Tagalog

Ikatatlumpu’t Apat na Araw: Pakikipagkasundo

Sabado ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma

Isipin mong maghapon kang nagtrabaho nang husto sa isang hardin sa ilalim ng mainit na araw. Pagkatapos nito, walang mas nakagiginhawa kaysa sa pagligo at pagsusuot ng malinis na damit. Gayon din ang kaluluwa. Matapos magpagal sa larangan ng mundo, sa trabaho, sa loob ng pamilya, o sa mas malawak mong pamayanan, hindi maiiwasang marumihan ka ng kasalanan—marahil ay hindi mabigat na kasalanan, ngunit kahit man lamang ng mga kasalanang magaan at mga espirituwal na di-kasakdalan. Kapag nakaugalian ang mga kasalanang ito, lalo tayong narurumihan. At kung ang kasalanan ay mortal, napakalaki ng karumihan.

Nais ng Diyos na maging malinis ka. Nais Niyang maging malaya ka. Ayaw Niyang makitang nakalubog sa karumihan at kahihiyan ang Kanyang anak. Ito ang dahilan ng maluwalhating Sakramento ng Pakikipagkasundo.

Matapos mong pagnilayan ang Pitong Pangunahing Kasalanan nitong nakaraang mga araw, malamang na mas malinaw mo nang nakikita ang sarili mong mga kasalanan. Walang kahihiyan sa pag-amin sa ating mga kasalanan. Ang kahihiyan ay nagmumula lamang sa pagkakaila at pagtatago ng ating mga kasalanan. Ang mga kaluluwang mapagpakumbaba ay dumaraing sa Diyos para sa awa at kusang ipinahahayag ang kanilang mga kahinaan, pati ang kanilang mga kasalanan, lalo na yaong nakaugalian na o mabibigat.

Ang Kuwaresma ay panahon ng paghahangad ng espirituwal na pagpapanibago, at walang higit na makapagpapanibago sa atin kaysa sa kapangyarihang maglinis ng Sakramento ng Pakikipagkasundo. Sa sakramentong iyon, hinihipo ng Diyos ang iyong kaluluwa at nililinis ito sa lahat ng nagpapabigat sa iyo. Naghahatid Siya ng kalayaan at kapayapaan at binibigyan ka Niya ng kakayahang magsimulang muli.

Ang pangungumpisal ay tunay na panimulang hakbang ng pagbabalik-loob sapagkat pinapawi nito ang sala ng kasalanan. Ngunit itinuturo ng Simbahan na kahit nalinis na ang isang kaluluwa sa “sala” ng kasalanan, nananatili ang “temporal na kaparusahan.” Dahil dito, ang pangungumpisal ay panimulang hakbang lamang tungo sa kalayaang iyong hinahangad.

Ang temporal na kaparusahan ay isa pang paraan ng pagsasabi na ang kasalanan ay lumilikha ng mga nakagawian, at kung hindi mababago ang mga iyon, malamang na muling mahulog ang isang tao sa gayunding mga kasalanan. Ang mga nakaugaliang kasalanan ay nababago sa pamamagitan ng pagbabalik-loob at paglilinis ng isip at kalooban. Nagaganap ito sa pamamagitan ng panalangin, mga pasiyang may kabutihang-asal, biyaya, at penitensiya. Isa sa mga dahilan kung bakit nagbibigay ng penitensiya pagkatapos ng pangungumpisal ay upang ipaalala sa tao na kailangan niyang humayo at magbago, ngayong napatawad na ang kasalanan.

Ayon sa tradisyon, nag-alok ang Simbahan ng maraming paraan upang tumanggap ng indulhensiya, na isang gawaing espirituwal na naghahatid ng lahat ng biyayang kailangan upang mapalaya sa “temporal na kaparusahang nararapat sa mga kasalanan” (tingnan ang Katekismo ng Simbahang Katolika #1471). Ang indulhensiya ay isang paraan ng Diyos upang tiyaking maipagkakaloob sa iyo ang lahat ng biyayang kailangan mo upang lubusang magbago. Nasa iyo kung tatanggapin at gagamitin mo ang biyayang iyon o hindi.

Kung hindi ka pa nagkaroon ng pagkakataong mangumpisal nang lubusan ngayong Kuwaresma, hanapin sa kaibuturan ng iyong kaluluwa ang paghahangad mo ng tunay na kalayaan mula sa kasalanan. Habang natutuklasan mo ang paghahangad na iyon, paulit-ulit mo itong pagnilayan. Hayaan mong lumago sa iyong kalooban ang paghahangad na iyon at maging udyok na kailangan mo upang ipagdiwang ang pagpapatawad ng Diyos sa Sakramento ng Pakikipagkasundo. Kung nakapangumpisal ka na nang lubusan at taos-puso, pagnilayan ang kapangyarihang maglinis ng banal na gawaing iyon. Magalak sa kaloob na iyong natanggap, at sikaping iwaksi ang bawat natitirang masamang nakagawian upang lumawak ang iyong kalayaan at maging dakila ang iyong kagalakan.

Aking mapagpatawad na Panginoon, ang Iyong Kamahal-mahalang Puso ay puspos ng ganap na awa. Wala Kang ipinagkakait sa amin, kundi ibinibigay Mo ang buo Mong sarili at ang lahat ng nasa Iyo mula sa labis-labis na kasaganaan ng Iyong ganap na pag-ibig. Ipagkaloob Mo po sa akin ang biyayang kailangan ko upang magpakumbaba sa harap Mo sa pamamagitan ng pag-amin at pangungumpisal ng aking kasalanan, nang makatagpo ako ng kalayaan, kapayapaan at kagalakan, at pagkatapos ay magsikap na mapagtagumpayan ang lahat ng masasamang nakagawian at malalapit na okasyon ng kasalanan. Salamat sa Iyong saganang awa! Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Tingnan din: Ikatatlumpu’t Apat na Araw: 40 Araw sa Paanan ng Krus

Talaan ng mga Nilalaman

Higit Pa para sa Kuwaresma

Ibahagi ang Pahinang Ito: