Tagalog

Pagbibinyag sa Panginoon


Si San Juan Bautista na binibinyagan si Kristo, ni Francesco Trevisani

Pagbibinyag sa Panginoon—Kapistahan

Linggo pagkatapos ng Epipanya
O, kung ipinagdiriwang ang Epipanya sa Enero 7 o 8, sa kasunod na Lunes
Kulay sa Liturhiya: Puti/Ginto
Dumiretso sa: Buong bersiyon – Maikling bersiyon

Mga channel ng podcast:
Apple – Spotify – iHeart – Audible

Sipi:
Nang mga araw na iyon, dumating si Hesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan ni Juan sa Jordan. Pag-ahon Niya sa tubig, nakita Niyang nabuksan ang kalangitan at ang Espiritu, na tulad ng isang kalapati, ay bumababa sa Kanya. At isang tinig ang nanggaling sa langit, “Ikaw ang minamahal Kong Anak; lubos Akong nalulugod sa Iyo
.” ~Marcos 1:9–11

Pagninilay: Ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ay isang tulay sa liturhiya na nag-uugnay sa Panahon ng Pasko at sa Karaniwang Panahon. Sa Panahon ng Pasko, pinagnilayan natin ang Pagkakatawang-tao, ang Pagsilang ng Panginoon, ang Paghahandog sa Templo, at ang Epipanya. Ngayon, nakikita natin si Hesus na nagpapakilala sa sanlibutan sa pagsisimula ng Kanyang tatlong taong hayagang ministeryo.

Sinimulan ni Hesus ang Kanyang ministeryo sa isang gawa ng malalim na pakikiisa sa sangkatauhang nahulog sa kasalanan. Nangaral si Juan Bautista sa ilang at nagkaloob ng binyag ng pagsisisi. Ang binyag ni Juan ay hindi katulad ng ating binyag ngayon. Sa halip, tanda lamang ito ng kahandaan ng isang tao na talikuran ang kasalanan at bumaling sa Diyos. Siyempre, walang dapat pagsisihan si Hesus. Siya ay walang kasalanan sa anumang paraan. Ngunit hindi ito naging hadlang upang malaya Niyang piliing tanggapin ang binyag ng pagsisisi. Bakit Niya gagawin iyon?

Sa madaling salita, pinili ni Hesus na makiisa sa sangkatauhang nahulog sa kasalanan, pasanin ang ating mga kasalanan, at pagdusahan ang mga bunga ng mga ito. Mapagpakumbaba Niyang hinayaang maituring Siya na isang makasalanang nangangailangan ng pagsisisi. Ginawa Niya ito dahil sa pagmamahal sa atin at sa Kanyang pagnanais na maging kaisa natin upang tayo ay maging kaisa Niya.

Sa pagyuko ng Kanyang banal na ulo upang tanggapin ang binyag ng pagsisisi, iniugnay ni Hesus ang Kanyang sarili at ang Kanyang pagka-Diyos sa lahat ng nakapili nang magsisi. At binigyan Niya ng bisa ang bawat susunod na gawa ng pagsisisi ng iba, maging hanggang sa ngayon. Kapag nagsisisi tayo ngayon, nakakatagpo natin si Hesus sa gayunding tubig ng pagsisisi.

Hindi lamang ang Walang-hanggang Anak ang naroon sa binyag na iyon ng pagsisisi, kundi pati ang Ama at ang Espiritu Santo. Bumaba kay Hesus ang Espiritu sa anyo ng isang kalapati, at nagsalita ang Tinig ng Ama upang kilalanin ang Kanyang pagiging kaisa ng Kanyang Anak. Kaya sa tuwing gumagawa tayo ng isang mapagpakumbabang pagsisisi, gaya ng pag-uugnay natin sa pagpapako sa krus, sa Santisima Trinidad, at sa banal na tubig kapag pumapasok tayo sa simbahan at nag-aantanda ng krus, hindi lamang natin nakakatagpo ang ating Panginoon kundi tinatanggap din natin ang pagbubuhos ng Espiritu Santo at mas lubos na nakikibahagi sa ating pagkupkop bilang mga anak ng Ama sa Langit.

Sa paggunita natin sa binyag ni Hesus sa liturhiya, ipinagdiriwang natin ang katotohanang ang ating binyag bilang mga Kristiyano ang simula ng bagong pakikipagkaisang ito sa Santisima Trinidad. Ngunit ipinagdiriwang din natin ang ating pagiging kaisa ng Diyos, na pinaninibago sa tuwing taos-puso tayong nagsisisi sa ating mga kasalanan. Kung lubos nating nauunawaan ang nangyayari sa tuwing kinikilala natin ang ating mga kasalanan at pinagsisisihan ang mga ito, hindi tayo kailanman mapapagod sa pagsisisi. Sa tuwing kinikilala at pinagsisisihan natin ang ating kasalanan, muli nating nakakatagpo si Kristo, tumatanggap tayo ng mas masaganang pagbubuhos ng Espiritu Santo, at pinagtitibay at pinalalalim natin ang ating pagiging mga anak na kinupkop ng Ama sa Langit.

Panalangin: Ama, Anak, at Espiritu Santo, dumating Kayo sa akin sa aking binyag at, sa kabila ng aking pagkahulog sa kasalanan, iniugnay Ninyo ako sa Inyo sa Inyong pagka-Diyos. Dalangin ko na lagi kong mabatid ang lahat ng naghihiwalay sa atin at hindi ako kailanman mapagod sa pagsisisi sa aking kasalanan. Muli akong nagsisisi, mahal kong Panginoon. Nagsusumamo ako para sa Iyong awa at kapatawaran at mas lubos kong binubuksan ang aking sarili sa Iyo, sa Iyong Ama, at sa Espiritu Santo. Ama, Anak, at Espiritu Santo, nagtitiwala ako sa Inyo.

Ang pagninilay ay hango sa:

Mga Santo at Kapistahan ng Taong Liturhiko
Mga Tomo Isa–Apat


Karagdagang babasahin sa ibang mga site:

Papa San Juan Pablo II

Papa Benedicto XVI

Papa Francisco

Scott Hahn

Catholic Culture

Wikipedia

Mga Santong Katoliko & mga Kapistahan

Lahat ng mga Santo sa Taong Liturhiko


(Maikling Bersiyon)

Pagbibinyag sa Panginoon—Kapistahan

Ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ay isang tulay sa liturhiya na nag-uugnay sa Panahon ng Pasko at sa Karaniwang Panahon. Sa Panahon ng Pasko, pinagnilayan natin ang Pagkakatawang-tao, ang Pagsilang ni Hesus, ang Paghahandog sa Templo, at ang Epipanya. Ngayon, nakikita nating inihahayag ni Hesus ang Kanyang sarili sa sanlibutan sa pagsisimula ng Kanyang tatlong taong hayagang ministeryo.

Nangangaral noon si San Juan Bautista sa ilang at naggagawad ng binyag ng pagsisisi, isang tanda ng kahandaang talikuran ang kasalanan at bumaling sa Diyos. Siyempre, si Hesus ay lubos na walang kasalanan, ngunit pinili Niyang tanggapin ang binyag ng pagsisisi upang makiisa sa sangkatauhang nahulog sa kasalanan. Dahil sa pag-ibig Niya sa atin, inako Niya ang ating mga kasalanan at daranasin ang mga bunga nito.

Sa pagyuko ng Kanyang banal na ulo upang tanggapin ang binyag ng pagsisisi, iniugnay ni Hesus ang Kanyang sarili at ang Kanyang pagka-Diyos sa lahat ng nakapili nang magsisi. At binigyan Niya ng bisa ang bawat susunod na gawa ng pagsisisi ng iba, maging hanggang sa ngayon. Kapag nagsisisi tayo ngayon, nakakatagpo natin si Hesus sa gayunding tubig ng pagsisisi.

Hindi lamang ang Walang-hanggang Anak ang naroon sa binyag na iyon ng pagsisisi, kundi pati ang Ama at ang Espiritu Santo. Bumaba kay Hesus ang Espiritu sa anyo ng isang kalapati, at nagsalita ang Tinig ng Ama upang kilalanin ang Kanyang pagiging kaisa ng Kanyang Anak. Kaya sa tuwing gumagawa tayo ng isang mapagpakumbabang pagsisisi, gaya ng pag-uugnay natin sa pagpapako sa krus, sa Santisima Trinidad, at sa banal na tubig kapag pumapasok tayo sa simbahan at nag-aantanda ng krus, hindi lamang natin nakakatagpo ang ating Panginoon kundi tinatanggap din natin ang pagbubuhos ng Espiritu Santo at mas lubos na nakikibahagi sa ating pagkupkop bilang mga anak ng Ama sa Langit.

Sa paggunita natin sa pagbibinyag kay Hesus, ipinagdiriwang natin na ang ating binyag bilang mga Kristiyano ang naging simula ng isang bagong pakikipagkaisa sa Santisima Trinidad. Ipinagdiriwang din natin ang ating pakikiisa sa Diyos, na pinaninibago sa tuwing taos-puso tayong nagsisisi sa ating mga kasalanan. Sa tuwing kinikilala at pinagsisisihan natin ang ating kasalanan, muli nating nakakatagpo si Kristo, tumatanggap tayo ng higit na pagbuhos ng Espiritu Santo, at pinagtitibay at pinalalalim natin ang pagkupkop sa atin bilang mga anak ng Ama sa Langit.

Ama, Anak, at Espiritu Santo, dumating Kayo sa akin sa aking binyag at, sa aking kalagayang lugmok sa kasalanan, pinag-isa Ninyo ako sa Inyo sa Inyong pagka-Diyos. Dalangin kong huwag akong mapagod kailanman sa pagsisisi sa aking kasalanan. Nagsusumamo ako para sa Inyong awa at kapatawaran at higit kong binubuksan ang aking sarili sa Inyo, sa Inyong Ama, at sa Espiritu Santo. Ama, Anak, at Espiritu Santo, nagtitiwala ako sa Inyo.

Buong Bersiyon

Ibahagi ang Pahinang Ito: