Tagalog

T. Pagpapatawad sa Krimeng Hindi Mapatatawad

T. Kamakailan ay may nabalitang walang saysay, walang pinipili, at kalunus-lunos na pamamaril. Hirap na hirap akong isipin na patawarin ang namaril. Marami na akong nakausap na gayon din ang nararamdaman. Pero bilang Kristiyano, hindi ba dapat kong patawarin ang iba? Ano ang dapat kong gawin?

S. Una sa lahat, huwag kang masyadong makonsensiya dahil “mahirap” para sa iyo na patawarin ang namaril. Talagang mahirap ito! Napakahirap harapin, unawain, at tanggapin ang mga trahedyang tulad nito. Tiyak kong marami rin ang nakararanas ng ganitong hirap. Laging napakahirap harapin ang walang saysay na mga karahasan. Maraming tanong ang naiiwan sa mga tao. Bakit ito nangyari? Napigilan kaya ito? Ano ang gagawin natin ngayon? Tiyak kong ang mga ito, at marami pang ibang tanong, ang bumabagabag sa isip at puso ng lahat ng nasasangkot. Sa palagay ko, mauunawaan lamang natin ang mga pangyayari at matitingnan ang mga ito sa tamang pananaw kung susuriin natin ang mga ito sa liwanag ng ating pananampalataya.

Mahal ng Diyos ang lahat ng tao. Sa katunayan, si Jesus ay naparito sa ating mundo, namatay sa Krus, at muling nabuhay para sa bawat isa sa atin. Ang Kanyang pagmamahal sa atin ay higit na dakila kaysa sa kaya nating maunawaan, o kahit maisip man lamang. Sa katunayan, ang Kanyang pagmamahal sa mga nagdusa sa trahedyang ito, kabilang ang namaril at ang kanyang pamilya, ay kasintindi ng Kanyang pagmamahal sa lahat ng biktima ng pamamaril. Maaaring mahirap itong maunawaan, at marahil ay mahirap din itong tanggapin.

Ang pagpapatawad ay nasa pinakapuso ng ating pananampalatayang Kristiyano at, samakatuwid, dapat din itong maging sentro ng ating buhay. Nakatutulong ang pagpapatawad upang makalaya tayo sa sama ng loob, pagkalito, at sakit. Madalas kong pagnilayan ang mga salita ni Jesus habang naghihingalo Siya sa Krus kapag nahihirapan akong magpatawad. Tiningnan Niya ang lahat ng katatapos lamang magpako sa Kanya sa krus at sinabi, “Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” May dalawang katotohanang ipinahayag dito.

Una, “Ama, patawarin Mo sila…,” at ikalawa, “…hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Lagi kong natatagpuang lubos na nakatutulong ang ikalawang pahayag na ito kapag sinisikap kong patawarin ang isang taong hindi malinaw na nagsisi sa kasalanang nagawa niya laban sa akin. Kadalasan, nakakagawa ang mga tao ng mabibigat na kasalanan sa mga kadahilanang hindi natin alam. Marahil ay labis silang nababagabag, nalilito, may sakit sa pag-iisip, hindi matatag ang damdamin, nalulungkot, nagagalit, at iba pa.

Madalas ay hindi nauunawaan ang motibo sa paggawa ng mabigat na kasalanan. Hindi nito nababawasan ang sakit na nadarama ng mga nasaktan dahil sa kasalanan ng iba, ngunit maaari nitong gawing mas posible para sa atin na sabihin, kasama ni Jesus, “Ama, patawarin Mo sila!”

Sa totoo lang, ang pagpapatawad sa iba ay higit na para sa ating kapakanan kaysa sa kapakanan ng taong pinatatawad natin. Kung buhay pa ang binatang namaril, tiyak na makatutulong ang pagpapatawad natin upang makita niya ang kasamaang kanyang nagawa at pagsisihan ito nang buong lalim sa abot ng kanyang makakaya. Ngunit kung kinitil din niya ang sarili niyang buhay, ang kanyang kaluluwa ay nasa mga kamay na ng Diyos. Maipagdarasal na lamang natin siya. Ngunit sa ganitong kalagayan, sa palagay ko, ang pagpapatawad sa kanya sa ginawa niyang ito ay mahalaga, una sa lahat, para sa ating sariling kabutihan. Tayo lamang ang nasasaktan sa pasanin ng galit at hinanakit. Bagaman mahirap, ang pagpapatawad sa kanya ay magdudulot ng kapayapaan at kalayaan. Makatutulong din ito upang mabuksan ang ating sarili sa awa ng Diyos sa ating buhay kapag kailangan natin ng kapatawaran.

Kaya gawin mo ang iyong makakaya sa mahirap na sitwasyong ito. Manalangin na ipagkaloob sa iyo ng Diyos ang biyayang mapatawad ang namaril at, kapag kaya mo na, mag-alay ng ilang panalangin para sa kanya at sa kanyang pamilya. Sa paggawa nito, ipinagkakatiwala mo sa Diyos ang iyong sama ng loob, pagkalito, at ang sarili mong buhay.


Higit pang mga Katolikong Tanong at Sagot 

Ibahagi ang Pahinang Ito: