Tagalog

Ikadalawampu’t Siyam na Araw – Itinaas si Hesus sa Krus


Bersiyong Video

“Ngayon ang panahon ng paghatol sa sanlibutang ito; ngayon ay palalayasin ang pinuno ng sanlibutang ito. At kapag itinaas na Ako mula sa lupa, ilalapit Ko sa Akin ang lahat.” Sinabi Niya ito upang ipahiwatig kung anong uri ng kamatayan ang Kanyang daranasin. Juan 12:31-32

Natupad ang propesiya ni Jesus. Itinaas Siya sa Krus upang makita ng lahat. Kabilang sa mga nakasaksi sa kakila-kilabot na tanawing ito ang Kanyang sariling mahal na ina.

Narinig ni Inang Maria ang propesiyang ito na sinabi ni Jesus noong panahon ng Kanyang hayagang ministeryo. Pinagnilayan niya ang Kanyang mga salita sa paglipas ng mga taon, gaya ng pagninilay niya sa mga salitang sinabi ni Simeon nang iharap nila ni San Jose si Jesus sa templo, “At ikaw mismo ay tatagusan ng isang tabak upang mahayag ang mga iniisip ng maraming puso” (Lucas 2:35).

Lubusan nang natagos ang Kalinis-linisang Puso ni Inang Maria habang pinagmamasdan niya ang kanyang Anak, na itinaas sa Krus upang makita ng lahat. At bagaman nagdulot ng matinding dalamhati at sakit ang tanawing ito, nakita ng ating Mahal na Ina ang pagpapala sa pagkakataas ng kanyang Anak habang pinagninilayan niya ang mismong mga salita Niya. “Ngayon ay palalayasin ang pinuno ng mundong ito. At kapag itinaas na Ako mula sa lupa, ilalapit Ko ang lahat sa Akin.”

Bagaman masakit itong masaksihan, alam ng ating Mahal na Ina na ang Pagpapako sa Krus ng kanyang Anak ay nagsasakatuparan ng pinakadakilang kabutihang nakilala kailanman. Alam niyang bigla Niyang winasak ang “pinuno ng mundong ito” at pinalayas ito mula sa mga puso ng mga bumaling sa Krus. Alam niyang ilalapit ng Krus ng kanyang Anak ang marami sa Langit at palalayain sila mula sa walang hanggang kamatayan. Si Inang Maria mismo ang unang inilapit sa Krus ng kanyang Anak at nahugasan sa biyaya ng Kanyang walang hanggang awa.

Hinayaan mo na bang baguhin ng kapangyarihan ng Krus ang iyong sariling buhay? Nakiisa ka na ba sa ating Mahal na Ina habang nakatayo siya sa harap ng Krus, na buong pagmamahal na nakatitig sa larawan ng kanyang kaligtasan? Hinayaan mo na bang palayasin ng kapangyarihan ng Krus ang pinuno ng mundong ito mula sa iyong sariling puso? Hinayaan mo na bang ilapit ka ng Krus ni Jesus sa Kanya at sa Ama?

Pagnilayan mo ngayon ang mga tanong na ito habang pinagninilayan mo ang iyong Panginoon na itinataas sa Banal na Krus. Masdan mo Siyang nakabayubay roon at unawaing ito ang larawan ng iyong sariling kaligtasan. Hayaan mong mailapit ka sa Kanya at hayaang balutin ka ng Kanyang Kamahal-mahalang Dugo, na nagpapalayas sa masama at sa lahat ng kasalanan mula sa iyong buhay. Magnilay, magbulay-bulay, maging bukas at tumanggap. Itinaas ang Panginoon para sa iyo. Hayaan mong baguhin ng kapangyarihan ng Krus ang iyong buhay.

Pinakamamahal kong Ina, bagaman pinagmasdan mo ang kakila-kilabot na tanawin ng malupit na Pagpapako sa Krus ng iyong Anak, naalaala mo ang Kanyang mga salita na naghahayag ng kapangyarihan ng Kanyang sakripisyo. Batid mo ang malalim na katotohanang winawasak ng Kanyang Krus ang masama at ang lahat ng kasalanan, at na ang lahat ng kasama mong titingin nang may pananampalataya sa iyong Anak ay mailalapit sa kaluwalhatian ng Langit.

Ipanalangin mo ako, mahal kong Ina, upang mapabilang ako sa mga kasama mong nakatayo sa lilim ng Krus. Tulungan mo akong mapalakas ng iyong patotoo. Lagi mo akong ituro sa iyong Anak upang matanggap ko ang kasaganaan ng biyayang ibinuhos sa Kalbaryo.

Panginoon kong nakapako sa Krus, nagpapasalamat ako sa Iyo para sa di-matarok na kaloob ng Krus. Ilapit Mo ako sa Iyo, mahal kong Panginoon, at pabanalin Mo ako sa pamamagitan ng Iyong ganap na sakripisyo ng pag-ibig. Pagalingin Mo ako, panibaguhin Mo ako, bigyan Mo ako ng bagong buhay at palayasin Mo ang lahat ng kasalanan mula sa aking buhay. Nagpapasalamat ako sa Iyo, Panginoon, sa lahat ng Iyong ginawa. 

 Inang Maria, ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ikatatlumpung Araw – “Ama, Patawarin Mo Sila, Sapagkat Hindi Nila Alam ang Kanilang Ginagawa”

Talaan ng mga Nilalaman

Mayroon Din sa eBook & Paperback!

Ibahagi ang Pahinang Ito: