Tagalog

Ikalimang Araw – Ganap na Pagsuko


Bersiyong Video

“Narito, ako ang lingkod ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita.” Lucas 1:38a

“Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kalis na ito; gayunman, hindi ang kalooban ko kundi ang sa iyo ang masunod.” Lucas 22:42

Laging nagsabi ng “Oo” ang ating Mahal na Ina. Ang “Oo” na ito ang kanyang fiat ng ganap na pag-ibig. Sa Pagpapahayag ng Magandang Balita, inihayag sa kanya ng Arkanghel Gabriel ang simula ng buhay ng Tagapagligtas ng Sanlibutan. Inihayag ng Arkanghel na siya ang magiging ina Niya at Siya ang magiging Anak niya. Nagtanong ang ating Mahal na Ina nang may bukas na kalooban at nagpasakop nang walang pasubali.

Umalingawngaw ang fiat ni Inang Maria sa buong buhay niya. Bagaman naharap siya sa dakilang misteryo ng Pagkakatawang-tao, nagpasakop siya sa kalooban ng Diyos nang may malaya at ganap na pagsang-ayon. Dahil dito, naging isa sa atin ang Diyos, nagkatawang-tao sa kanyang kalinis-linisang sinapupunan.

Bagaman ang kanyang Anak ay Diyos at ganap sa lahat ng bagay, pinili Niyang tularan ang kanyang ganap na fiat habang naghihirap Siya sa Halamanan ng Getsemani. Nang gabing iyon, ilang oras lamang bago ang malupit na Pagpapako sa Kanya sa Krus, lumuhod Siya at dumaing, “Ama, kung loloobin Mo, ilayo Mo sa Akin ang kalis na ito; gayunman, hindi ang kalooban Ko kundi ang Iyo ang masunod.” Ang Kanyang panalangin ay ganap na pagsuko sa kalooban ng Ama sa Langit. Ngunit higit pa roon ang panalanging iyon. Lalo rin Siyang pinag-isa nito sa Kanyang minamahal na ina. Ang panalanging ito sa halamanan ay umalingawngaw sa fiat ni Maria sa Ama noong Pagpapahayag ng Magandang Balita. Kung paanong nagsabi ng “Oo” ang Kanyang ina sa kalooban ng Diyos, gayon din ang Kanyang Anak noong gabi bago Siya namatay.

Habang nakatayo ang ating Mahal na Ina sa paanan ng Krus, tiyak na pinagnilayan niya ang pagkakaisa ng kanyang fiat at ng fiat ng kanyang Anak. Tiyak na nakita niyang ang sandaling ito ang kaganapan ng kanilang magkaisang pagsuko sa kalooban ng Ama.

Pagnilayan mo ngayon ang sarili mong pagsuko sa Diyos. Sabihin mo kasama ni Hesus at ng ating Mahal na Ina, “Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita.” At, “Hindi ang kalooban ko kundi ang Iyo ang masunod.” Dasalin mo ang mga panalanging ito at alalahaning nagsasabi ka ng “Oo” sa Krus. Sa pagpasok mo sa dakilang misteryong ito ng ating pananampalataya, iniaalay mo ang iyong buhay kaisa ng Anak at ng Kanyang ina. Huwag kang mag-atubili. Ihandog mo nang malaya ang iyong sarili at bibiyayaan kang mapasa paanan ng Krus, nakatitig sa ating Panginoon kasama ng ating Mahal na Ina.

Pinakamamahal na Ina, habang nakatayo ka sa paanan ng Krus at ginugunita ang iyong ganap na “Oo” sa kalooban ng Ama, agad mong naunawaan ang tunay na kahulugan ng “Oo” na iyon. Nangahulugan iyon ng ganap na sakripisyo, pagsuko at pagkamatay sa lahat ng bagay sa mundong ito. Nangahulugan iyon na sumampalataya ka sa kalooban ng Ama nang higit sa lahat ng makalupang kabutihan. Nangahulugan iyon na pinili mong magtiwala nang gayon kalalim na tanging biyaya ng Diyos lamang ang makapagpapangyari.

Ilapit mo ako, mahal na Ina, sa iyong ganap na fiat. Tulungan mo akong sambitin ang mga salitang iyon kasama mo habang hinaharap ko ang mga misteryo, paghihirap, krus at pagdurusa sa aking buhay. Ipagkaloob mo sa akin ang pananaw ng iyong pananampalataya upang magkaroon ako ng pag-asa at pagtitiwala sa lahat ng bagay.

Minamahal kong Panginoon, pinipili kong isabuhay ang Iyong ganap na pagsuko at gawin itong sarili kong pagsuko. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang maging kaisa Mo, kung paanong kaisa Ka ng Ama sa Langit at kaisa ng Iyong mahal na ina. Iniibig Kita, Panginoon ko, at ibinibigay ko sa Iyo ang aking sarili nang walang pasubali. Mangyari nawa sa akin ayon sa Iyong kabanal-banalang kalooban. 

Inang Maria, ipanalangin mo kami. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikaanim na Araw – Paggunita sa Isang Paglukso sa Galak

Talaan ng mga Nilalaman

Mabibili bilang eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: