Balangkas para sa Banal na Oras
Pagbasa sa Banal na Kasulatan: Mga Gawa 1:1–11
Opsiyonal: Lucas 24:50–52
Konteksto: Ang sipi sa ibaba mula sa Mga Gawa ng mga Apostol ay nagsisimula sa tagubilin ni Hesus sa mga alagad na manatili sa Jerusalem at hintayin ang pagdating ng Espiritu Santo, na siyang pangako ng Ama. Kaya naghintay sila nang apatnapung araw.
Sa ikaapatnapung araw, nagpakita si Hesus sa natitirang labing-isang Apostol at inutusan silang humayo upang mangaral hanggang sa mga dulo ng daigdig. Ipinangako Niya na malapit nang dumating sa kanila ang Espiritu Santo upang magampanan nila ang kanilang tungkuling maging mga saksi ni Kristo. Sa wastong kahulugan ng salita, ang isang “saksi” ay isang martir. Bawat isa sa mga Apostol na ito, sa kani-kaniyang paraan, ay makikibahagi sa pagkamartir na ito.
Pagkatapos, nagtungo si Hesus sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga Apostol, at iniakyat Siya sa Langit. Habang umaakyat Siya, kinausap ng dalawang anghel ang mga Apostol. Sinabi sa kanila na muling darating si Hesus balang araw, at pagkatapos ay umalis silang lahat.
Hindi isinama ni Ignacio ang isang pagninilay tungkol sa Pentekostes, ang mismong pagdating ng Espiritu Santo, kundi tinapos niya rito ang kaniyang mga pagninilay sa Banal na Kasulatan. Marahil, isa sa mga dahilan nito ay ang pagtutuon ni Ignacio sa buhay ni Kristo na ating Panginoon sa mga pagninilay na ito. Ang Pentekostes, ang pagdating ng Espiritu Santo, ang susunod na hakbang sa buhay ng Simbahan at ng lahat ng Kristiyano.
Gamitin ang pagninilay na ito upang pag-isipan lalo na ang tawag na tinanggap mo rin na maging saksi ni Kristo. Tinatawag kang huwag mag-atubiling ibigay ang lahat para kay Kristo at alang-alang sa Ebanghelyo. Ang ganap na pagtupad sa kalooban ng Diyos ay hindi lamang ang mahalin ang Diyos kundi ang mahalin din ang kapwa. At walang higit na mabuting paraan ng pagmamahal sa kapwa kaysa sa pagbabahagi sa kanila ng Ebanghelyo at ng kaluwalhatian ni Kristong muling nabuhay.
Pagninilay: Mapagdasal na pagnilayan ang Mga Gawa 1:1–12 (Opsiyonal: Lucas 24:50–52) gamit ang mga pamamaraan ng pagninilay at kontemplasyon na nakasanayan mo na.
Mga Opsiyonal na Punto para sa Pagninilay:
- Binigyan sila ng isang atas.
- Pinangakuan sila ng kapangyarihang higit sa kalikasan sa pagdating ng Espiritu Santo.
- Tinawag silang maging mga saksi, mga martir.
- Ang pagkamartir ay itinuturing na punlaan ng pagiging mabunga ng Simbahan. Isa itong dakilang kabalintunaan.
- Pagnilayan ang mismong pag-akyat ni Kristo sa Langit.
- Bakit Siya umakyat sa Langit taglay ang Kaniyang katawan?
- Pag-isipan ang pangakong muli Siyang darating.
- Ilarawan sa iyong isip ang huling pagbabalik na iyon, ang araw ng Paghuhukom.
- Pag-isipan ang iyong misyon na maghanda.
Tampok na Larawan: L’Ascension, Paul Gustave Doré
Panimula sa mga Meditasyon para sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
- Muling Pagkabuhay ni Jesus at Unang Pagpapakita
- Ikalawang Pagpapakita
- Ikatlong Pagpapakita
- Ikaapat na Pagpapakita
- Ikalimang Pagpapakita
- Ikaanim na Pagpapakita
- Ikapitong Pagpapakita
- Ikawalong Pagpapakita
- Ikasiyam na Pagpapakita
- Iba Pang mga Pagpapakita
- Pag-akyat ni Jesus sa Langit
- Kontemplasyon upang Makamit ang Banal na Pag-ibig
