Tagalog

Ikadalawampu’t Apat na Araw – Ang Pagtitinginan ng Ina at Anak


Bersiyong Video

Pagnilayan kung paano nakatagpo ng Anak ang Kanyang Ina sa daan patungong Kalbaryo. Nagkatitigan sina Jesus at Maria, at ang kanilang mga tingin ay naging tila napakaraming palaso na sumugat sa mga pusong nagmamahalan nang buong giliw. 

O aking pinakamamahal na Jesus, alang-alang sa sakit na dinanas Mo sa pagtatagpong ito, ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang maging tunay na deboto ng Iyong kabanal-banalang Ina. At ikaw, aking Reyna, na napuspos ng dalamhati, ipagkamit mo para sa akin sa pamamagitan ng iyong mga panalangin ang isang magiliw at namamalaging pag-alaala sa pagpapakasakit ng iyong banal na Anak. Iniibig Kita, Jesus, aking Pag-ibig, nang higit sa lahat ng bagay. Pinagsisisihan ko ang lahat ng pagkakasala ko sa Iyo. Huwag Mong itulot na magkasala pa akong muli sa Iyo. Ipagkaloob Mong mahalin Kita sa tuwina; at pagkatapos ay gawin Mo sa akin ang anumang Iyong naisin. (Ikaapat na Estasyon ng Daan ng Krus, ni San Alfonso Maria de Ligorio)

Paano malilimutan ni Inang Maria ang sandaling ito nang makatagpo niya ang kanyang Anak sa daan patungong Kalbaryo? Habang nakatayo siya sa harap ng Krus ng kanyang Anak, tiyak na paulit-ulit niyang ginugunita sa kanyang isip at puso ang banal na pagtatagpong ito. Habang pinapasan ni Hesus ang Kanyang Krus patungong Kalbaryo, pinagsaluhan nila ang sandaling ito ng pinakamatimyas na pagmamahal na para bang sila ay iisa.

Matapos mabuwal sa unang pagkakataon, bumangon Siya at nagpatuloy sa Kanyang paglalakbay. Sa gitna ng lahat ng sakit at dugo, tumanggap Siya ng panandaliang kaaliwan mula sa mapagmahal na tingin ng Kanyang ina. Nagtama ang kanilang mga mata at nagkaisa ang kanilang mga puso sa dalamhati at kagalakan.

Napuno ng dalamhati ang kanilang Kabanal-banalang Puso at Kalinis-linisang Puso habang nadarama ng bawat isa ang matinding sakit ng isa. Sa pagtingin ni Hesus sa Kanyang minamahal na ina, kaagad Niyang nabatid ang tabak na tumarak sa Kalinis-linisang Puso nito habang pinanonood Siya na pinakikitunguhan nang buong kalupitan. Tumingin ang ating Mahal na Ina kay Hesus at hindi lamang ang Tagapagligtas ng Mundo ang kanyang nakita, kundi pati ang sarili niyang anak na minamahal niya nang buong puso.

Naghalo ang kagalakan at dalamhati sa kanilang mga puso habang kapwa nila nadarama at nararanasan ang matitinding damdaming dulot ng kanilang ugnayan bilang mag-ina. Higit na makapangyarihan ang pag-ibig kaysa pagdurusa, at higit na makapangyarihan ang kaligtasan kaysa kamatayan. Ang kagalakang nadarama nila sa kanilang kalooban, dahil alam nilang inihahatid ni Hesus ang pinakadakilang biyayang nakilala ng mundo, ay pumuspos sa mag-ina sa sandaling ito at nagbigay sa kanilang dalawa ng lakas na kailangan nila upang ganapin ang sakripisyong ito.

Bawat isa sa atin ay may pagkakataon sa buhay na maibsan ang pagdurusa ng kapwa sa pamamagitan ng ating magiliw na pag-aaruga at mapagmahal na tingin. Kapag nakatagpo tayo ng kapwang nangangailangan, may pagkakataon tayong ipahayag ang ating habag. Samantalang ang awa ay tumitingin sa kapwa mula sa pananaw ng isang nakatataas, ang tunay na habag ay nakikibahagi sa pagdurusa ng kapwa nang may tunay na pakikiramay. Ang tunay na habag ay pumapasan sa krus ng kapwa, pumapasok sa kanyang isip at puso, at umaakbay sa kanya sa bawat lubak-lubak na daan.

Pagnilayan ngayon ang maganda ngunit malungkot na tagpong ito ng mapagmahal na pagtitinginan ng mag-ina sa daan patungong Kalbaryo. Pagnilayan din na kapwa ka sinasalubong ng mag-ina sa sarili mong paglalakbay patungo sa Krus. Anuman ang iyong makatagpo, anuman ang iyong tiisin, naroon sila, nakikinig sa iyo, nagmamahal sa iyo at nag-aalay ng kanilang mga puso sa iyo. Sikapin mo ring tularan ang mga puso ni Hesus at ng ating Mahal na Ina sa pakikitungo sa mga nakakasalamuha mo araw-araw. Lumago ka sa habag at malasakit sa lahat ng nagdurusa, at samahan sila habang hakbang-hakbang nilang tinatahak ang sarili nilang via dolorosa (daan ng dalamhati).

Aking Inang Nagdadalamhati, napakarami mo nang tiniis. Ngunit hindi mo palalampasin ang maikling sandaling ito upang maipahayag ang iyong magiliw na pagmamahal sa iyong Anak. Habang tinitingnan mo Siya, ang iyong puso ay naging kaisa ng Kanyang Puso. Nadama mo ang sakit na Kanyang nadarama. Naghatid ka ng isang kagalakang higit sa likas na nagpatibay sa Kanyang pagpapasyang ialay ang Kanyang buhay para sa Kaligtasan ng mundo.

Mahal kong Ina, ipanalangin mo ako upang maging bukas ako sa iyong maka-inang malasakit sa aking buhay. Habang pinapasan ko ang aking krus at tinitiis ang mga pagdurusang dumarating sa akin, mamagitan ka para sa akin at buksan ang aking kaluluwa sa lakas ng iyong Anak na dumadaloy sa iyong sariling magiliw na puso.

Aking nagdurusang Panginoon, habang ipinagpapatuloy Mo ang Iyong paglalakbay patungong Kalbaryo matapos Kang mabuwal sa unang pagkakataon, tiningnan Mo ang Iyong ina nang may lubos na pagmamahal. Hindi ang Iyong sarili ang inaalala Mo, kundi ang Iyong ina at ang lahat ng tatanggap ng biyaya ng Iyong Krus. Nawa ay mapabilang ako, mahal na Panginoon, sa mga laging nagbubukas ng puso sa Iyo at tumatanggap nang lubos sa mga biyayang iniaalok Mo upang makasunod ako sa Iyong mga yapak.

Ina ng Awa, ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikadalawampu’t Limang Araw – Nabuwal si Hesus

Talaan ng mga Nilalaman

Mayroon Din sa eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: