Tagalog

Ikalabimpitong Araw – Ang Pagpasok sa Jerusalem


Bersiyong Video

Inilatag ng napakaraming tao ang kanilang mga balabal sa daan, samantalang ang iba naman ay pumutol ng mga sanga mula sa mga puno at inilatag ang mga ito sa daan. Ang mga taong nauuna sa kanya at ang mga sumusunod ay patuloy na sumisigaw: “Hosana sa Anak ni David; pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon; hosana sa kaitaasan.” Mateo 21:8-9

Kayganda ng pagsalubong na iyon, isang linggo lamang ang nakararaan, nang pumasok si Hesus sa Jerusalem. Sinalubong Siya nang may malaking kagalakan at pagpupuri. “Hosanna!” ang kanilang sigaw habang inilalatag nila ang mga palaspas sa Kanyang daraanan. Itinuring nila Siyang isang hari.

Ngunit ngayon ay pinagmamasdan ng ating Mahal na Ina ang kanyang Anak, ang Hari ng mga Hari, na umaakyat sa Kanyang maluwalhating trono upang ipagkaloob ang Kanyang biyaya at awa sa sanlibutan. Hindi ito makamundong pagkahari. Higit na dakila ito. Isa itong Pagkaharing may gayong kapangyarihan at awtoridad na espirituwal na nakahihigit sa lakas na makamundo lamang. Isa itong Pagkaharing nagkakaloob ng kaligtasan mula sa trono ng Krus.

Kapansin-pansin ang pagkakaiba ng Linggo ng Palaspas at Biyernes Santo. Marami ang nalito. Nawalan sila ng pag-asa nang makita nila ang pagbagsak ng buhay ni Hesus mula sa maluwalhating pagsalubong sa Kanya sa Jerusalem hanggang sa pagpasan Niya ng krus palabas ng lungsod ding iyon makalipas lamang ang ilang araw. Ngunit lubhang naiiba ang pananaw ng ating Mahal na Ina at ng ating Panginoon Mismo. Ang Kanilang pagdurusa ay may kahalong sukdulang kagalakan at kapayapaan sa pag-akyat Niya sa Kanyang trono. Kapwa Nila alam na si Hesus ay dadakilain sa buong kawalang-hanggan at ang mga alingawngaw ng “Hosanna!” ay aalingawngaw magpakailanman sa Langit.

Pinag-isa ng kamatayan ni Hesus sa lupa ang Langit at Lupa. Ang Kanyang Krus ay naging permanenteng tulay na nag-uugnay, sa lahat ng dako at panahon, sa Diyos Ama at sa lahat ng Kanyang mga anak sa Lupa. Bagaman masakit ang pagkamatay ni Hesus, tiyak na naghatid sa Kanya ng malaking kaaliwan ang pusong nagdadalamhati ng ating Mahal na Ina habang patuloy itong sumisigaw sa tahimik na pagsamba sa kanyang Anak. Habang nakatitig siya sa Kanya, walang tigil na ipinahahayag ng kanyang Kalinis-linisang Puso, “Anak ko, Ikaw ang Hari ng Lahat, Hosanna sa Iyo, mahal kong Anak! Hosanna sa Iyo, aking Panginoon, aking Anak at aking Hari! Hosanna sa kaitaasan!”

Pagnilayan ngayon ang maluwalhating awit ng papuring ito. “Hosanna sa kaitaasan!” Sambitin ang awit na ito habang kasama ng ating Mahal na Ina mong pinagmamasdan ang krusipiho. Tingnan ang krusipiho bilang Trono ng Biyaya. Tingnan si Hesus bilang Hari ng mga Hari. Tumingin nang may pananampalataya at pag-ibig, at tumagos ang iyong tingin sa kabila ng tabing ng dugo at mga pasa. Masdan ang Hari at luwalhatiin Siya magpakailanman.

Pinakamamahal kong Ina, ang iyong mapagmahal na pagtitig sa iyong Anak ay tumagos sa kabila ng mga pagdurusang tiniis Niya sa lupa at nakita ang kaluwalhatian ng banal na sandaling iyon. Nakita mo ang tunay na diwa ng Kanyang sakripisyo. Iyon ang pinakadakilang gawa ng awa na kailanma’y nakilala. 

Mahal kong Ina, kung paanong tinitigan mo nang may malaking pag-ibig ang iyong magiliw na Anak, anyayahan mo rin akong makibahagi sa pagtitig na iyon. Tulungan mo akong makita ang kaluwalhatian ng Krus sa bawat krus na aking pinapasan. Tulungan mo akong iugnay ang lahat ng pagdurusa sa Krus ng iyong Anak at patuloy na sumigaw, kasama mo, “Hosanna! Hosanna sa kaitaasan!”

Aking Nagdurusang Panginoon, Ikaw ang Dakilang Hari ng Lahat. Ibuhos Mo sa akin at sa buong sanlibutan ang masaganang biyayang nakamit sa pamamagitan ng Iyong Krus. Puspusin Mo ng pag-asa at pananampalataya ang aking puso habang pinagmamasdan Kita. Ilapit Mo ako sa Iyong trono ngayon at magpakailanman.

Inang Maria, ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikalabingwalong Araw – “Ito ang Aking Katawan…Ito ang Aking Dugo”

Talaan ng mga Nilalaman

Mabibili bilang eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: