Tagalog

Ikadalawampu’t Tatlong Araw – Ang Hatol na Kamatayan


Bersiyong Video

Nang makita ni Pilato na wala siyang nagagawa at sa halip ay nagkakagulo na ang mga tao, kumuha siya ng tubig at naghugas ng kanyang mga kamay sa harap ng karamihan, na sinasabi, “Wala akong pananagutan sa dugo ng taong ito. Kayo na ang bahala riyan.” At sumagot ang buong bayan, “Mapasaamin at sa aming mga anak ang kanyang dugo.” Kaya pinalaya niya para sa kanila si Barabas, ngunit matapos niyang ipahagupit si Hesus, ibinigay niya Siya upang ipako sa krus. Mateo 27:24-26

Nagawa na ang pasiya. Ipinahayag ni Pilato na naniniwala siyang walang kasalanan si Hesus, ngunit dahil sa poot at mga pagbabanta ng mga punong saserdote at ng karamihan, iniutos niyang ipako si Hesus sa krus. Ito ang pinakamadaling magagawa ni Pilato upang maiwasan ang isang pag-aalsa. Kumilos si Pilato nang duwag at pagkatapos ay ipinahayag na wala siyang pananagutan sa dugo ni Hesus. Sumigaw ang mga punong saserdote, ang matatanda ng bayan, at ang lahat ng naroroon, “Mapasaamin at sa aming mga anak ang Kanyang dugo.”

Ano kaya ang naisip ng ating Mahal na Ina nang marinig niyang hatulan ni Pilato ng kamatayan ang kanyang Anak? Ano kaya ang naisip niya nang malakas na ipahayag ng mga pinunong panrelihiyon at ng mga nang-uudyok sa karamihan ang kanilang pagsang-ayon? Marahil, habang patuloy niyang pinagninilayan ang mga salitang ito, “Mapasaamin at sa aming mga anak ang Kanyang dugo,” ginawa niyang kanyang pinakamalalim na panalangin ang pahayag na iyon.

Habang nakatayo siya sa harap ng kanyang Anak na nakapako sa Krus at pinagninilayan ang mga salitang ito na binigkas ilang oras lamang ang nakararaan, malamang na napagtanto ng ating Mahal na Ina na ipinahahayag ng mga ito ang pinakamalalim na hangarin ni Hesus. Hinangad Niyang tunay ngang mabuhos ang Kanyang Kamahal-mahalang Dugo sa lahat ng tao, pati sa mga may pananagutan sa Kanyang kamatayan. Tiyak na hinangad Niyang mabalot silang lahat ng Kanyang Kamahal-mahalang Dugo, upang hugasan ang kanilang mga kasalanan at pabanalin sila nang sa gayon ay makapasok sila sa Kanyang walang-hanggang Kaharian. Tiyak na kaisa si Inang Maria sa hangaring ito ng ating Panginoon. Tiyak na pinatawad niya ang kaduwagan ni Pilato at ang kalupitan ng karamihan.

Tinatawag tayong lahat na ibuhos ang ating dugo para sa pagpapabanal ng kapwa. Bagaman si Hesus ang kaisa-isang Tagapagligtas ng Sanlibutan, tinatawag tayong makibahagi sa Kanyang paghahain. Tinatawag tayong iugnay ang ating mga sakripisyo sa araw-araw sa Kanyang iisang walang-hanggang sakripisyo. Upang magawa ito, kailangan nating bitiwan ang lahat ng ating nasaktang kapalaluan, galit, sama ng loob, at paghihiganti. Dapat nating hangaring maihandog ang ating sariling sakripisyo sa araw-araw para sa kabutihan ng lahat, pati ng mga nagkasala sa atin. Kailangan nating talikuran ang paghahangad ng makalupang katarungan at maunawaang ang awa at pagpapatawad ang nagdudulot ng kaganapan ng katarungan ng Diyos.

Pagnilayan ngayon ang ating Mahal na Ina habang pinagbubulay-bulayan niya ang mga salitang ito ng mga tao, “Mapasaamin at sa aming mga anak ang Kanyang dugo.” Alamin na ito ang naging pinakamalalim niyang panalangin sa loob ng tatlong oras ni Hesus sa Krus. Habang pinagninilayan mo si Inang Maria na nananalangin ng mga salitang ito, sikapin mong iugnay sa Krus ni Kristo ang pagmamalupit na dinaranas mo, ang iyong pagdurusa, at ang iyong sakit. Alamin na ang malaya mong pagyakap sa iyong sariling sakripisyo ay maaaring maging isang kumot ng biyaya at awa para sa mga higit na nangangailangan nito.

Mahal kong Ina, sa pamamagitan ng mga pagninilay ng iyong Kalinis-linisang Puso, nagawa mong gawing sarili mong magandang panalangin ang malulupit na salita ng mga umuusig sa iyong Anak. Nakita mong ang dugong ibinuhos ng iyong Anak ang bukal ng biyaya at awa na kailangan ng lahat, kahit hindi nila ito hinahanap.

Mapagmahal kong Ina, ipanalangin mong matularan ko ang iyong mahabaging puso, at ipanalanging masaganang mabuhos ang dugo ng iyong Anak sa lahat ng nangangailangan. 

Aking nagdurusang Panginoon, pagkalooban Mo ako ng biyayang maiugnay ang aking mga pagdurusa sa Iyo at maiugnay ang mga kawalang-katarungang tinitiis ko sa kawalang-katarungan ng pagpapadanak ng Iyong Kamahal-mahalang Dugo. Tulungan Mo akong makita ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Iyong mga mata at mahalin ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Iyong Kamahal-mahalang Puso.

Mahal kong Ina, ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikadalawampu’t Apat na Araw – Ang Pagtitinginan ng Ina at Anak

Talaan ng mga Nilalaman

Mayroon Din sa eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: