Tagalog

Hapunan sa Betania

Balangkas para sa Banal na Oras

Pagbasa sa Banal na Kasulatan: Mateo 26:6–13

Konteksto: Ang babae sa talatang ito ay malamang na si Maria, ang kapatid nina Lazaro at Marta. Bagaman iniuugnay rin siya ng ilan kay Maria Magdalena at sa babaeng makasalanan na nagpahid ng pabango sa mga paa ni Jesus habang lumuluha, mas malamang na tatlong magkakaibang babae ang mga ito. Pinahiran ng babaeng ito ang ulo ni Jesus ng napakamahal na pabango, at walang binanggit sa talatang ito na siya ay makasalanan o lumuluha.

Bagaman hindi sinang-ayunan ng mga alagad ang ginawa niyang ito at sinabing pag-aaksaya ito ng salapi, pinuri siya ni Jesus. Ipinakikita nito na dapat maging lubos na bukas-palad ang pagsamba kay Jesus. Walang maituturing na napakainam o napakalabis para sa ating Panginoon kapag Siya ay iyong pinararangalan at sinasamba.

Pagninilay: Basahin ang talatang ito nang may pananalangin, at gamitin ang mga sumusunod na punto kung makatutulong.

  • Isipin mong naroon ka sa hapunang ito sa bahay ni Simon na ketongin.
  • Habang ginuguniguni mo ang hapunan, ituon ang iyong pansin sa babaeng ito na pumapasok at nagpaparangal kay Jesus sa pamamagitan ng pagpapahid ng pabango sa Kanya.
  • Pagnilayan ang naging tugon ng mga alagad. Bakit sila nagalit nang ganito? Hindi ba dapat silang nagalak at nagpasalamat nang makita ang pagmamahal niya kay Jesus?
  • Sikaping unawain ang iniisip ng babaeng ito nang marinig niyang tawaging “maganda” ni Jesus ang kanyang ginawa.
  • Magtapos sa pagninilay sa sarili mong pagsamba kay Jesus. Naipahahayag mo ba ang iyong pagmamahal nang ganito kalaki? May ipinagkakait ka ba? Paano mo higit na lubos na mapararangalan ang ating Panginoon upang makapag-alay ka rin sa Kanya ng magandang pagsamba?

Tampok na Larawan: Si Jesus, Maria, Marta at Lazaro, St Botolph without Aldersgate

Panimula sa mga Pagninilay para sa Karaniwang Panahon

  1. Pagbibinyag sa Panginoon
  2. Dalawang Watawat
  3. Tatlong Uri ng Tao
  4. Pagtukso
  5. Pagtawag sa mga Apostol
  6. Kasal sa Cana
  7. Paglilinis sa Templo
  8. Pangaral sa Bundok
  9. Pagpapahupa sa Bagyo
  10. Paglakad sa Tubig
  11. Isinugo ang mga Apostol upang Mangaral
  12. Pagbabalik-loob ni Maria Magdalena
  13. Kung Paano Pinakain ni Kristo ang Limang Libo
  14. Pagbabagong-anyo ni Kristo
  15. Pagkabuhay na Muli ni Lazaro
  16. Hapunan sa Betania
  17. Tatlong Paraan ng Pagpapakumbaba

Talaan ng mga Nilalaman

Ibahagi ang Pahinang Ito: