Tagalog

Panalangin para sa Adbiyento

I-click dito para sa bersiyon para sa mga bata

Bartolomé Esteban Murillo, Nasa pampublikong dominyo, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons

Panginoon kong Hesus na nakakubli, minamahal Kita at taos-pusong pinasasalamatan sa pakikiisa Mo sa sangkatauhang nahulog sa kasalanan. Nang una Kang pumasok sa mundong ito, nanatili Kang nakakubli sa loob ng siyam na buwan sa kalinis-linisang sinapupunan ng Iyong Mahal na Ina. Dinala Ka niya, ang Iyong katawan at dugo, kaluluwa at pagka-Diyos, sa loob ng santuwaryo ng kanyang katawan. Dinala Ka rin niya sa kanyang puso bunga ng kanyang ganap na pagmamahal sa Iyo at ganap na pagsunod sa kalooban ng Ama.

Minamahal na Panginoon, sa pagtanggap ko sa Panahong ito ng Adbiyento, buksan Mo po ang aking mga mata upang makita ang dakilang halaga at pagpapala ng Iyong Pagkakatawang-tao. Tulungan Mo akong matuklasan ang Iyong nakakubling presensiya sa mundong ito at sa kaibuturan ng sarili kong kaluluwa. Nais kong makita, maunawaan at maranasan ang malalim na mga epekto ng Iyong Pagkakatawang-tao sa aking buhay, at nais kong tanggapin nang higit na lubos ang mga epektong iyon ngayong Adbiyento. Nawa’y maging santuwaryo ako na Iyong pananahanan upang, tulad ng Iyong minamahal na Ina, maihatid ko ang Iyong presensiya sa mundo.
 
Mapagmahal kong Hesus, pinipili Kita ngayong Adbiyento bilang aking Hari at aking Diyos. Ipinauubaya ko ang aking sarili sa Iyo at sinisikap kong ilagak ang buong tiwala ko sa Iyong mapagkalingang pangangalaga. Ilapit Mo ako sa Iyo at palayain sa aking kasalanan upang mahalin Kita nang may dalisay at banal na puso.
 
Inang Maria, habang dinadala mo ang iyong minamahal na Anak sa iyong kalinis-linisang sinapupunan, dinadala mo rin Siya sa iyong puso. Ipanalangin mo ako ngayong Adbiyento upang, sa pagtulad sa iyo, maipagkaloob ko ang aking sarili sa kalooban ng Ama. Sinabi mong “Oo” sa lahat ng hiningi sa iyo ng Diyos at hindi ka kailanman nag-atubiling ganap na tanggapin ang Kanyang banal na kalooban. Ipanalangin mong matularan ko ang iyong ganap na halimbawa upang magkaroon ako ng mas malalim na pakikipagkaisa sa iyo at sa iyong banal na Anak.
 
Halina, Panginoong Hesus,
Halina, Panginoong Hesus,
Halina, Panginoong Hesus!

Amen.

Karagdagang mga Panalangin & Pagninilay para sa Adbiyento

Ibahagi ang Pahinang Ito: