Sabado pagkaraan ng Miyerkules ng Abo
Ngayon, pagninilayan natin ang pagkatuyo ng disyerto. Isang aral na isinasagisag ng disyerto ay na ang pananalangin at pag-aayuno ay hindi laging nagdudulot ng emosyonal na kaaliwan ng “ulan” na maaari nating hangarin. Kung ang pananalangin at pag-aayuno ay laging nagdudulot ng saganang kaaliwan sa kalooban at emosyonal na kasiyahan, mas madali nating mayayakap agad ang mga gawaing ito. Ngunit kung lagi nitong binabaha ng emosyonal na kaaliwan ang ating mga kaluluwa, makakagawian lamang natin ang pananalangin at pag-aayuno para lamang sa pagpapalayaw sa ating sarili sa pamamagitan ng mga kaaliwang iyon. Matutukso tayong patuloy na hanapin ang magagandang damdamin, sa halip na ang Diyos na kung minsan ay nagdudulot ng mga damdaming iyon.
Kadalasan, sa pinakasimula ng espirituwal na buhay ng pananalangin at pag-aayuno ng isang tao, talagang binabaha ng Diyos ang kaluluwa ng mga espirituwal na kaaliwang ito. Kapag natututong lumakad ang isang sanggol, masiglang pinapalakas ng ina ang loob ng kaniyang anak, na hinihikayat ito sa bawat hakbang. Habang tinatanggap ng bata ang magiliw at maka-inang paghikayat na iyon, nagiging panibagong kagalakan ang bawat susunod na hakbang. Ngunit sa kalaunan, kapag marunong nang lumakad ang bata, tumitigil na ang ina sa patuloy na pagpuri sa kaniyang paglakad.
Gayundin, madalas kang bibigyan ng Diyos ng maraming pampalakas-loob kapag ginawa mo ang unang hakbang ng masigasig na pagyakap sa buhay ng pananalangin at pag-aayuno. Ngunit kung paanong ang layunin ng mga unang hakbang ay ang matutong lumakad nang hindi na nangangailangan ng palaging paghikayat, gayundin, ang layunin ng una at buong-pusong hakbang sa pagsasagawa ng pananalangin at penitensiya ay ang makagawian ang pamumuhay na may pagsasakripisyo, na maipagpapatuloy kahit sa gitna ng pagkatuyo ng kalooban.
Kung tunay mong nais tularan ang ating Panginoon, sundan mo Siya sa disyerto sa pamamagitan ng pagkakagawian muna ng pananalangin at pag-aayuno. Pagkatapos, ipagpatuloy mo ang bagong kaugaliang iyon, kahit hindi mo agad madama ang pakinabang nito, gaya ng emosyonal o espirituwal na kasiyahan. Mag-ayuno at manalangin sa disyerto. Huwag kang matakot kung may pagkatuyo. Kapag dumating ang pagkatuyo, gawin mo itong dahilan ng pasasalamat. Para bang sinasabi sa iyo ng Diyos, “Natuto ka nang lumakad; ngayon, magtiyaga ka sa bagong espirituwal na kaugaliang ito upang tuparin ang Aking banal na kalooban, kahit sa mga panahon ng pagkatuyo.”
Pagnilayan mo ngayon ang pagkatuyo ng disyerto bilang larawan ng tiyak na mararanasan mo sa iyong kaluluwa. Takbuhin mo ito. Hayaan mong itulak ka roon ng Espiritu Santo at akayin ka upang masimulan mong gamitin—nang may katatagan at pagtitiyaga—ang mga bagong nakagawiang ito ng pananalangin at pag-aayuno upang higit mong magampanan ang misyong ibinigay sa iyo ng Diyos.
Aking Panginoon ng pagkatuyo, alam Mo kung ano mismo ang kailangan ko. Alam Mo kung kailan ko kailangan ang magiliw na pampalakas-loob na dulot ng kaaliwan, at alam Mo kung kailan ang pagkatuyo sa aking mga espirituwal na gawain ay makatutulong upang palakasin ako at palalimin ang aking pagpapasyang sumunod sa Iyo. Ipagkaloob Mo po sa akin ang mga biyaya ng katatagan at pagtitiyaga sa mga espirituwal na gawain ng pananalangin at pag-aayuno upang lalo akong maging katulad Mo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Tingnan din: Ikaapat na Pagninilay – 40 Araw sa Paanan ng Krus
