Tagalog

15 Panalangin ni Santa Brigida ng Suwesya

Ang Labinlimang Panalangin ni Santa Brigida sa Ating Nagdurusang Panginoong Hesukristo

Matagal nang nais malaman ni Santa Brigida ang bilang ng mga sugat na tinamo ng Ating Panginoon sa Kanyang Pagpapakasakit. Isang araw, nagpakita Siya sa kanya at sinabi, “Tumanggap Ako ng 5,480 hampas sa Aking Katawan. Kung nais mong parangalan ang mga ito sa anumang paraan, magdasal ka ng 15 Ama Namin at 15 Aba Ginoong Maria kasama ng mga sumusunod na Panalangin sa loob ng isang buong taon. Sa pagtatapos ng taon, mapararangalan mo na ang bawat isa sa Aking mga Sugat.”

Isa – Dalawa – Tatlo – Apat – Lima – Anim – Pito – Walo – Siyam – Sampu – Labing-isa – Labindalawa – Labintatlo – Labing-apat – Labinlima


Unang Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesukristo! Walang Hanggang Katamisan para sa mga umiibig sa Inyo, galak na higit sa lahat ng galak at lahat ng pagnanais, Kaligtasan at Pag-asa ng lahat ng makasalanan, Kayo na nagpatunay na wala Kayong higit na hangarin kundi ang makapiling ang mga tao, anupa’t nagtaglay pa Kayo ng kalikasang pantao nang sumapit ang kaganapan ng panahon dahil sa pag-ibig sa kanila, alalahanin Ninyo ang lahat ng pagdurusang Inyong tiniis mula sa sandali ng paglilihi sa Inyo, at lalo na sa Inyong Pagpapakasakit, ayon sa itinakda at iniutos mula pa sa kawalang-hanggan sa plano ng Diyos.

Alalahanin Ninyo, O Panginoon, na sa Huling Hapunan kasama ng Inyong mga alagad, matapos Ninyong hugasan ang kanilang mga paa, ibinigay Ninyo sa kanila ang Inyong Kamahal-mahalang Katawan at Dugo, at habang magiliw Ninyo silang inaaliw, ipinahayag din Ninyo sa kanila ang Inyong nalalapit na Pagpapakasakit.

Alalahanin Ninyo ang kalungkutan at kapaitang naranasan ng Inyong Kaluluwa, gaya ng Inyong mismong pinatotohanan nang sabihin Ninyo: “Labis ang kalungkutan ng Aking Kaluluwa, halos ikamatay Ko.”

Alalahanin Ninyo ang lahat ng takot, hapis at sakit na tiniis ng Inyong maselang Katawan bago ang pagpapahirap ng pagpapako sa krus, nang, matapos Kayong manalangin nang tatlong ulit at maligo sa pawis na dugo, Kayo ay ipinagkanulo ni Judas na Inyong alagad, dinakip ng mga mamamayan ng isang bansang Inyong pinili at itinaas, pinaratangan ng mga bulaang saksi, at hinatulan nang di-makatarungan ng tatlong hukom sa kasibulan ng Inyong kabataan at sa banal na panahon ng Paskuwa.

Alalahanin Ninyo na hinubaran Kayo ng Inyong mga kasuotan at dinamitan ng mga kasuotang panlibak; na tinakpan ang Inyong Mukha at mga Mata, na pinagsusuntok Kayo, pinutungan ng mga tinik, nilagyan ng isang tambo ang Inyong mga Kamay, na nilaspag Kayo sa mga hampas at pinaulanan ng mga paghamak at kalapastanganan.

Bilang pag-alaala sa lahat ng sakit at pagdurusang ito na Inyong tiniis bago ang Inyong Pagpapakasakit sa Krus, ipagkaloob Ninyo sa akin bago ako mamatay ang tunay na pagsisisi, isang tapat at ganap na pangungumpisal, karapat-dapat na pagbabayad-puri at kapatawaran ng lahat ng aking mga kasalanan. Amen.


Ikalawang Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Tunay na kalayaan ng mga anghel, Paraiso ng mga kaluguran, alalahanin Ninyo ang sindak at kalungkutang Inyong tiniis nang palibutan Kayo ng Inyong mga kaaway na tulad ng mababangis na leon, at pahirapan Kayo ayon sa kanilang maibigan sa pamamagitan ng libu-libong pag-insulto, pagdura, paghampas, paglaslas at iba pang di-pa-naririnig na kalupitan. Alang-alang sa mga pagpapahirap at mapang-insultong salitang ito, isinasamo ko sa Inyo, O aking Tagapagligtas, na iligtas Ninyo ako sa lahat ng aking mga kaaway, nakikita at di-nakikita, at dalhin ako, sa ilalim ng Inyong pagkupkop, sa kaganapan ng walang hanggang kaligtasan. Amen.


Ikatlong Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Maylikha ng Langit at lupa na hindi kayang saklawin o limitahan ng anuman, Kayo na yumayakap at humahawak sa lahat sa ilalim ng Inyong kapangyarihang mapagmahal, alalahanin Ninyo ang napakapait na sakit na Inyong tiniis nang ipako ng mga Hudyo sa Krus ang Inyong mga Banal na Kamay at Paa sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagpukpok sa malalaki at mapupurol na pako, at dahil hindi pa sapat ang Inyong kahabag-habag na kalagayan upang mapawi ang kanilang poot, pinalaki nila ang Inyong mga Sugat, dinagdagan pa ang Inyong sakit, at sa di-mailarawang kalupitan ay binanat ang Inyong Katawan sa Krus at hinila Kayo sa lahat ng panig, anupa’t nalinsad ang Inyong mga biyas.

Isinasamo ko sa Inyo, O Hesus, alang-alang sa alaala ng pagdurusang ito sa Krus na puspos ng Pag-ibig, na ipagkaloob Ninyo sa akin ang biyayang magkaroon ng banal na takot sa Inyo at Ibigin Kayo. Amen.


Ikaapat na Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Makalangit na Manggagamot, na itinaas sa Krus upang pagalingin ang aming mga sugat sa pamamagitan ng Iyong mga sugat, alalahanin Mo ang mga pasang Iyong tiniis at ang panghihina ng lahat ng bahagi ng Iyong Katawan na lubhang nabatak anupa’t wala pang sakit na maihahambing sa Iyo. Mula sa tuktok ng Iyong Ulo hanggang sa mga talampakan ng Iyong mga Paa, walang bahagi ng Iyong Katawan na hindi nagdurusa. Gayunman, kinalilimutan ang lahat ng Iyong paghihirap, hindi Ka tumigil sa pananalangin sa Iyong Amang nasa Langit para sa Iyong mga kaaway, na sinasabi: “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Sa pamamagitan ng dakilang Awang ito, at sa pag-alaala sa pagdurusang ito, ipagkaloob Mo na ang paggunita sa Iyong Napakapait na Pasyon ay magbunga sa amin ng ganap na pagsisisi at ng kapatawaran ng lahat ng aming kasalanan. Amen.


Ikalimang Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Salamin ng walang-hanggang karilagan, alalahanin Mo ang kalungkutang Iyong nadama nang, sa pagninilay sa liwanag ng Iyong pagka-Diyos sa pagtatalaga nang patiuna sa mga maliligtas sa pamamagitan ng mga merito ng Iyong Banal na Pasyon, nakita Mo rin ang napakaraming itinakwil na mapapahamak dahil sa kanilang mga kasalanan, at buong pait Mong ipinagdalamhati ang mga kaawa-awang makasalanang iyon na nawala nang walang pag-asa.

Sa pamamagitan ng walang-hanggang lalim ng Iyong habag at awa, at lalo na ng kabutihang ipinakita Mo sa mabuting magnanakaw nang sabihin Mo sa kanya: “Sa araw na ito, makakasama kita sa Paraiso,” nagsusumamo ako sa Iyo, O Matamis na Hesus, na sa oras ng aking kamatayan ay kaawaan Mo ako. Amen.


Ikaanim na Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Minamahal at pinakaaasam-asam na Hari, alalahanin Mo ang dalamhating Iyong tiniis nang, hubad at tulad ng isang karaniwang salarin, ipinako Ka at itinaas sa Krus, nang iwan Ka ng lahat ng Iyong kamag-anak at kaibigan, maliban sa Iyong Minamahal na Ina, na nanatiling malapit sa Iyo sa panahon ng Iyong paghihingalo at siyang ipinagkatiwala Mo sa Iyong tapat na alagad nang sabihin Mo kay Maria: “Babae, narito ang iyong anak!” at kay San Juan: “Anak, narito ang iyong Ina!”

Nagsusumamo ako sa Iyo, O aking Tagapagligtas, alang-alang sa tabak ng dalamhati na tumagos sa kaluluwa ng Iyong banal na Ina, na kahabagan Mo ako sa lahat ng aking kapighatian at paghihirap, kapwa sa katawan at sa kaluluwa, at tulungan Mo ako sa lahat ng aking pagsubok, lalo na sa oras ng aking kamatayan. Amen.


Ikapitong Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Di-nauubos na Bukal ng habag, na sa isang malalim na pagpapahayag ng Pag-ibig ay nagsabi mula sa Krus: “Nauuhaw Ako!” at nagdusa dahil sa pagkauhaw sa kaligtasan ng sangkatauhan. Nagsusumamo ako sa Iyo, O aking Tagapagligtas, na pag-alabin Mo sa aming mga puso ang pagnanais na magsikap tungo sa kaganapan sa lahat ng aming ginagawa; at pawiin Mo sa amin ang masasamang pita ng laman at ang alab ng mga makamundong hangarin. Amen.


Ikawalong Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Katamisan ng mga puso, kaluguran ng espiritu, alang-alang sa pait ng suka at apdong Iyong natikman sa Krus dahil sa Pag-ibig Mo sa amin, ipagkaloob Mo sa amin ang biyayang tanggapin nang karapat-dapat ang Iyong Mahal na Katawan at Dugo habang kami ay nabubuhay at sa oras ng aming kamatayan, upang ang mga ito ay maging lunas at kaaliwan ng aming mga kaluluwa. Amen.


Ikasiyam na Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Maharlikang kabutihan, kagalakan ng isipan, alalahanin Mo ang sakit na Iyong tiniis nang malubog Ka sa karagatan ng kapaitan habang papalapit ang kamatayan, nilalait at inaalipusta ng mga Judio, at sumigaw Ka nang malakas na Ikaw ay pinabayaan ng Iyong Ama, na sinasabi: “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”

Alang-alang sa dalamhating ito, nagsusumamo ako sa Iyo, O aking Tagapagligtas, na huwag Mo akong pabayaan sa mga sindak at sakit ng aking kamatayan. Amen.


Ikasampung Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Ikaw na simula at wakas ng lahat ng bagay, buhay at kabutihan, alalahanin Mo na alang-alang sa amin ay inilubog Ka sa walang-hanggang lalim ng pagdurusa mula sa mga talampakan ng Iyong mga Paa hanggang sa tuktok ng Iyong Ulo. Alang-alang sa tindi ng Iyong mga Sugat, turuan Mo akong sundin, nang may dalisay na pag-ibig, ang Iyong mga Utos, na ang landas ay maluwang at madali para sa mga umiibig sa Iyo. Amen.


Ikalabing-isang Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Di-matarok na kalaliman ng awa, nagsusumamo ako sa Iyo, bilang pag-alaala sa Iyong mga Sugat na tumagos hanggang sa kaibuturan ng Iyong mga Buto at sa kailaliman ng Iyong Pagkatao: ilayo Mo sa kasalanan akong isang abang makasalanan na nabibigatan sa aking mga pagkakasala. Ikubli Mo ako mula sa Iyong Mukhang makatarungang nagagalit sa akin; ikubli Mo ako sa Iyong mga Sugat hanggang sa humupa ang Iyong galit at makatarungang poot. Amen.


