Tagalog

Ikatlong Linggo ng Kuwaresma: Tubig na Buhay

Ang pagbasa sa Ebanghelyo ngayon (John 4:5–42) ay ang nakaaantig at magiliw na salaysay tungkol sa Babae sa Balon. Ang salaysay na ito sa Ebanghelyo ay laging binabasa sa Taóng A ng liturhiya at maaari ring basahin sa mga Taóng B at C. Angkop na angkop ang salaysay na ito sa tema ng apatnapung araw ni Hesus sa ilang na ating pinagninilayan.

Una sa lahat, naganap ang salaysay sa katanghaliang-tapat, kung kailan nananatili sa loob ng bahay ang karamihan sa mga babae upang makaiwas sa init. Pumunta ang babae sa balon sa kainitan ng araw upang makaiwas sa ibang mga babae, dahil sa takot na hatulan nila siya dahil sa kanyang makasalanang pamumuhay.

Isa ring pangunahing tema ng salaysay ang pagpawi ng uhaw, na pinagnilayan din natin ngayong Kuwaresma habang pinagmamasdan natin si Hesus sa ilang. Nang makatagpo ni Hesus ang babaeng ito sa balon, malinaw na uhaw ang kanyang katawan; higit pa rito, uhaw ang kanyang kaluluwa. Sinikap niyang pawiin ang uhaw na iyon sa pamamagitan ng pag-aasawa sa sunod-sunod na mga lalaki at pagkatapos ay pakikisama sa isang lalaking hindi niya asawa. Nang makita siya ni Hesus, may kapansin-pansin Siyang hiniling sa kanya na may malalim na espirituwal na kahulugan. Sinabi lamang Niya, “Bigyan mo Ako ng maiinom.”

Sa unang tingin, hindi ito kataka-taka. Mainit noon, uhaw ang katawan ni Hesus, at sumasalok ng tubig sa balon ang babae. Ngunit dapat nating unawain ang kahilingan ni Hesus sa higit na malalim na antas na espirituwal. Ang “uhaw” na nadarama ni Hesus ay para sa pananampalataya at pagbabalik-loob ng babae. Nais Niyang makalaya siya mula sa kanyang buhay ng kasalanan at kahihiyan. Nais Niyang makaranas siya ng kaginhawahan sa kanyang kaluluwa. Kaya naman, sinabi pa ni Hesus tungkol sa tubig sa balon, “Ang bawat umiinom ng tubig na ito ay muling mauuhaw, ngunit ang sinumang umiinom ng tubig na ibibigay Ko ay hindi na mauuhaw kailanman; ang tubig na ibibigay Ko ay magiging bukal sa kanya na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan.”

Madalas, ang mga nakagapos sa paulit-ulit na pagkakasala ay nakadarama ng kahihiyan, kawalan ng pag-asa, at takot. Nakita ni Hesus ang mga ito sa kaluluwa ng babaeng ito. Nakita Niyang nakagapos siya sa paulit-ulit na pagkakasalang ito, at nais Niya siyang palayain.

Kapag sinusuri natin ang sarili nating buhay, lalo na kung nasadlak tayo sa paulit-ulit na pagkakasalang hindi natin matakasan, dapat nating makita ang puspos ng habag at maawaing Puso ni Hesus na umaabot sa atin gaya ng ginawa Niya sa babaeng ito. Bukod dito, kapag nakakakita tayo ng ibang nakagapos sa paulit-ulit na pagkakasala, dapat tayong maging Puso ni Hesus para sa kanila, sa halip na magpadala sa paghatol at pagkondena.

Sa pagtatapos ng kanilang pagtatagpo, iniwan ng babae ang kanyang banga sa balon, bilang sagisag na natanggap na niya ang “Tubig na Buhay” na ito, na kaagad naging “bukal na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan.” Lubos na pinawi ng maikling pagtatagpong ito kay Hesus ang uhaw ng kanyang kaluluwa kaya tuluyan niyang nalimutan ang uhaw ng kanyang katawan. Umalis siyang puno ng pagkamangha at kagalakan.

Pagnilayan si Hesus na nakaupo sa balong iyon habang lumalapit ka upang sumalok ng tubig, dama ang bigat at pagkatuyot na dulot ng iyong mga kasalanan. Hindi ka kinokondena ni Hesus. Nais ka Niyang palayain. Nais Niyang ibigay sa iyo ang Kanyang Tubig na Buhay. Pawiin ang Kanyang uhaw sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanyang di-matarok na habag at awa. At kapag nakatagpo ka ng mga nakagapos sa isang buhay ng kasalanan, maging maawaing Puso ni Hesus para sa kanila.

Panginoong puspos ng habag, namamangha ako sa lalim ng Iyong ganap na habag at pag-ibig. Tulungan Mo akong huwag matakot sa Iyo kailanman, kundi laging bumaling sa Iyo sa aking pagkauhaw na dulot ng aking kasalanan. Habang tinatanggap ko ang Iyong di-matarok na awa, idinadalangin kong maging maawaing Puso Mo rin ako para sa mga nangangailangan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Talaan ng mga Nilalaman

Higit Pa para sa Kuwaresma

Ibahagi ang Pahinang Ito: