
Kaya dinakip si Hesus ng pangkat ng mga kawal, ng kanilang pinuno, at ng mga bantay ng mga Judio. Iginapos nila Siya at dinala muna kay Anas. Siya ang biyenan ni Caifas, na siyang pinakapunong saserdote nang taong iyon. Juan 18:12-13
Nang dakpin si Hesus, iginapos Siya at dinala sa harap ni Anas na pinakapunong saserdote. Pagkatapos ay ipinadala Siya ni Anas kay Caifas, na nagtanong sa Kanya, humamak sa Kanya, at saka nagpadala sa Kanya kay Pilato. Pagkatapos ay ipinadala ni Pilato si Hesus kay Herodes, na nagtanong sa Kanya, nangutya sa Kanya, at saka nagbalik sa Kanya kay Pilato. Tiniis ni Hesus ang sunud-sunod na pagtatanong.
Matapos tanungin si Hesus, sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito” (Lucas 23:4). Tinanong din ni Herodes si Hesus at natagpuang Siya ay “walang sala,” kaya ibinalik niya si Hesus kay Pilato. Sa ikalawang pagkakataon, nagsalita si Pilato sa punong saserdote at sa mga tao, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito at inakusahan Siyang inuudyukan ang mga tao na maghimagsik. Nagsagawa ako ng pagsisiyasat sa inyong harapan at wala akong nakitang kasalanan sa taong ito kaugnay ng mga paratang ninyo laban sa Kanya. Wala ring nakita si Herodes, sapagkat ibinalik niya Siya sa atin. Kaya wala Siyang nagawang krimeng karapat-dapat sa kamatayan. Kaya ipahahagupit ko Siya at pagkatapos ay palalayain” (Lucas 23:14-16).
Walang sala si Hesus. Iyan ang hatol kapuwa nina Herodes at Pilato, bagaman sa huli ay pumayag si Pilato na patayin si Hesus. Ngunit ang pinakamahalagang espirituwal na punto ay walang sala si Hesus. At ang mismong pagiging walang sala Niya ang dahilan kung bakit naging isang sakripisyo ang Kanyang kamatayan. Kung Siya ay may sala, makatarungan sana ang Kanyang parusa. Ngunit dahil sa Kanyang pagiging walang sala, ang Kanyang parusa ay naging sakripisyong pambayad-sala para sa kaligtasan ng sanlibutan.
Habang nakikinig ang ating Mahal na Ina sa pagsasalita ni Pilato, na naghahayag na walang sala ang kanyang Anak, sasang-ayon siya nang buong puso. Ngunit mauunawaan din niya na ang pagiging walang sala ng kanyang Anak ay hindi hahantong sa paglaya Nito sa daigdig na ito. Sa halip, habang nakikinig siya kay Pilato, mauunawaan niyang mabuti na ang kanyang Anak ay malapit nang maging Korderong walang-sala na ihahain para sa mga kasalanan ng marami. Hindi siya manghahawakan sa makalupang pag-asang mapapalaya Siya mula sa masasamang taong ito. Manghahawakan siya sa pag-asang ang pagdurusa at kamatayan ni Hesus na walang sala ang sa halip ay magpapalaya sa lahat ng tao mula sa kasalanan.
Pagnilayan ngayon ang pagiging walang sala ni Hesus. “Bagaman Siya ay walang kasalanan, kusang-loob Siyang nagdusa para sa mga makasalanan. Bagaman walang sala, tinanggap Niya ang kamatayan upang iligtas ang mga may sala” (Prepasyo para sa Linggo ng Palaspas). Ang pagiging walang sala ng ating Panginoon ang dahilan kung bakit naging ganap na sakripisyo ang Kanyang kamatayan. Naunawaan itong mabuti ng ating Mahal na Ina. Habang pinagninilayan mo ang katotohanang ito, tingnan ang pagiging walang sala ni Hesus sa pamamagitan ng mga mata ng Kanyang Mahal na Ina. Pagnilayan ang kanyang pagkakilala sa dalisay at ganap na Puso ng kanyang Anak. Pagnilayan ang pasasalamat at pag-asa ni Inang Maria habang nakatayo siya sa harap ng Krus, pinagmamasdan ang kanyang Anak na walang-sala na namamatay para sa kaligtasan ng sanlibutan. Kung paanong iniisa niya ang kanyang pusong walang-sala sa Puso ng kanyang Anak, gayundin naman ay dapat mong iisa ang iyong makasalanang puso sa kanilang mga puso, na nagtitiwalang papawiin ng sakripisyo ng Kordero ng Diyos ang lahat ng iyong kasalanan.
Aking minamahal na Ina, taglay ang pagmamahal ng iyong Kalinis-linisang Puso, pinagmasdan mo ang iyong Anak sa Kanyang kawalang-sala. Hindi mo na kailangang marinig ang mga salita ni Pilato upang mapaniwala ka sa katotohanang ito. Higit kaninuman, alam mong Siya ay walang sala. Ngunit alam mo rin na ang pagdurusa Niya nang walang sala ay magiging bukal ng kaligtasan para sa lahat ng pipiling tanggapin ang kaloob na ito.
Aking minamahal na Ina, ako ay may sala at karapat-dapat sa kamatayang di-makatarungang sinapit ng iyong Anak. Nagpapasalamat din ako magpakailanman sa kalayaang ipinagkaloob sa akin mula sa aking mga kasalanan dahil sa ganap na sakripisyo ni Hesus.
Aking Panginoong walang sala, ganap ang Iyong sakripisyo at ang kusang-loob Mong pagtanggap sa Krus ang bukal ng kaligtasan para sa lahat ng tatanggap nito. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang buksan ang aking kaluluwa sa kaloob ng Iyong pag-ibig at, bilang tugon, tularan ang Iyong pagdurusa nang walang sala sa pamamagitan ng pagyakap nang may pananampalataya at pag-asa sa mga krus at kawalang-katarungang dumarating sa paglalakbay ng aking buhay.
Inang Maria, ipanalangin mo ako. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Susunod: Ikadalawampu’t Isang Araw – Ang Paghagupit at Pagkutya
Mayroon Din sa eBook & Paperback!

