Tagalog

T. Pagkilatis sa Bokasyon

T. Paano mo pinili ang landas na tinahak mo? Paano mo nakilala ang Diyos? At paano matitiyak ng sinuman na tinatawag siya ng Diyos sa kanyang ginagawa o kung ano ang kanyang bokasyon?

S. Ang susi sa tanong na ito ay ang tinatawag nating “pagkilatis.” Napakahalagang paksa ang pagkilatis para sa mga kabataang tumitingin sa kanilang kinabukasan, kaya napakaganda ng tanong na ito.

Ang unang napakahalagang malaman ay talagang may plano ang Diyos para sa iyong buhay at sa buhay ng bawat isa. Kung minsan, maaaring medyo nakakatakot na maging bukas sa planong ito o kahit isipin kung ano ang maaaring naisin ng Diyos para sa iyo. Ngunit ang unang hakbang tungo sa isang napakasayang buhay ay ang malaman na anuman ang nais ng Diyos para sa iyo ay ang pinakatiyak na daan tungo sa buhay na maligaya!

Sa kung anong dahilan, madaling isipin na anumang nais ng Diyos na gawin natin ay magiging mahirap at sa paanuman ay magpapalungkot sa atin. Sana ay alam nating lahat na hindi ito totoo. Ngunit sa aktuwal, maaaring mahirap talagang maniwala na ang plano ng Diyos ay magbibigay sa atin ng higit na kaligayahan kaysa sa anumang mapipili natin sa sarili nating pagpapasya. Kaya ang una kong mungkahi sa mga nagsisikap alamin ang landas para sa kanilang buhay ay huminto sandali at kilalanin lamang na TUNAY na may napakagandang plano ang Diyos para sa bawat isa sa atin!

Kapag tunay mo nang pinaniniwalaan ang katotohanang iyan, mahalagang tumugon ka rito ng oo. Iyan ang mahirap na bahagi! “Mahirap” ito dahil karaniwang nais ng Diyos na umoo tayo sa Kanyang plano bago pa natin malaman kung ano ito. Nangangailangan ito ng pagtitiwala at pagsuko ng sarili. Sa palagay ko, mahirap ito dahil madalas ay gusto muna nating malaman ang lahat ng ating papasukin bago tayo sumang-ayon dito. Sa pakikipag-ugnayan sa Diyos, kailangan nating malaman at pagtiwalaan na pangangalagaan Niya tayo at magiging maligaya tayo sa anumang niloloob Niya para sa atin. Kaya maaaring ganito ang ating panalangin: “Panginoon, gagawin ko ang anumang nais Mo sa akin! Hindi ko pa alam ngayon ang Iyong kalooban, ngunit umoo na ako rito at nagtitiwalang ipapakita Mo sa akin ang Iyong plano sa panahong kailangan ko nang malaman ito.” Sa katunayan, ang pag-oo sa kalooban ng Diyos bago pa natin ito lubos na maunawaan ang madalas na susi upang simulan Niyang ipakita sa atin ang Kanyang nais.

Naranasan ko sa aking buhay na ang pagpapakita sa akin ng Diyos ng Kanyang plano ay unti-unti at tuluy-tuloy. Ang ibig kong sabihin ay, nang balikan ko ang panahon ng aking pagkilatis, nakita kong dahan-dahan at patuloy na tumibay ang aking paninindigan kung saan ako inaakay ng Diyos. Walang hayag at malinaw na mga palatandaan para sa akin. Sa halip, ang Kanyang banayad na Tinig ang unti-unting naging mas malinaw sa paglipas ng panahon. Sa huli, nang handa na akong magpasya nang pinal na maging pari, naisip kong napakatibay na ng aking paninindigan kaya tiyak na ang Diyos ang umakay sa akin doon.

Tungkol naman sa pag-alam nang may katiyakan, naniniwala akong posibleng malaman ito nang may malalim na katiyakan. Kailangan lamang patahimikin ang marami nating iniisip at mga ideya, bitiwan ang lahat ng pansarili nating kagustuhan, at hayaang manaig ang kalooban ng Diyos. Ang masasabi ko lamang ay malalaman mo ito kapag nangyari iyon. Sa katunayan, ang ganitong uri ng katiyakan, na tinatawag nating kaloob ng pananampalataya, ay maaari pang maging higit na malinaw sa atin kaysa sa anupamang bagay kung hahayaan lamang nating mangusap sa atin ang Diyos!


Higit Pang mga Tanong & Sagot Tungkol sa Pananampalatayang Katoliko

Ibahagi ang Pahinang Ito: