Tagalog

Ikatatlumpu’t Walong Araw – Ang Sibat ng Kawal


Bersiyong Video

Kaya lumapit ang mga kawal at binali ang mga binti ng una at pagkatapos ay ng isa pang ipinakong kasama ni Jesus. Ngunit nang lumapit sila kay Jesus at makitang patay na Siya, hindi na nila binali ang Kanyang mga binti. Sa halip, sinaksak ng isang kawal ng sibat ang Kanyang tagiliran, at kaagad na umagos ang dugo at tubig. Juan 19:32-34

Habang nakatayo ang ating Mahal na Ina at nakatitig sa katawan ng kanyang Anak, nakita niyang binali ng mga kawal ang mga binti ng mga salaring nasa kanan at kaliwa Niya. Maaaring naisip niya kung ano ang gagawin nila kay Jesus. Habang nakamasid siya, nakita niyang itinarak ng isa sa mga kawal ang isang sibat sa Puso Niya. Tiyak na nadama niya ang matinding kirot ng pagkakasaksak na iyon habang nakikita niyang nagpapatuloy ang kalupitan. Ngunit ang sumunod na pangyayari ay isang tanda ng masaganang awa ng Diyos. Kaagad na umagos ang dugo at tubig mula sa sugatang Puso ni Jesus. Nang makita ito, tiyak na kaagad na pinagnilayan ng ating Mahal na Ina ang kahulugan nito.

Bakit bumulwak ang dugo at tubig mula sa sugatang Puso ni Jesus habang nakabayubay Siyang patay sa Krus? Ang dugo at tubig ay mga sagisag ng buhay-sakramental ng Simbahan. Kahit sa kamatayan, nang muling lapastanganin ng isang kawal ang katawan ni Jesus, ginawa Niyang biyaya ang paglapastangang iyon. Nang saksakin ang Kanyang Puso, binuksan Niya ang mga pintuan ng Langit at ibinuhos ang masaganang awa sa pamamagitan ng mga sakramento. Ang dugo ay ang pagbuhos ng biyaya ng Kabanal-banalang Eukaristiya, at ang tubig ay ang pagbuhos ng biyaya ng Binyag.

Habang nakamasid ang ating Mahal na Ina nang may pagmamahal at matinding dalamhati, maaaring hindi niya lubos na naunawaan na ito ang simula ng buhay-sakramental ng Simbahan ayon sa pagkaunawa natin dito ngayon. Sa pananampalataya, tiyak na batid niyang nasasaksihan niya ang pagsisimula ng bagong buhay sa biyaya na nakamit ng kanyang Anak. Tiyak na batid niyang ang huling gawang ito ng kalupitan ay nababago sa harap mismo ng kanyang mga mata at nagiging masaganang mga pagpapala mula sa Langit.

Ano ang inihahayag sa iyo ng iyong pananampalataya tungkol sa mga Sakramento? Nauunawaan mo bang ang mga Sakramento ay mga daluyan ng masaganang awa ng Diyos? Batid mo bang ang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan, na nakamit ni Jesus sa Krus, ay dumadaloy sa iyo sa pamamagitan ng pitong daluyang ito ng awa? Nauunawaan mo ba ang kaugnayan ng pagkakasaksak na ito sa Puso ni Jesus sa Krus at ng buhay-sakramental ng Simbahan?

Pagnilayan mo ngayon ang pambihirang biyaya ng mga Sakramento. Habang kasama ng ating Mahal na Ina ay pinagninilayan mo ang dugo at tubig na bumubulwak mula sa tagiliran ni Jesus, sikapin mong makita ang pangyayaring ito sa pinakamalalim nitong katotohanan. Masdan ang biyaya ng Binyag, ng Banal na Eukaristiya, at ng lahat ng Sakramento sa sandali ng kanilang pagsilang. Pagnilayan ito: nakatayo ka sa harap ng Krus ng ating Panginoon; naliligo ka sa Kanyang awa; nakikita mo ang pag-agos mula sa Kanyang sugatang Puso; tinatanggap mo ang lahat ng ito. Nang marinig mo, lumapit ka. Nang lumapit ka, nakita mo. Nang makita mo, hinipo mo. At nang humipo ka, sumampalataya ka. Mula sa Kanyang sugatang Puso ay bumuhos ang mga Sakramento, at inaanyayahan kang makibahagi sa piging ng biyaya.

Pinakamamahal kong Inang Maria, habang nakatayo ka at buong pagmamahal na nakatitig sa walang-buhay na katawan ng iyong minamahal na Anak, nakita mong binuksan ng kawal ang Kanyang Puso sa pamamagitan ng isang sibat. Bagaman nagdulot ito ng napakatinding sakit sa iyong sariling puso, pinuspos ka rin nito ng saganang pag-asa. Ang pag-asang pumuspos sa iyong puso ay nagmula sa pagkaalam na ang huling gawang ito ng kalupitan sa iyong Anak ay nagbukas sa biyaya ng Langit at nagbuhos ng masaganang awa.

Mahal kong Ina, ipanalangin mo akong patuloy kong mabuksan ang aking sariling puso sa awang ibinuhos mula sa Puso ng iyong minamahal na Anak. Nawa’y maging bukas ako lalo na sa biyayang masaganang ipinagkakaloob sa pamamagitan ng mga Sakramento. 

Maawain kong Hesus, kahit sa kamatayan ay nilapastangan Ka nang saksakin ng sibat ng kawal ang Iyong Puso. Nagpapasalamat ako sa Iyo sa mahimalang pagbabagong-anyo ng gawang iyon upang maging bukal ng buhay-sakramental sa loob ng Iyong Simbahan. Dalangin ko na lagi kong mailubog ang aking sarili sa awang bumulwak mula sa Iyong banal na Puso. Nawa ang bawat patak ng dugo at tubig na umagos mula sa Iyong Puso ay pumatak sa aking sariling kaluluwa. 

Inang Maria, ipanalangin mo ako. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikatatlumpu’t Siyam na Araw – Ang Pietà

Talaan ng mga Nilalaman

Mahal na Araw


Mayroon Din sa eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: