Tagalog

Ika-dalawampu’t Isang Araw – Ang Paghagupit at Pangungutya


Bersiyong Video

Pagkatapos ay pinalaya niya si Barrabas para sa kanila, ngunit matapos niyang ipahagupit si Hesus, ibinigay niya Siya upang ipako sa krus. Pagkatapos, dinala ng mga kawal ng gobernador si Hesus sa loob ng pretorio at tinipon ang buong pangkat ng mga kawal sa paligid Niya. Hinubaran nila Siya at binalabalang ng isang matingkad na pulang balabal ng kawal. Naghabi sila ng koronang tinik at ipinutong ito sa Kanyang ulo, at naglagay ng isang tambo sa Kanyang kanang kamay. At habang nakaluhod sa harap Niya, nilibak nila Siya at sinabi, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!” Dinuraan nila Siya, kinuha ang tambo, at paulit-ulit na hinampas ang Kanyang ulo. At nang matapos nila Siyang libakin, inalis nila ang balabal, isinuot sa Kanya ang sarili Niyang damit, at dinala Siya upang ipako sa krus. Mateo 27:26-31

Habang si Hesus ay hinahagupit sa haligi, kinokoronahan ng mga tinik at nililibak ng mga kawal, alam ni Inang Maria, sa kutob ng isang ina, na labis na nagdurusa ang kanyang Anak. Pinagdusahan niya ang bawat hagupit, nadama ang bawat tinik, at narinig ang bawat kasuklam-suklam na salitang isinisigaw sa kanyang pinakamamahal na Anak.

Nang maglaon nang araw na iyon, habang nakatayo siya sa paanan ng Krus, tiyak na napapaurong siya sa pagkakita sa bawat sugat sa laslas-laslas na laman ni Hesus at sa bawat pasa sa Kanyang banal na katawan. Gayunman, hindi niya iniwasang masdan ang kanyang binugbog na Anak sa kanyang maka-inang pagtingin. Kailangan niyang makita ang mga bunga ng kalupitang buong tapang na tiniis ni Hesus. Habang pinagninilayan niya ang koronang tinik na nakapatong sa Kanyang duguang anit, nakita niya ang isang tunay na korona ng biyaya at awa.

Paano nasasaksihan ng isang ina ang gayong kalupitan sa sarili niyang anak nang hindi napupuno ng pagkapoot? Paano siya hindi nalulugmok sa kawalan ng pag-asa at pagkatalo? Simple ang sagot. Ang inang ito, ang Ina ng Diyos, ay nakita at naranasan ang lahat sa pamamagitan ng kanyang Kalinis-linisang Puso. Napakalalim ng pagmamahal niya sa kanyang Anak kaya umapaw ito sa buhay ng mga bumugbog at lumibak sa Kanya. Pag-ibig ang tanging mapipili sa harap ng gayong katinding pagkapoot. Awa lamang ang maiaalay niya habang siya at ang kanyang Anak ay sumasalo sa pagkapoot at karahasan. Ang lahat ng kasamaang iyon ay sinala sa kanyang Kalinis-linisang Puso hanggang sa ito ay madalisay at maibuhos bilang awa.

Sa ating sariling buhay, isa sa pinakamasakit na maaari nating maranasan ay ang panlilibak ng kapwa. Masakit ang pagtawanan, hamakin, libakin at balewalain. “Normal” lamang na gustuhing gumanti. Ngunit dapat nating sikaping tularan ang panatag na pag-ibig sa puso ng ating Mahal na Ina, na hindi kailanman gumaganti ng pagkapoot sa pagkapoot, ng masama sa masama, at ng pananakit sa pananakit.

Pagnilayan ngayon ang mga damdamin, kaisipan at panloob na karanasan ng Ina ng Diyos habang buong sakit niyang sinasaksihan ang paghagupit at panlilibak sa kanyang Anak. Pumasok ka sa agos ng kalinis-linisang pag-ibig na dumaloy mula sa kanyang puso, na pumapawi sa tuksong mapoot. Pagnilayan lalo na ang anumang paraan ng pagmamaltrato ng kapwa na naranasan mo. Alamin mong ang ating Mahal na Ina ay nakatayo rin sa tabi ng krus mong ito, ikaw man ang pinagmalupitan o ikaw mismo ang nagmalupit sa iba, at nakikita niya ang lahat ng iyong nadarama at nararanasan. Nakatayo siya sa iyong tabi taglay ang pagmamahal ng isang ina, at ang pag-ibig sa kanyang puso ay umaapaw sa iyong puso.

Pinakamamahal kong Ina, maiisip ko lamang kung ano ang nadama ng iyong puso habang minamasdan mo ang iyong Anak na sugatan at bugbog. Maiisip ko lamang ang sakit na nadama mo habang sinasamba mo ang bawat hagupit at naririnig ang bawat panlilibak. Ngunit ang pag-ibig sa iyong puso ay nanaig sa bawat tuksong magalit at mawalan ng pag-asa. Ang pagmamahal mo sa iyong Anak ay kalinis-linisan at maluwalhati.

Kalinis-linisang Ina ko, nagpapasalamat ako sa iyo dahil ikaw ay isa ring tapat at mapagmahal na ina sa akin. Sa pagharap ko sa mga krus ng sarili kong buhay, alam kong naroon ka sa aking tabi, nakikita at nadarama ang bawat sugat ko. Salamat sa iyong pagmamahal at malasakit sa akin na iyong anak. Tulungan mo akong maging bukas sa nag-uumapaw na pagmamahal sa iyong puso upang ang pagmamahal na ito ang maging pag-asa at lakas ko.

Hesus kong hinagupit at hinamak, bagaman puno Ka ng mga sugat at napaliligiran ng panunuya, hindi Ka kailanman nagpadala sa pagkapoot. Ang Iyong ganap na pagtanggap sa pagmamalupit na ito ay nagpabago sa kasalanan tungo sa biyaya. Ibuhos Mo sa akin ang biyayang iyon, mahal kong Panginoon. Tulungan Mo akong lumapit sa Iyo sa mga oras ng aking pangangailangan. 

Mahal kong Ina, ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikadalawampu’t Dalawang Araw – “Narito ang Inyong Hari!”

Talaan ng mga Nilalaman

Mayroon Din sa eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: