Tagalog

Mahal na Birhen ng Lourdes

Mga larawan: Wikimedia & Adobe Stock

Pebrero 11: Mahal na Birhen ng Lourdes—Opsiyonal na Paggunita

Enero 11–Hulyo 16, 1858
Patrona ng mga maysakit at mga may hika
Kulay Liturhiko: Puti (Lila kung karaniwang araw ng Kuwaresma)
Bersiyon: Buod na Buo – Maikli

Mga channel ng podcast:
Apple – Spotify – iHeart – Audible

Sipi:
Araw-araw akong pumunta sa loob ng dalawang linggo, at bawat araw ay tinanong ko siya kung sino siya, at lagi siyang napapangiti sa tanong na ito. Pagkaraan ng dalawang linggo, tatlong beses ko siyang tinanong nang sunud-sunod. Ngumiti siya sa bawat pagkakataon. Sa wakas, sinubukan ko sa ikaapat na pagkakataon. Tumigil siya sa pagngiti. Habang nakababa ang kaniyang mga bisig, itinaas niya ang kaniyang mga mata sa Langit at pagkatapos, pinagdaup ang kaniyang mga kamay sa tapat ng dibdib at sinabi, “Ako ang Kalinis-linisang Paglilihi.” ~Patotoo ni Santa Bernadette Soubirous

Pagninilay: Isinilang si Bernadette Soubirous noong Enero 7, 1844, sa isang payak at napakahirap na pamilya sa Lourdes, Pransiya. Ang kaniyang ama ay isang tagagiling ng butil at ang kaniyang ina ay labandera. Bilang panganay sa siyam na magkakapatid, tumanggap si Bernadette ng payak na edukasyon mula sa mga Madre ng Kawanggawa at Edukasyong Kristiyano, ngunit naging hadlang sa kaniyang pag-aaral ang madalas na pagkakasakit. Lumaki siyang nagsasalita ng lokal na diyalekto ng Occitan at natuto ng kaunting Pranses noong kaniyang kabataan. Napakahirap ng kaniyang pamilya kaya silang labing-isa ay sama-samang nanirahan nang walang upa sa isang silid sa silong ng bahay ng isang kamag-anak, na dating ginamit bilang bilangguan o piitan.

Noong labing-apat na taong gulang si Bernadette, sumama siya sa kaniyang kapatid na babae at isang kaibigan upang mangalap ng panggatong para mapainit ang kanilang tahanan. Naiwan sa hulihan si Bernadette habang naghahanap sila ng kahoy malapit sa isang likas na grotto sa batuhan. Pagkatapos ay narinig niya ang ugong ng malakas na hangin ngunit isang ligaw na rosas lamang ang nakita niyang gumagalaw. Mula sa loob ng grotto, nakita niya ang isang nakasisilaw na liwanag at ang anyo ng isang maliit na dalagang nakaputi na may mga dilaw na rosas sa kaniyang mga paa. Walang nakita ang dalawa pang dalagita. Hiniling ni Bernadette sa kaniyang kapatid na huwag itong sabihin kaninuman, ngunit kalaunan ay sinabi ito ng kaniyang kapatid sa kanilang ina. Pinarusahan ng ina ni Bernadette ang magkapatid dahil sa pagsisinungaling at pinagbawalan silang bumalik sa grotto.

Pagkaraan ng tatlong araw, nadama ni Bernadette ang pagnanais na bumalik sa grotto, kaya siya at ang kaniyang dalawang kasama ay nagsumamo sa kaniyang ina na pahintulutan sila. Atubili man, pumayag ang kaniyang ina. Nagdala si Bernadette ng isang bote ng banal na tubig. Pagdating nila sa yungib, lumuhod ang tatlong dalagita upang magdasal ng rosaryo. Bago matapos ang unang dekada, nagpakita ang dalagang nakaputi. Nagwisik si Bernadette ng banal na tubig sa kaniyang kinaroroonan at sinabi sa kaniya na kung siya ay mula sa Diyos ay manatili siya; kung hindi, dapat siyang umalis. Ngumiti ang babae at nanatili hanggang matapos ang rosaryo, at saka umalis.

Sa panahong ito, nagsimula nang mabalitaan ng ilang tagaroon ang mga pagpapakitang ito. May ilang mapamahiin na nag-akalang mga kaluluwa iyon ng mga namatay nilang kamag-anak. Naniwala naman ang iba na iyon ang Mahal na Birheng Maria. Pagkaraan ng apat na araw, bumalik si Bernadette sa yungib kasama ang ilang nakatatanda. Nang magpakita ang ginang, kinausap niya si Bernadette sa unang pagkakataon, sa wikang Occitan. Kinausap ng ginang si Bernadette sa lubhang pormal at magalang na paraan, hindi gaya ng karaniwang pakikipag-usap ng isang nakatatanda sa isang mahirap na dalagitang tagabukid. Tinanong niya si Bernadette kung handa siyang bumalik sa susunod na labing-apat na araw. Pumayag si Bernadette.

Ganito ang salaysay ni Bernadette tungkol sa sumunod na dalawang linggo ng mga pangitain: “Bumalik ako sa loob ng dalawang linggo. Nagpakita ang pangitain araw-araw, maliban sa isang Lunes at isang Biyernes. Ilang ulit niyang sinabi sa akin na sabihin ko sa mga pari na magtayo sila ng isang kapilya roon, at na pumunta ako sa bukal upang maghilamos, at na ipagdasal ko ang mga makasalanan. Sa loob ng dalawang linggong ito, sinabi niya sa akin ang tatlong lihim na ipinagbawal niyang sabihin ko kaninuman. Naging tapat ako hanggang ngayon.”

Habang kumakalat ang balita, dumami ang mga dumadalo—mula 30, naging 100, 350, 800, 1000, 1,500, hanggang umabot sa halos 10,000. Sa loob ng dalawang linggong iyon, nakialam ang lokal na pulisya at pinagbantaan si Bernadette at ang kaniyang pamilya. Gayunman, nagpatuloy si Bernadette. Hiniling ng ginang sa mga tao na ipanalangin ang mga makasalanan at magpenitensiya. Sa ikasiyam na pangitain, hiniling ng ginang kay Bernadette na uminom mula sa isang bukal sa loob ng yungib. Isang maliit na sanaw lamang ng maputik na tubig ang nakita niya, kaya uminom siya mula rito. Nag-iwan ito ng putik sa kaniyang mukha, kaya kinutya siya ng marami sa mga nanonood, na ikinahiya naman ng kaniyang pamilya. Sa sumunod na dalawang araw, ang maliit na sanaw ng maputik na tubig ay naging isang umaagos na bukal ng malinaw na tubig. Marami ang nagsimulang maniwala nang gumaling ang paralisadong braso ng isang babae matapos niya itong hugasan sa bagong bukal. Sa buong labing-apat na araw, paulit-ulit na tinanong ni Bernadette ang pangalan ng ginang, sapagkat ito ang ipinagawa sa kaniya ng kura paroko. Sa bawat pagkakataon, ngumingiti lamang ang ginang. 

Pagkatapos ng labing-apat na araw, bumalik sa normal ang buhay sa sumunod na tatlong linggo. Gayunman, noong Marso 25, Kapistahan ng Pagpapahayag ng Mabuting Balita kay Maria, muli na namang naakit si Bernadette na pumunta sa groto. Sa pagkakataong ito, paulit-ulit niyang tinanong ang pangalan ng ginang. Sumagot ang ginang, “Ako ang Kalinis-linisang Paglilihi.” Si Bernadette ay isang bata, payak, at kulang sa pinag-aralang dalagang taganayon. Wala siyang kaalam-alam kung ano ang “Kalinis-linisang Paglilihi.” Ngunit paulit-ulit niyang binigkas sa sarili ang pangalang iyon upang hindi niya malimutan. Nang sabihin niya ito sa kura paroko, namangha ito. Apat na taon pa lamang ang nakalilipas mula nang ipahayag ng papa ang Dogma ng Kalinis-linisang Paglilihi. Ang katotohanang ito, higit sa lahat, ay nakatulong upang makumbinsi ang mga pinuno ng Simbahan na tunay ang mga pagpapakita.

Mula noon, patuloy na umaagos ang tubig sa Lourdes, at mahigit pitumpung pagpapagaling na ang naitala, napag-aralan, at napatunayan sa pamamagitan ng mahigpit na prosesong siyentipiko. Di-mabilang na libu-libong iba pang pagpapagaling ang pinatotohanan ng mga mananampalataya. Milyun-milyong tao na ngayon ang dumadalaw sa Lourdes bawat taon, kaya isa ito sa pinakamadalas puntahang pook ng paglalakbay-pananampalataya sa mundo. Dinadagsa ng mga maysakit ang banal na grotong ito upang maligo sa o uminom ng mapaghimalang tubig, sa pag-asang gumaling ang kanilang mga karamdaman.

Ilang taon matapos ang kaniyang mga pangitain, pumasok si Bernadette sa buhay-relihiyosa. Tungkol sa mga pangitain, sinabi niya kalaunan, “Ginamit ako ng Birhen bilang isang walis upang alisin ang alikabok. Kapag tapos na ang gawain, ibinabalik ang walis sa likod ng pinto.” Ang “walis” na ito ay ipinahayag na santa noong 1933. Gayunman, ang groto ng Lourdes ay may higit na malawak na kahulugan kaysa kay Bernadette lamang. Ito ang kaloob ng Mahal na Birhen sa mga tao. Ito ang kaniyang pagpapahayag na siya ang Kalinis-linisang Paglilihi at ang kaniyang pormal na pagtanggap sa titulong ito dito sa lupa.

Panalangin: Pinakamamahal na Ina, ang Kalinis-linisang Paglilihi, pinili mo si Bernadette, ang pinakahamak na kasangkapan, upang ipahayag ang iyong mensahe ng pagsisisi para sa lahat. Ipinahayag mo sa mundo na ikaw nga ang Kalinis-linisang Paglilihi. Ipanalangin mo ako, pagalingin mo ang aking kaluluwa, at tulungan mo akong makalaya sa lahat ng kasalanan upang balang araw ay makabahagi ako sa iyong kaluwalhatian sa Langit. Santa Bernadette, ipanalangin mo ako. Mahal na Birhen, ang Kalinis-linisang Paglilihi, ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Ang pagninilay ay hango sa:

Mga Santo at Kapistahan ng Taong Liturhiko
Mga Tomo Isa–Apat


Karagdagang Babasahin:

Papa San Juan Pablo II

Mga Santong Katoliko & mga Kapistahan

Sanctoral

Franciscan Media

Catholic Exchange

Catholic Culture

Catholic Encyclopedia

Mga Himala

Wikipedia

Lahat ng Santo para sa Araw na Ito

Lahat ng mga Santo sa Taong Liturhiko


(Maikling Bersiyon)

Pebrero 11: Mahal na Birhen ng Lourdes—Opsiyonal na Paggunita

Enero 11–Hulyo 16, 1858
Patrona ng mga maysakit, mga may hika

Si Bernadette Soubirous ang panganay sa siyam na magkakapatid. Isinilang siya sa isang maralitang pamilya sa Lourdes, Pransiya noong Enero 7, 1844. Lahat ng labing-isang miyembro ng pamilya ay nakatira sa isang silid sa silong ng bahay ng isang kamag-anak, na dating bilangguan o piitan. Nagsasalita si Bernadette ng lokal na diyalektong Occitan at natuto ng kaunting Pranses noong siya ay tinedyer.  Madalas siyang magkasakit at tumanggap ng payak na edukasyon mula sa Sisters of Charity and Christian Instruction. 

Noong labing-apat na taong gulang si Bernadette, nangunguha siya ng panggatong kasama ang kanyang kapatid na babae at isang kaibigan upang mapainit ang tahanan ng pamilya Soubirous. Naiwan sa likuran si Bernadette habang naghahanap sila ng kahoy malapit sa isang mabatong yungib. Nang marinig niya ang lagaslas ng malakas na hangin, isang ligaw na rosas lamang ang nakita niyang gumagalaw. Pagkatapos, mula sa loob ng yungib, nakakita siya ng nakasisilaw na liwanag at ng anyo ng isang maliit na dalagang nakaputi na may mga dilaw na rosas sa kanyang mga paa. Nang ikuwento ng kapatid ni Bernadette sa kanilang ina ang sinabi ni Bernadette na nakita niya, pinarusahan ng kanilang ina ang mga batang babae dahil sa pagsisinungaling at pinagbawalan silang bumalik sa yungib.

Pagkaraan ng tatlong araw, atubiling pinayagan ng ina ni Bernadette na bumalik si Bernadette at ang dalawa pang batang babae. Dito nagsimula ang sunud-sunod nilang pagpunta sa yungib, na sinasabayan ng dumaraming taong-bayan. Ngunit si Bernadette lamang ang nakakakita sa ginang. Sa ikatlong pagpapakita, kinausap ng ginang si Bernadette sa unang pagkakataon, sa wikang Occitan, at hiniling na bumalik siya sa susunod na labing-apat na araw.

Sa sumunod na dalawang linggo, labindalawang beses na nagpakita ang ginang kay Bernadette. Inutusan niya si Bernadette na sabihin sa mga pari na magtayo sila ng isang kapilya roon, na maghugas siya sa bukal, at na manalangin siya para sa mga makasalanan. Ipinahayag din ng ginang kay Bernadette ang tatlong lihim at inutusan siyang huwag ibunyag ang mga ito.

Bagaman parami nang parami ang mga taong dumadagsa sa yungib, marami ang nag-alinlangan kay Bernadette at pumuna sa kanya at sa kanyang pamilya. Sa ikasiyam na pangitain, hiniling ng ginang kay Bernadette na uminom mula sa isang bukal ng tubig sa yungib. Nang makakita siya ng isang maliit na maputik na sanaw at uminom mula rito, lumabas si Bernadette na may putik sa mukha at nilibak ng mga nanonood. Sa sumunod na dalawang araw, ang maliit na maputik na sanaw ay naging isang bukal na dinadaluyan ng malinaw na tubig. Matapos ibabad ng isang babaeng may paralisadong braso ang kanyang braso sa tubig at gumaling, marami ang nagsimulang maniwala na ang Mahal na Ina ang nakikita at nakakausap ni Bernadette, bagaman hindi pa ipinahahayag ng ginang ang kanyang pangalan.

Bumalik si Bernadette sa yungib noong Marso 25, ang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita sa Mahal na Birheng Maria. Nang itanong niya ang pangalan ng ginang, sumagot ito, “Ako ang Kalinis-linisang Paglilihi.” Paulit-ulit na binigkas ni Bernadette sa sarili ang pangalang ito upang hindi niya malimutan. Nang sabihin niya ito sa kura paroko, namangha ito. Apat na taon pa lamang ang nakalilipas mula nang ipahayag ng papa ang Dogma ng Kalinis-linisang Paglilihi. Ang katotohanang ito, higit sa lahat, ang nagpatibay sa paniniwala ng mga pinuno ng Simbahan na tunay ang mga pagpapakita.

Pagkaraan ng ilang taon, pumasok si Bernadette sa buhay-relihiyosa. Pumanaw siya noong 1879 at itinanghal na santa noong 1933.

Hanggang ngayon, patuloy na dumadaloy ang tubig sa Lourdes. Hindi mabilang ang mga pagpapagaling na pinatotohanan ng mga mananampalataya, at pitumpung pagpapagaling na ang pinagtibay ng Simbahan sa pamamagitan ng isang mahigpit na siyentipikong proseso. Milyun-milyong maysakit ang dumadagsa sa banal na yungib na ito taun-taon upang humingi ng kagalingan sa pamamagitan ng pagligo sa mahimalang tubig o pag-inom nito, kaya ang Lourdes ay isa sa mga pinakadinadayong pook ng paglalakbay-pananampalataya sa buong mundo.

Pinakamamahal na Ina, pinili mo ang mapagpakumbabang si Bernadette upang ipahayag ang iyong mensahe ng pagsisisi para sa lahat at ang iyong titulo bilang Kalinis-linisang Paglilihi. Ipanalangin mo ako upang balang araw ay makabahagi ako sa iyong kaluwalhatian sa Langit. Santa Bernadette, ipanalangin mo ako. Mahal na Birhen, ang Kalinis-linisang Paglilihi, ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Bumalik sa buong bersyon

Ibahagi ang Pahinang Ito: