Inilalahad sa atin ng Ebanghelyo para sa Misa ngayon ang Pagbabagong-anyo ng ating Panginoon, na naganap sa isang bundok kung saan ipinakita ni Hesus ang bahagyang sulyap sa Kanyang kaluwalhatian sa tatlo sa Kanyang mga apostol: sina Pedro, Santiago, at Juan. Nagsisimula ang salaysay na ito na may mga pagkakatulad sa apatnapung araw ni Hesus sa ilang. Isinama ni Hesus ang tatlong apostol na ito sa isang bukod na lugar upang mapag-isa sila nang ilang panahon. Hindi sila nagtungo sa ilang, ngunit umakyat naman sila sa isang bundok, na tiyak na nakapapagod.
Ang mararanasan ng mga apostol na ito sa bundok na iyon ay malayong-malayo sa karanasan sa ilang ng gutom, uhaw, init, at tukso. Sa halip, sa isang biglaang pagbuhos ng biyaya na tila hindi kapani-paniwala, nagpakita sina Moises at Elias at nakipag-usap kay Hesus. Si Hesus mismo ay nagningning sa liwanag, at ang Kanyang damit ay naging nakasisilaw sa kaputian. Pagkatapos ay dumagundong mula sa Langit ang Tinig ng Ama. Hindi lamang nasilaw ang mga mata ng mga apostol na ito, kundi naantig din ang kanilang mga kaluluwa, sapagkat alam nilang nasasaksihan nila ang isang bagay na hindi nila kailanman naisip na makikita. Tinatanggap nila ang nakaaaliw na kaloob na masulyapan ang kaluwalhatian ni Hesus.
Bagaman lubhang naiiba ang karanasang ito sa tuktok ng bundok sa panahong ginugol ni Hesus sa ilang, ito ay isang karanasang magiging napakahalaga sa mga apostol kapag pumasok sila sa sarili nilang mga ilang sa hinaharap. Ang sulyap na ito sa kaluwalhatian ay nilayong magpunla ng pag-asa sa kanilang mga puso sa panahong higit nila itong kakailanganin. Habang bumababa sila sa bundok, sinabi ni Hesus sa kanila na huwag ipagsabi kaninuman ang kanilang naranasan hangga’t hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. Alam ni Hesus na sa panahong iyon, matapos Siyang patayin at muling mabuhay, ang mga apostol na ito at marami sa Kanyang mga tagasunod ay daranas ng pag-uusig at maging ng kamatayan. Kaya ibinigay sa kanila ni Hesus ang nakaaaliw na pangitaing ito upang tulungan silang tiisin ang mga krus na haharapin nila balang araw.
Anong karanasan sa “tuktok ng bundok” ang naranasan mo kasama ng ating Panginoon? Nagkaroon ba ng sandali sa isang rekoleksiyon, misyon sa parokya, o panahon ng pananalangin kung kailan makapangyarihang ipinadama sa iyo ni Hesus ang Kanyang sarili? Kapag nangyayari iyon, nais nating panatilihin ang damdaming iyon ng pagiging malapit ng Diyos, gaya ng mga apostol sa bundok. Ngunit kinailangan nilang bumaba at harapin ang Krus ni Hesus, at sa huli ay ang sarili nilang krus. Gayundin sa atin. Ang mga sandaling ito ng matinding kaaliwan ay karaniwang panandalian lamang. Ibinibigay ni Hesus ang mga biyayang ito bilang munting patikim ng naghihintay sa atin sa Langit upang palakasin tayo na yakapin ang Kanyang Krus kasama Niya, anuman ang anyo nito sa ating buhay.
Pagnilayan ang anumang karanasan mo na nagdulot sa iyo ng malalim na kaaliwan mula sa Diyos. Nabigyan ka ba ng lakas ng gayong karanasan sa mahihirap na panahon? Habang pinagninilayan mo ang alinman sa gayong mga karanasan mo, alalahanin ang layunin nito. Isa itong kaloob na dapat magpaalala sa iyo magpakailanman ng kaluwalhatian ng Diyos upang ang paggunita rito ay magpasibol ng pag-asa sa iyo sa panahong higit mong kailangan ang pag-asa.
Aking Panginoong nagbagong-anyo, binigyan Mo ang Iyong mga apostol ng isang bahagya ngunit lubhang maluwalhating sulyap sa Iyong pagka-Diyos. Pinalakas sila ng kaloob na ito habang tinitiis nila ang Iyong pagdurusa at kamatayan, gayundin ang sarili nilang pagdurusa at kamatayan. Nawa’y bigyan Mo ako ng isang sulyap sa Iyong kaluwalhatian upang makapanghawak ako sa pagkakilalang iyon sa kung Sino Ka sa panahong higit ko itong kailangan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
