Balangkas para sa Banal na Oras
Konteksto: Bago bininyagan si Jesus, ganito ipinakilala sa atin si San Juan Bautista sa Ebanghelyo ayon kay Mateo. Siya ay:
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang Kanyang mga landas.” (Mateo 3:3, RSV-CE)
Namumuhay nang mapagpakumbaba si Juan sa ilang. Pumupunta sa kanya ang mga tao sa pag-asang siya ang Mesiyas. Ngunit sa kanyang kababaang-loob, nilinaw ni Juan na hindi man lamang siya karapat-dapat magkalag ng mga tali ng sandalyas ng darating na Mesiyas.
Maraming Pariseo at Saduceo rin ang lumapit sa kanya upang makinig, ngunit dahil lamang sa pag-uusisa, hindi dahil sa taos-pusong pagnanais na marinig ang kanyang mensahe bilang propeta. Kaya naman, mahigpit silang sinaway ni Juan dahil hindi bukas ang kanilang kalooban sa tinig ng Diyos.
Di-nagtagal matapos niyang sawayin ang mga Pariseo at Saduceo, dumating si Jesus sa harap ni Juan sa ilang. Inilalahad ng sipi sa Banal na Kasulatan sa ibaba ang tagpong ito at nag-aalok ng masaganang pagkaing espirituwal para sa pagninilay. Una, basahin nang buo ang sipi sa Banal na Kasulatan nang ilang ulit at pagkatapos ay gamitin ang bahagi ng pagninilay upang pag-isipan ang bawat linya nang may panalangin.
Pagbasa sa Banal na Kasulatan: Mateo 3:13–17
Pagninilay: Sinabi ni Juan, “Ako ang kailangang binyagan Mo, at Ikaw pa ang lumalapit sa akin?” Huminto sandali at gamitin ang iyong imahinasyon upang madama mong naroroon ka sa tagpong ito. Sikaping isipin ang pagtatagpong ito mula sa pananaw ng isang nakasaksi. Pagmasdan si Jesus habang lumalapit Siya kay Juan. Pakinggan ang tugon ni Juan at maglaan ng panahon upang siya lamang ang iyong pagmasdan. Manalangin na tulungan ka ng Diyos na makita ang tagpong ito sa pamamagitan ng Kanyang mga mata at pag-iisip.
Ang tugon ni Jesus: “Hayaan mo muna ngayon; sapagkat nararapat na tuparin natin sa ganitong paraan ang buong katuwiran.” Mahiwaga ang pahayag na ito. Muli, pagnilayan ito nang ilang sandali sa katahimikan, at hilingin sa Diyos na tulungan kang maunawaan ang Kanyang mga salita.
Matapos lumusong si Jesus sa tubig at umahon, tatlong bagay ang naganap. Maglaan ng panahon upang pagnilayan nang may panalangin ang bawat isa:
- “…nabuksan ang kalangitan…”
- Bumaba ang Espiritu ng Diyos “na parang kalapati…”
- Nagsalita ang Tinig ng Ama: “Ito ang minamahal Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.”
Hindi kailangang binyagan si Jesus; Siya ay Diyos. Ang Kanyang pagbibinyag ay isang sandali ng paglipat kung kailan itinuro kay Jesus ang mga taong inihanda ni Juan Bautista. Ang pagpapakita ng Espiritu Santo at ang Tinig ng Ama ay malinaw na mga tanda na nagpakilala sa pagka-Diyos ni Jesus. Ang Kanyang pagbibinyag ay isang pagpapahayag kung Sino Siya. Siya ay isang Persona ng Kabanal-banalang Trinidad. Inihanda ni Juan ang mga tao para sa Kanyang ministeryo, at ngayon ay nagsimula na ang panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa.
Maglaan ng panahon upang hayaang mangusap sa iyo ang tagpong ito at sabihin sa iyo na dumating na ang panahon upang higit na magpakilala si Jesus sa iyo. Ang Kanyang hayagang ministeryo (na ilalahad sa mga susunod na pagninilay) ay dapat muling magsimula sa iyong buhay. Pagnilayan ang katotohanang iyon at manalangin upang italaga ang iyong sarili sa lahat ng nais sabihin sa iyo ni Jesus sa mga darating na linggo.
Tampok na Larawan: Pagbibinyag sa Panginoon
Panimula sa mga Pagninilay para sa Karaniwang Panahon
- Pagbibinyag sa Panginoon
- Dalawang Watawat
- Tatlong Uri ng Tao
- Pagtukso
- Pagtawag sa mga Apostol
- Kasal sa Cana
- Paglilinis sa Templo
- Pangaral sa Bundok
- Pagpapahupa sa Bagyo
- Paglakad sa Tubig
- Isinugo ang mga Apostol upang Mangaral
- Pagbabalik-loob ni Maria Magdalena
- Kung Paano Pinakain ni Kristo ang Limang Libo
- Pagbabagong-anyo ni Kristo
- Pagkabuhay na Muli ni Lazaro
- Hapunan sa Betania
- Tatlong Paraan ng Pagpapakumbaba
