais sa ating mga puso na maging mabunga at makapagpabago ng buhay ang Kuwaresma bawat taon. Ang apatnapung araw na ito ay paggunita at pagtulad sa apatnapung araw ni Jesus sa ilang, kaagad pagkatapos ng Kanyang binyag at bago magsimula ang Kanyang hayagang ministeryo. Ang apatnapung araw ni Jesus ay panahon ng pag-aayuno at pananalangin, na sinundan ng pagpapaubaya Niyang maranasan ang bawat tukso ng diyablo. Ang mga tuksong ito ay siya ring mga tuksong tinitiis natin, kaya naman tiniis ng ating Panginoon ang mga ito habang ang Kanyang katawan ay nasa kalagayan ng matinding gutom at pag-iisa.
Sa pagsisimula ng ating paglalakbay ngayong Kuwaresma, nakaugalian na nating talikuran ang isang bagay, mag-ayuno, umiwas sa pagkain ng karne ngayong araw at tuwing Biyernes, maglaan ng higit na panahon sa pananalangin, at dagdagan ang ating mga gawa ng pagkakawanggawa. Hakbang-hakbang kang aakayin ng mga pagninilay na ito upang makapiling ang ating Panginoon sa ilang, nang mas taimtim mong matupad ang mga tungkuling ito sa Kuwaresma bilang pagtulad sa Kanya. Pagninilayan mo ang pinagdaanan ni Jesus sa mga araw na iyon, daramhin ang Kanyang nadama, mararanasan ang Kanyang naranasan, tutularan ang Kanyang mga ginawa, mag-aayuno kasama Niya, mananalangin kasama Niya, at haharapin ang mga tuksong Kanyang hinarap at napagtagumpayan.
Ngayong Miyerkules ng Abo, magsimula sa paglalaan ng panahon upang pagnilayan ang “kabuuang larawan” nang sa mga darating na araw ay matuon mo ang iyong pansin sa bawat detalye ng panahon ni Jesus sa ilang. Pagnilayan muna sa kabuuan ang katotohanang si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay nagtaglay ng kalikasang pantao. Pagkatapos, sa itinakdang panahon, malaya Niyang piniling pumasok sa isang panahon ng kusang pagtitiis ng gutom, init, pag-iisa, pakikibaka, at tukso. Bagaman mangangailangan ng buong buhay, at maging ng kawalang-hanggan, upang lubos na maunawaan ang pagiging mabunga ng Kanyang apatnapung araw, italaga mo ang iyong sarili sa paglalakbay na ito. Magpasiyang maging bukas. Magpasiyang gawin ang anumang kinakailangan upang makapiling ang ating Panginoon sa ilang. Alaming hindi magiging madali ang paglalakbay na ito, at malamang na hindi rin ito magiging kaaya-aya, ngunit kailangan ito at magiging lubhang mabunga kapag isinabuhay nang tama at mabuti. Yakapin ang Kuwaresmang ito na para bang ito ang una at tanging pagkakataon mong makapiling ang ating Panginoon sa ilang upang maghanda para sa misyong ibinigay sa iyo ng Diyos.
Aking Panginoong Diyos, malaya Mong piniling pumasok sa ilang para sa isang panahon ng pananalangin, pag-aayuno, at tukso. Ang kusang-loob Mong pagyakap sa sandaling ito ng Iyong buhay ay isa ring paanyaya sa akin na maglakbay kasama Mo. Sa pagsisimula ko ng Kuwaresmang ito, matatag akong nagpapasiyang sumunod sa Iyo sa ilang. Nagpapasiya akong magtiis sa isang panahon ng pagsasakripisyo, penitensiya, at pananalangin. Nawa ay makasama Mo ako sa Iyong paglalakbay upang maunawaan ang Iyong naunawaan, matiis ang Iyong tiniis, harapin ang Iyong hinarap, at mapagtagumpayan ang lahat ng Iyong napagtagumpayan. Bagaman may pag-aatubili akong humaharap sa apatnapung araw na ito, ipagkaloob Mo po sa akin ang lakas ng loob na gawin ang kinakailangan upang maging tunay na mabunga ang Kuwaresmang ito. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Tingnan din: Unang Pagninilay – 40 Araw sa Paanan ng Krus
