Miyerkules ng Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Tulad sa unang tukso, sa ikalawa ay muling nagkamali ang diyablo sa kaniyang pag-aakala. Sinabi ng diyablo kay Hesus, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog Ka. Sapagkat nasusulat: ‘Uutusan Niya ang Kaniyang mga anghel tungkol sa Iyo’ at ‘aalalayan Ka nila ng kanilang mga kamay, upang hindi tumama ang Iyong paa sa bato’” (Mateo 4:6). Sa madaling salita, sinasabi ng diyablo kay Hesus na kung magpapatihulog Siya mula sa tuktok ng Templo, at kung darating ang mga anghel upang saluhin Siya at iligtas sa kapahamakan, mamamangha ang lahat ng makakakita nito at kikilalanin Siya bilang Anak ng Diyos. Bakit hindi ito mabuting gawin?
Ipinagpapalagay ng diyablo na nanaisin ni Hesus na ipakilala sa lahat kung Sino Siya sa pamamagitan ng isang pakitang-gilas. Una sa lahat, nagkamali ang diyablo sa paniniwalang ang pangunahing pinagkakaabalahan ni Hesus ay ang Kaniyang sarili. Hindi kailangang patunayan ni Hesus kung Sino Siya upang bigyang-kasiyahan ang Kaniyang sarili. Hindi Niya kailangang mamangha sa Kaniya ang mga tao para sa Kaniyang sariling kapakanan at purihin Siya dahil iniligtas Siya ng mga anghel. Sa halip, ang pangunahing hangarin ni Hesus ay ang talikuran ng bawat tao ang kasalanan, magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at tanggapin ang kaloob na buhay na walang hanggan. Nais ni Hesus na baguhin ang mga puso. Ito ang dahilan ng Kaniyang pagparito—hindi upang itaas ang Kaniyang sarili—kundi upang ibangon mula sa kanilang mga kasalanan ang Kaniyang mga anak na nadapa.
Alalahanin na gumawa lamang si Hesus ng mga himala kapag mayroon nang pananampalataya. Hindi Siya gumawa ng mga himala upang magpakitang-gilas o itampok ang Kaniyang sarili. Ginawa Niya ito bilang isang banal na gawa ng pag-ibig, na ipinagkaloob sa mga sumampalataya na sa Kaniya sa kaibuturan ng kanilang mga puso, o upang magpaningas ng pananampalatayang iyon sa mga puso ng mga bukas na tumanggap nito. Ang malinaw na pagkakaiba ng pag-iisip ni Hesus at ng pag-iisip ng diyablo ay ito: ipinagpalagay ng diyablo na sarili ang iniintindi ni Hesus, ngunit ang iniintindi lamang ni Hesus ay ang kapakanan ng iba.
Isang aral na matututuhan natin dito ay dapat nating tularan ang malasakit ni Hesus sa panloob na pagbabalik-loob ng bawat puso, sa halip na ituon ang ating pansin sa pagtataas ng ating sarili sa paningin ng iba. Kapag gumagawa tayo ng kawanggawa, dapat natin itong gawin dahil mahal natin ang mga pinaglilingkuran natin, hindi upang gumanda ang tingin sa atin. O kung ibinabahagi natin sa iba ang mga katotohanang moral ng Ebanghelyo, hindi ito kailanman upang ipagmalaki ang ating sariling katuwiran kundi upang tulungan ang iba na bumaling sa Diyos.
Pagnilayan ang ikalawang tuksong ito ng diyablo at isipin ang mga paraan ng kaniyang pagtatangkang manipulahin ka upang itaas mo ang iyong sarili sa paningin ng iba. Ang diyablo ay isang tuso at mapanlinlang na sinungaling. Kung hindi natin pananatilihing nakatuon ang ating pansin sa kaluwalhatian ng Diyos at sa kaligtasan ng mga kaluluwa, madali nating maipahihintulot na linlangin niya tayo nang hindi man lamang natin namamalayan. Ibaling mo ang iyong paningin mula sa iyong sarili tungo sa iba, at sikaping mahalin sila nang may Puso ni Kristo. Ang paggawa nito ay hindi lamang mabuti para sa iba; ito rin ang pinakamabuti para sa iyong kaluluwang walang hanggan.
Aking mapagmahal na Panginoon, sa Iyong ganap na kababaang-loob, ang tanging inaalala Mo ay ang kaligtasan ng mga kaluluwa. Hinangad Mong talikuran ng lahat ng tao ang kasalanan at tanggapin ang kaloob na buhay na walang hanggan na ipinarito Mo upang ipagkaloob. Mangyaring ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko upang makibahagi sa hangaring iyon. Nawa’y hindi ko kailanman hangaring itaas ang aking sarili sa paningin ng iba, kundi hangarin ko lamang na ibahagi sa lahat ang Iyong biyayang nagliligtas. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Tingnan din: Ikalabinsiyam na Araw: 40 Araw sa Paanan ng Krus
