
O Maria, Birheng makapangyarihan sa lahat at Ina ng awa, Reyna ng Langit at Kanlungan ng mga makasalanan, itinatalaga namin ang aming sarili sa iyong Kalinis-linisang Puso.
Itinatalaga namin sa iyo ang aming buong pagkatao at buong buhay; ang lahat ng aming taglay, ang lahat ng aming minamahal, at ang lahat ng kung ano kami. Sa iyo namin iniaalay ang aming mga katawan, mga puso at mga kaluluwa; sa iyo namin iniaalay ang aming mga tahanan, mga pamilya at bayan.
Hangad naming ang lahat ng nasa aming kalooban at nasa aming paligid ay mapasaiyo, at makabahagi sa mga biyaya ng iyong pagpapalang maka-ina. At upang ang pagtatalagang ito ay maging tunay na mabisa at pangmatagalan, sinasariwa namin sa araw na ito, sa iyong paanan, ang mga pangako ng aming Binyag at ng aming unang Banal na Komunyon.
Nangangako kaming buong tapang at sa lahat ng panahon ay ipahayag ang mga katotohanan ng aming banal na Pananampalataya, at mamuhay nang naaayon sa mga Katolikong nararapat na tumatalima sa lahat ng tagubilin ng Santo Papa at ng mga Obispong kaisa niya.
Nangangako kaming sundin ang mga utos ng Diyos at ng Kanyang Simbahan, lalo na ang pagpapanatiling banal sa Araw ng Panginoon.
Nangangako rin kaming gawing mahalagang bahagi ng aming buhay ang mga gawaing nagbibigay-aliw ng relihiyong Kristiyano, at higit sa lahat, ang Banal na Komunyon, hangga’t makakaya namin.
Sa wakas, nangangako kami sa iyo, O maluwalhating Ina ng Diyos at mapagmahal na Ina ng sangkatauhan, na buong-pusong iukol ang aming sarili sa paglilingkod sa banal na debosyon sa iyo, upang mapabilis at matiyak, sa pamamagitan ng paghahari ng iyong Kalinis-linisang Puso, ang pagdating ng kaharian ng Kamahal-mahalang Puso ng iyong Anak na karapat-dapat sambahin, sa aming mga puso at sa mga puso ng lahat ng tao, sa aming bayan at sa buong daigdig, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.
Amen.