Ikalabindalawang Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Salamin ng Katotohanan, sagisag ng pagkakaisa, buklod ng Pag-ibig, alalahanin Mo ang napakaraming sugat na tumakip sa Iyo mula ulo hanggang paa, na lumapnos at namula sa pagbuhos ng Iyong karapat-dapat sambahing Dugo. O matindi at lubos na Sakit na Iyong tiniis sa Iyong malinis na Laman dahil sa Pag-ibig Mo sa amin! Katamis-tamisang Hesus! Ano pa ang maaari Mong gawin para sa amin na hindi Mo nagawa! Mapanibago nawa sa aking kaluluwa ang bunga ng Iyong mga pagdurusa sa pamamagitan ng tapat na pag-alaala sa Iyong Pasyon, at lumago nawa sa aking puso ang Iyong Pag-ibig sa bawat araw, hanggang sa makita Kita sa kawalang-hanggan, Ikaw na bukal ng bawat tunay na kabutihan at bawat kagalakan, na isinasamo kong ipagkaloob Mo sa akin, O Katamis-tamisang Hesus, sa Langit. Amen.


Ikalabintatlong Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Makapangyarihang Leon, Haring Walang Kamatayan at Di-magagapi, alalahanin Mo ang sakit na Iyong tiniis nang lubusang maubos ang lahat ng Iyong lakas, kapwa sa loob at sa katawan, at Iyong iniyuko ang Iyong Ulo, na sinasabi: “Naganap na!”

Dahil sa dalamhati at pagdurusang ito, nagsusumamo ako sa Iyo, Panginoong Hesus, na kaawaan Mo ako sa oras ng aking kamatayan, kapag lubhang nababagabag ang aking isip at nagdurusa ang aking kaluluwa. Amen.


Ikalabing-apat na Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Bugtong na Anak ng Ama, Ningning at larawan ng Kanyang kalikasan, alalahanin Mo ang payak at mapagpakumbabang pagtatagubilin Mo ng Iyong Kaluluwa sa Iyong Amang Walang Hanggan, na sinasabi: “Ama, sa Iyong mga Kamay ay ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu!” At habang tadtad ng sugat ang Iyong Katawan, at wasak ang Iyong Puso, at bukás ang kaibuturan ng Iyong Awa upang tubusin kami, nalagot ang Iyong Hininga. Dahil sa Mahalagang Kamatayang ito, nagsusumamo ako sa Iyo, O Hari ng mga Banal, na aliwin Mo ako at tulungang labanan ang diyablo, ang laman at ang sanlibutan, upang, patay sa sanlibutan, mabuhay ako para sa Iyo lamang. Nagsusumamo ako sa Iyo na sa oras ng aking kamatayan ay tanggapin Mo ako, isang manlalakbay at isang ipinatapon na nagbabalik sa Iyo. Amen.


Ikalabinlimang Panalangin

Ama Namin – Aba Ginoong Maria

O Hesus! Tunay at mabungang Puno ng Ubas! Alalahanin Mo ang saganang pagbuhos ng Dugo na buong-kagandahang-loob Mong ibinuhos mula sa Iyong Banal na Katawan, tulad ng katas ng mga ubas sa pisaan.

Mula sa Iyong Tagiliran, na tinusok ng sibat ng isang kawal, ay dumaloy ang dugo at tubig hanggang sa wala nang natirang kahit isang patak sa Iyong Katawan. At sa huli, tulad ng isang bungkos ng mira na itinaas sa tugatog ng Krus, ang Iyong maselang Laman ay nawasak, ang mismong laman ng Iyong Katawan ay natuyo, at ang Utak ng Iyong mga Buto ay natuyot.

Dahil sa mapait na Pasyong ito at sa pagbuhos ng Iyong Kabanal-banalang Dugo, nagsusumamo ako sa Iyo, O Matamis na Hesus, na tanggapin Mo ang aking kaluluwa kapag ako ay naghihingalo. Amen.


Pangwakas na Panalangin

O Matamis na Hesus! Tagusin Mo ang aking puso upang ang aking mga luha ng pagsisisi at pag-ibig ay maging aking pagkain araw at gabi; lubusan nawa akong magbalik-loob sa Iyo, maging tahanan Mo nawa magpakailanman ang aking puso, maging kalugud-lugod nawa sa Iyo ang aking pananalita, at maging kapuri-puri nawa ang wakas ng aking buhay upang maging marapat ako sa Langit at doon, kasama ng Iyong mga banal, ay purihin Ka magpakailanman.

Amen.


Tampok na larawan: Carlston Marcks, CC BY-SA 4.0, mula sa Wikimedia Commons

Ibahagi ang Pahinang Ito: