Biyernes sa Unang Linggo ng Kuwaresma
Ang mga Biyernes sa Kuwaresma ay dapat maging mga araw ng penitensiya. Bakit? Ano ang penitensiya? Ano ang halaga ng penitensiya? Una sa lahat, ang mga Biyernes ay mga araw ng penitensiya sapagkat namatay ang ating Panginoon sa Krus sa araw ng Biyernes. Dapat nating ituring ang bawat Biyernes bilang paggunita sa sakripisyong iyon na naghatid ng kaligtasan. Sa paggawa ng penitensiya tuwing Biyernes, kusang-loob tayong nakikibahagi sa penitensiyang ginawa ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit at kamatayan. Kaya ang bawat Biyernes ay isang araw kung kailan dapat tayong higit na makibahagi sa Krus ni Hesus, kung paanong ang bawat Linggo ay dapat ipagdiwang nang buong kataimtiman habang nagagalak tayo sa Kanyang Muling Pagkabuhay.
Maaaring maging mahiwaga ang penitensiya. Bakit natin ipagkakait sa ating sarili ang mga kasiyahan? Bakit hindi nanaisin ng Diyos na tamasahin natin ang lahat ng maihahandog ng buhay na ito sa bawat araw ng ating buhay? Nilupig na ni Hesus ang kasalanan at kamatayan, kaya maaaring isipin ng isang tao na dapat tayong tumuon lamang sa kagalakan ng Muling Pagkabuhay, sa lahat ng panahon!
Ang suliranin sa ganitong pag-iisip ay maraming ulit na sinabi mismo ni Hesus na kung nais nating muling mabuhay na kasama Niya, kailangan tayong mamatay na kasama Niya. Maililigtas lamang natin ang ating buhay kung mawawala ito alang-alang kay Kristo. Kailangan nating pasanin ang ating krus at sumunod kay Hesus.
Kailangan ang penitensiya sa buhay na ito sapagkat nananatili ang ating kalikasang pantao sa kalagayan ng Kasalanang Orihinal. Dahil dito, hindi madaling iayon sa kalooban ng Diyos ang ating mga pagnanasa, gana, simbuyo ng damdamin, at emosyon. Ang mabubuting katangiang ito ng tao ay maaaring malito, malabis sa pagpapalayaw, at mahulog sa kasalanan. Ang penitensiya ay isang paraan upang matulungang magpasakop sa kalooban ng Diyos ang bawat bahagi ng ating pagkatao sa pamamagitan ng pagdaig sa mga di-maayos na pagkiling na umaakay sa atin sa kasalanan. Tinutulungan ng penitensiya na mamatay ang mga kaguluhang iyon sa ating kalooban upang ang bawat bahagi ng ating pagkatao ay muling mabuhay na kasama ni Kristo, maging katulad ng Kanyang pagkatao, at mapalaya mula sa mga kasalanan at tuksong gumagapos sa atin.
Sa personal na antas, hindi kinailangan ni Hesus na mamuhay sa kalagayan ng penitensiya sa ilang upang supilin ang Kanyang mga gana, pagnanasa, at simbuyo ng damdamin. Ganap na ang Kanyang kaluluwa sa lahat ng bagay, at ang Kanyang nadarama, ninanais, at pinipili ay palaging ang mga kabutihang walang hanggan lamang. Ang pagpili ni Hesus na yakapin ang kalagayan ng penitensiya sa ilang ay hindi para sa Kanyang sarili; ito ay para sa atin. Sa paggawa Niya ng penitensiya sa ilang, sa pagkakait Niya sa Kanyang mga gana at pagnanasang pantao, pinagkalooban Niya ng kapangyarihan ang mga gawa ng penitensiya. Dahil dito, kapag pinipili nating tularan ang penitensiya ni Hesus sa ilang at yakapin ang Kanyang Krus bilang sarili nating krus, tinatanggap natin ang kapangyarihan at biyayang nakatago ngayon sa mga gawa ng penitensiya, na naghihintay na matuklasan at matanggap.
Pagnilayan ang iyong saloobin at paraan ng pagsasagawa ng penitensiya. Bagaman pag-iwas lamang sa pagkain ng karne ang itinatakda ng Simbahan ngayong araw, dapat higit pa rito ang ating penitensiya kung seryoso tayo sa pagnanais na maging higit na katulad ni Kristo. Isipin ang mga paraan upang mamuhay ka nang may higit na pagsasakripisyo ngayon. Gumawa ng mga kongkretong pasiya upang maisakatuparan ito. Sa paggawa mo nito, ialay ang mga ito sa Ama sa Langit, kaisa ng buhay ng penitensiya ni Hesus sa ilang, at asamin ang mga pagpapala ng biyayang matutuklasan mo sa banal na gawaing ito.
Panginoon kong namuhay sa penitensiya, sa paggawa Mo ng penitensiya sa Iyong kalikasang pantao, pinagkalooban Mo ng Iyong biyaya ang mga gawa ng penitensiya. Punuin Mo po ang aking puso ng nag-aalab na pagnanais sa biyayang iyon, gayundin ng pagnanais sa paraan ng pagtanggap sa Iyong biyaya. Bigyan Mo ako ng pagnanais na mamuhay sa penitensiya. Tulungan Mo akong matagpuan Ka na nananahan sa mga gawaing iyon ng pag-ibig, upang mapalakas ako sa pagdaig sa mga kaguluhan sa aking kalooban at mga tuksong dinaranas ko araw-araw. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Tingnan din: Ikasiyam na Pagninilay โ 40 Araw sa Paanan ng Krus
