Tagalog

Ikalabinsiyam na Araw – Ang Pagdurusa sa Halamanan

Bersiyong Video

“Labis ang kalungkutan ng aking kaluluwa, halos ikamatay ko na. Manatili kayo rito at magbantay na kasama ko.” Lumayo siya nang kaunti at nagpatirapa sa panalangin, na sinasabi, “Ama ko, kung maaari, ilayo mo sa akin ang kalis na ito; gayunman, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang masunod.” Matthew 26:38-39

Sa tindi ng Kanyang paghihirap, lalo Siyang nanalangin nang buong taimtim, at ang Kanyang pawis ay naging tulad ng mga patak ng dugong tumutulo sa lupa. Lucas 22:44

Ang matinding paghihirap na dinanas ni Hesus habang nananalangin sa Halamanan ng Getsemani ay nahigitan lamang ng malupit na pagtrato at Pagpapako sa Krus na tiniis Niya nang sumunod na araw. Noong gabing iyon ng Huwebes, matapos ipagkaloob sa mga Apostol ang handog ng Kanyang Katawan at Dugo, lumabas Siya upang manalangin. Habang nananalangin, nagpatirapa Siya sa harap ng Ama sa Langit at tinanggap ang “kalís” na ibinigay sa Kanya upang inumin. Tatlong ulit Niyang inialay ang malalim na panalanging ito: “Ama Ko, kung maaari, ilayo Mo sa Akin ang kalís na ito; gayunman, hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod.”

Malamang na hindi nakatulog ang ating Mahal na Ina nang gabing iyon. Nagising siya sa kalagitnaan ng gabi dahil sa nakatatakot na balitang dinakip si Hesus. Nagmadali siyang pumunta sa lugar kung saan tinatanong si Hesus sa harap ni Caifas at ng buong Sanedrin, at nagmasid mula sa malayo kasama ng iba pang mga banal na babae.

Nagdusa nang matindi si Hesus sa Halamanan at tatlong ulit Niyang pinili ang kalooban ng Ama. Si San Pedro naman, sa gitna ng kaguluhan nang gabing iyon, ay tatlong ulit na nagkaila kay Hesus. Sa tahimik na pananatili ng ating Mahal na Ina sa buong gabing iyon, iniisa niya ang kanyang isip at puso sa matinding paghihirap ng kanyang Anak at sa malayang pagyakap Nito sa Kanyang Krus.

Ito ang Kanyang Oras. Ito ang Oras kung kailan ibibigay ni Hesus ang pinakadakilang kaluwalhatian sa Ama sa Langit. At ito rin ang oras ng ating Mahal na Ina. Inaanyayahan siyang malayang ialay ang kanyang Anak sa mga kamay ng masasamang tao. Kinulang sa katapatan at paninindigan si San Pedro at ang iba pang mga Apostol habang papalapit ang oras na ito. Ngunit ang ating Mahal na Ina, ang una at pinakadakilang alagad ng kanyang Anak, ay nakiisa kay Hesus sa ganap na pagsuko sa kalooban ng Ama.

Noong Biyernes Santo, habang nakatayo ang Inang Maria sa harap ng Krus ng kanyang Anak, malamang na nagpatuloy siyang manalangin gaya ng pananalangin ni Hesus sa Halamanan noong nagdaang gabi. “Ama…hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod.” Ito rin ang dapat maging pinakasentro ng ating panalangin sa bawat araw ng ating buhay.

Pagnilayan mo ngayon ang kaguluhan at kalituhang nagsimula nang gabing dakpin si Hesus. Pagnilayan mo rin ang mga sandali ng kaguluhan at kalituhan sa sarili mong buhay. Kapag nadarama mo ang bigat ng iba’t ibang krus sa iyong buhay, iisa lamang ang paraan upang yakapin ang mga ito nang wasto. Dapat kang makiisa sa panalangin ni Hesus sa Halamanan, na siya ring ganap na panalangin ng ating Mahal na Ina. Makiisa ka sa kanila sa panalanging ito ng ganap na pagsuko.

Pinakamamahal na Inang Maria, buong dalamhati mong nasaksihan ang pagdakip at napakalupit na pagtrato sa iyong Anak. Gayunman, ang tanging panalangin mo ay ang panalanging inialay ng iyong Anak sa Halamanan. “Ama, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod.” Ang matinding paghihirap ni Hesus ay iyong paghihirap din, at ang Kanyang pagsuko ay iyong pagsuko rin.

Ipanalangin mo ako, mahal na Ina, upang makiisa ako sa iyo at sa iyong Anak sa panalangin habang nagdurusa ako sa buhay na ito. Sa pagharap ko sa kalupitan ng mundo, ipanalangin mo ako upang piliin ko rin araw-araw ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay, na hindi kailanman nagpapadaig sa kawalan ng pag-asa at hindi kailanman nag-aatubili sa aking pagsuko.

Aking nagdurusang Panginoon, pinipili kong manatiling gising kasama Mo at maging tapat sa Iyo sa tuwina. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko upang mamuhay nang lubos na sumusuko sa kalooban ng Ama at sa Iyong kabanal-banalang kalooban.

Inang Maria, ipanalangin mo ako. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Susunod: Ikadalawampung Araw – Ang Kawalang-sala ng Kordero ng Diyos

Talaan ng mga Nilalaman

Mabibili bilang eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: