
Mga larawan: Benoit Lhoest, CC BY-SA 3.0, mula sa Wikimedia Commons & Santa Angela Merici at ang mga Martir na Ursulina
Enero 27: Santa Angela Merici, Birhen—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang
1474–1540
Patron ng mga maysakit, mga namatayan ng magulang, at mga taong may kapansanan, may pagkabalda, o may mga pisikal na limitasyon
Ipinahayag na santo noong Mayo 24, 1807 ni Papa Pio VII
Kulay Liturhiko: Puti
Bersiyon: Buo – Maikli
Mga channel ng podcast:
Apple – Spotify – iHeart – Audible
Sipi:
Mga kapatid kong minamahal, kailangan tayong maging mapagbantay, at lalo pa nga sapagkat ang gawaing ito ay napakahalaga na wala nang hihigit pa rito. Nakasalalay rito ang ating buhay at kabutihan, at dito ay tinatawag tayo sa isang buhay na lubhang maluwalhati, sapagkat tayo ay mga kabiyak ng Anak ng Diyos at magiging mga reyna sa langit. ~Paunang Salita sa Tuntunin ng Samahan ni Santa Ursula #15–17
Pagninilay: Si Angela ang bunso sa limang anak ng kanyang mga magulang na namumuhay nang may kabanalan at matibay na pananampalataya. Ipinanganak siya sa bayan ng Desenzano sa hilagang Italya. Di-nagtagal, lumipat ang kanyang pamilya sa isang bukid sa labas lamang ng bayan, kung saan lumaki si Angela. Bata pa lamang siya ay mahusay na siyang naturuan sa pananampalatayang Katoliko. Araw-araw, binabasahan ng kanyang ama ang buong pamilya tungkol sa buhay ng mga santo mula sa “The Golden Legend,” kaya napuspos ang isip at puso ng batang si Angela ng pagnanais na tularan sila. Ngunit noong nagdadalaga na siya, hindi lamang minsan o makalawa, kundi tatlong ulit na sinalanta ng trahedya ang kanyang pamilya. Sa loob ng maikling panahon, pumanaw ang ama, ina, at kapatid na babae ni Angela, kaya naulila siya at ang kanyang tatlong kapatid na lalaki.
Matapos pumanaw ang kanyang mga magulang at kapatid na babae, lumipat si Angela at ang kanyang bunsong kapatid na lalaki sa bayan ng Salò, mga labinlimang milya sa hilaga ng Desenzano, upang manirahan sa kanilang tiyuhin na kapatid ng kanilang ina. Namumuhay rin nang may kabanalan ang kanyang tiyuhin, at patuloy na lumago ang pananampalataya ni Angela sa ilalim ng mapagmahal nitong pagkalinga.
Noong mga dalawampu o dalawampu’t dalawang taong gulang na siya, sumapi si Angela sa Ikatlong Orden Franciscano, ang sangay para sa mga layko ng mas malawak na Orden Franciscano. Hindi gumagawa ng kaparehong mga panata ng mga konsagradong lalaki at babae ang mga kasapi ng Ikatlong Orden Franciscano, at isinasabuhay nila ang kanilang bokasyon sa gitna ng daigdig. Bilang kasapi ng Ikatlong Orden Franciscano, sinimulan noon ni Angela ang panghabambuhay niyang kaugalian ng pagsusuot ng payak na abito ng mga Tersyaryong Franciscano. Ipinaalam din niya sa kanyang tiyuhin na nais niyang ialay ang buong buhay niya kay Kristo sa halip na mag-asawa. Di-nagtagal, pumanaw ang kanyang tiyuhin, at nagpasiya si Angela na bumalik sa tahanan ng kanyang pamilya sa Desenzano upang magsimula ng bagong buhay bilang isang laykong Franciscano. Nanatili siya roon nang humigit-kumulang dalawampung taon.
Pinaniniwalaang sa isang yugto ng kanyang buhay, nagkaroon si Angela ng isa o higit pang mga pangitain na nagpatibay sa kanyang pagtitiwala sa Diyos at nagpalalim sa kanyang katapatan sa kanyang bokasyon. Labis na nag-aalala si Angela kung nasa Langit na nga ba ang kanyang kapatid na babae, at hinahangad ng kanyang puso ang katiyakan. Dumating ang sagot sa pamamagitan ng isang pangitain kung saan nakita niya ang kanyang kapatid na nakikiisa sa isang makalangit na prusisyon kasama ng mga anghel at iba pang mga batang babae. Nagdulot ito ng kapanatagan sa puso ni Angela. Sa pangitain ding iyon o sa isang sumunod pa, nakita niya ang isang hagdan patungong Langit at ang ilang kabataang birhen na umaakyat dito. Ang pangitaing ito ang naging binhi ng kanyang tawag na turuan ang mga batang babae tungkol sa Diyos at hubugin sila para sa banal na pamumuhay. Sinimulang turuan ni Angela ang mga batang babaeng nagtitipon sa kanyang tahanan araw-araw upang tulungan silang maging mas mabubuting Kristiyano. Di-nagtagal, nagsimula ring tumulad sa kanya ang iba pang mga dalagang walang asawa, na tinatanggap ang mga batang babae sa kani-kanilang tahanan. Ang mga laykong babaeng gurong ito ay bumuo ng isang samahang hindi mahigpit ang pagkakaorganisa, na nagkakaisa sa iisang misyon at bokasyon bilang mga layko. Pagkaraan ng dalawampung taon sa Desenzano, inanyayahan si Angela na magtatag ng isa pang bahay sa kalapit na lungsod ng Brescia.
Sa Brescia, nakilala at minahal si Angela ng marami, lalo na ng mga kabataang babaeng nangangailangan. Nagbigay siya ng payo sa marami, kabilang ang mga dating babaeng nagbibili ng aliw, mga nakatataas sa lipunan, mga dukha, at lahat ng humihingi ng kanyang patnubay. Noong 1535, sa edad na animnapu’t isa, natupad din ni Angela ang huling bahagi ng kanyang misyon nang tipunin niya ang dalawampu’t walong iba pang birhen upang itatag ang samahan ng mga babaeng laiko na kilala bilang “Samahan ni Santa Ursula.” Angkop na patrona nila si Santa Ursula, sapagkat siya ang patrona ng mga babaeng mag-aaral. Ang Samahan ni Santa Ursula ang unang institutyong sekular para sa mga laiko sa kasaysayan ng Simbahan. Noong panahong iyon, dalawa lamang ang karaniwang pagpipilian ng mga babae: ang mag-asawa o pumasok sa isang kumbentong klawsurado. Ang bagong samahang ito ng mga laiko ang unang nag-alok sa mga kabataang babae ng ikatlong pagpipilian. Makalipas ang dalawang taon, nahalal si Angela bilang ina ng bagong samahang ito at nanatili siya sa tungkuling iyon hanggang sa kanyang kamatayan noong 1540. Nang siya ay pumanaw, may humigit-kumulang 150 kasapi ang Samahan. Apat na taon pagkamatay niya, noong 1544, nagpalabas si Papa Pablo III ng isang Bula Papal na nagpapatibay sa Alituntunin ng Samahan ni Santa Ursula. Bagaman nananatili hanggang ngayon ang Samahan ni Santa Ursula, pormal na humiwalay ang ilan sa mga unang kasapi nito upang bumuo ng isang bagong orden ng mga relihiyosa na tinawag na mga Ursulina, sa pamumuno ni Arsobispo San Carlos Borromeo ng Milan noong 1572. Kapwa kinikilala ng mga “Ursulina” at ng “Samahan ni Santa Ursula,” na magkahiwalay na institusyon sa Simbahan, si Santa Angela bilang kanilang tagapagtatag.
Ginamit ng Diyos si Santa Angela para sa isang natatanging misyon. Minahal niya ang Diyos mula pa sa murang edad, buong-buong inialay ang sarili sa Kanya bilang kanyang Kabiyak, at sinunod ang Kanyang kalooban habang ito ay unti-unting nahahayag. Sa simula, ang kanyang misyon ay isang personal na misyon ng pagmamahal sa mga batang babae at paggabay sa kanila tungo sa Diyos sa kanyang tahanan. Sa kalaunan, pinalawak ng Diyos ang misyong iyon at isinama ito sa Kanyang Simbahan.
Hindi tinatawag ng Diyos ang bawat tao upang magtatag ng bagong kilusan sa loob ng Simbahan o magpasimula ng isang orden ng mga relihiyoso, ngunit tinatawag Niya tayong lahat na makita ang mga pangangailangan ng mga nasa paligid natin at magsikap na tugunan ang mga iyon nang may pagmamahal at debosyon. Nakita ni Santa Angela ang pangangailangang alagaan at turuan ang mga batang babae. Pagnilayan ang mga pangangailangan sa paligid mo at, bilang pagtulad kay Santa Angela, ialay ang iyong sarili sa Diyos upang makatulong kang tugunan ang mga pangangailangang iyon ayon sa banal na kalooban ng Diyos.
Panalangin: Santa Angela, minahal mo ang Diyos sa murang edad at pinagyaman ang pag-ibig na iyon sa gitna ng mga pagsubok. Matapos mong mawalan ng maraming mahal sa buhay sa iyong pamilya, binigyan ka ng Diyos ng mga bagong espirituwal na anak upang arugain bilang kanilang espirituwal na ina. Tinanggap mo nang buong puso ang tawag na iyon, at nagbunga ito ng maraming kabutihan sa Simbahan. Ipanalangin mo ako upang matuto ako sa iyong halimbawa sa pamamagitan ng pag-aaruga sa mga taong inilagay ng Diyos sa aking buhay at paglalaan ng aking sarili sa paglilingkod sa kanila ayon sa ganap na kalooban ng Diyos. Santa Angela, ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mga Santo at Kapistahan ng Taong Liturhiko
Mga Tomo Isa–Apat
Karagdagang Babasahin:
Mga Santong Katoliko & mga Kapistahan
Lahat ng Santo para sa Araw na Ito
Lahat ng mga Santo sa Taong Liturhiko

