Balangkas para sa Banal na Oras
Pagbasa sa Banal na Kasulatan: Marcos 16:1–11
Konteksto: Malinaw na hindi natitinag ang debosyon kay Jesus ng mga banal na babaeng binanggit sa Ebanghelyo. Ipinakikita nito ang kanilang katatagan at tapang. Tapat din sila sa batas ng mga Judio na nagbabawal sa kanilang pahiran ng pabango ang katawan ni Jesus sa araw ng Sabbath. Kaya naman, sa sandaling maaari na nilang gawin ito, nagtungo sila sa libingan upang ipahayag ang kanilang pagmamahal at debosyon. Kapansin-pansing ginawa nila ito kahit alam nilang natatakpan ng mabigat na bato ang libingan. Bagaman hindi nila alam kung paano nila ito maaalis, determinado pa rin silang tuparin ang kanilang pakay.
Pagdating nila, namangha sila nang makitang naigulong na ang bato. Walang laman ang libingan, at nang pumasok sila, nakita nila ang “isang binata” (isang anghel) na nakaupo roon na nagtiyak sa kanilang muling nabuhay si Jesus. Inutusan silang humayo at ibalita ang katotohanang ito sa mga alagad, lalo na kay Pedro. Ang natatanging pagbanggit kay Pedro ay malinaw na tanda ng awa ng Diyos, sapagkat tatlong ulit na ikinaila ni Pedro si Jesus. Ngunit matagal na itong nilimot ng Diyos dahil sa pagsisisi ni Pedro. Ang pagbanggit kay Pedro ay sumusuporta rin sa hangarin ni San Ignacio na lubos nating maunawaan ang natatanging papel ni Pedro sa pagkakatatag ng Simbahan.
Sa salaysay ni Marcos tungkol sa pagpapakitang ito, dalawa sa mga babae ang nagtakbong nauna upang ibalita ito sa mga alagad, ngunit nanatili pa roon si Maria Magdalena. Kaya naman, nagpakita si Jesus sa kanya lamang, inihayag ang Kanyang katawang muling nabuhay, at hinimok siyang humayo at magpatotoo sa mga alagad tungkol sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Binabanggit ni San Marcos na pitong demonyo ang napalayas mula sa kanya, na isang tanda ng ganap na pagsapi sa kanya ng diyablo. Kaya, muli na namang ipinakikita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa makasalanan sa pamamagitan ng paggawa sa kanya bilang unang saksi sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Gaya ng inilahad sa naunang pagninilay, karaniwang tinatanggap sa Tradisyon na unang nagpakita si Jesus sa Kanyang sariling ina, ngunit si Maria Magdalena ang unang saksi na naitala sa Banal na Kasulatan. Ipinahihiwatig din nito na ang pagpapakita ni Jesus sa Kanyang ina ay hindi upang magpatotoo siya tungkol dito sa iba, kundi isa lamang pagpapahayag ng pagmamahal sa kanya at gantimpala sa kanyang pananampalataya.
Pagninilay: Mapanalanging pagnilayan ang Marcos 16:1–11 gamit ang mga pamamaraan ng meditasyon at kontemplasyon na pamilyar na sa iyo.
Tampok na Larawan:Noli me tangere. Fresco sa Mababang Basilika sa Assisi
Panimula sa mga Meditasyon para sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
- Muling Pagkabuhay ni Jesus at Unang Pagpapakita
- Ikalawang Pagpapakita
- Ikatlong Pagpapakita
- Ikaapat na Pagpapakita
- Ikalimang Pagpapakita
- Ikaanim na Pagpapakita
- Ikapitong Pagpapakita
- Ikawalong Pagpapakita
- Ikasiyam na Pagpapakita
- Iba Pang mga Pagpapakita
- Pag-akyat ni Jesus sa Langit
- Kontemplasyon upang Makamit ang Banal na Pag-ibig
