T. Ano ang pananaw ninyo sa kasalukuyang midya para sa ating mga bata at kabataan? Sa mga aklat? Sa mga pelikula? Kung ipinapakita ng mga ito ang tunay na buhay, ano ang masasabi ninyo tungkol doon?
S. Mga aklat, pelikula, telebisyon, radyo, Internet…maraming paraan ngayon upang tayo ay malibang, mabigyan ng impormasyon at, gaya ng maaaring sabihin ng ilan, “paulanan” araw-araw. Kapansin-pansing pagnilayan na sa lahat ng ganitong uri ng komunikasyon, mga aklat lamang ang mahigit na mahigit isang siglo nang umiiral! Ang lahat ng iba pang anyo ng makabagong komunikasyon ay kamakailan lamang naging bahagi ng lipunan ng tao. Madalas kong iniisip kung anong uri ng epekto sa atin ngayon ang dulot ng mga bagong anyong ito ng midya.
Itinatanong mo ang aking pananaw sa mga anyong ito ng kasalukuyang midya. Partikular mong itinatanong kung ano ang palagay ko sa mga aklat at pelikula kapag “ipinapakita ng mga ito ang tunay na buhay.” Narito ang ilang kaisipan.
Ang una kong maibabahaging kaisipan ay malaki ang kakayahan ng mga aklat at pelikula na pukawin ang imahinasyon at antigin ang mga simbuyo ng damdamin. Kaya nga nakaaaliw ang mga ito! Maaari itong maging mabuti kapag ang imahinasyon at mga simbuyo ng damdamin ay napupukaw tungo sa kabutihan, na naaayon sa katotohanan. Ngunit maaari ring pukawin ng mga aklat at pelikula ang ating imahinasyon at mga simbuyo ng damdamin sa paraang hindi nakabubuti.
Paano kung ang aklat o pelikula ay batay sa tunay na buhay? Awtomatiko na ba itong katanggap-tanggap at nakabubuti kung ito ay “batay sa isang tunay na kuwento?” Sa palagay ko, hindi. Hindi porke nakabatay ang isang bagay sa realidad ng ating mundo ay nangangahulugan nang nakabubuti ito sa atin. Maraming bagay sa ating mundo ang “totoo” ngunit hindi karapat-dapat pag-ukulan ng panahon para pag-isipan, lalo na para gawing libangan.
Hayaan ninyong magbigay ako ng isang halimbawa mula sa buhay ni San Ignacio de Loyola. Bago ang kanyang pagbabalik-loob, mahilig magbasa si San Ignacio ng mga kuwento tungkol sa mga dakilang kabalyerong nagkamit ng katanyagan at kaluwalhatian. Mahilig din siya sa mga kuwento ng pagkamaginoo at pag-ibig. Kapag binabasa niya ang mga ito, nabibigyang-inspirasyon siya at naguguniguni kung ano kaya ang pakiramdam na makamit ang gayunding katanyagan at kaluwalhatian, ang paghanga ng iba, at ang puso ng isang maharlikang binibini sa korte. Isang araw, nasugatan si Ignacio sa labanan at ilang buwang namalagi sa higaan upang magpagaling. Hiniling niya ang kanyang mga paboritong babasahin, ngunit ang tanging naroon ay isang sipi ng Buhay ni Kristo at isang aklat tungkol sa mga santo. Habang binabasa niya ang mga aklat na ito, lubos siyang nabigyang-inspirasyon at naguniguni kung ano kaya ang maging isang santo. Pagkatapos ay napansin niya ang pagkakaiba ng dalawang uri ng aklat at ang mga epekto ng mga ito sa kanya. Kapag binabasa niya ang mga kuwento ng mga kabalyero at pag-ibig, agad siyang napupukaw at nabibigyang-inspirasyon, ngunit hindi nagtatagal ay nakadarama siya ng panunuyo ng kalooban at pagkabalisa. Kapag binabasa naman niya ang mga kuwento ng mga santo, lubos din siyang nabibigyang-inspirasyon. Ang kaibahan ay sa mga aklat na ito, ang inspirasyon at sigasig niyang mamuhay tulad nila ay nag-iiwan sa kanya ng kapayapaan at kasiyahan ng kalooban, sa halip na panunuyo at pagkabalisa.
Ito ang mungkahi ko sa inyo. Nakaaapekto sa atin ang anumang ipinapasok natin sa ating isipan. Humanap ng mga aklat at pelikulang naglalarawan ng mga birtud na tinatawag tayong isabuhay bilang mga Kristiyano, sa halip na maglarawan lamang ng realidad ng ating malungkot at makasalanang mundo. At kung hindi kayo tiyak kung nakabubuti ang isang uri ng pelikula o aklat, tingnan ang epekto nito sa inyo o sa inyong mga anak. Gaya ng natuklasan ni Ignacio, anumang karapat-dapat basahin o panoorin ay dapat mag-iwan sa atin ng pangmatagalang kapayapaan at kasiyahan ng kalooban.
Higit Pang mga Tanong & Sagot Tungkol sa Pananampalatayang Katoliko
